Burn me in heaven (Chapter 4)

404 9 0
                                    


Chapter 4

Kinabukasan ay tanghali na nagising si Hermosa. Pagbangon niya ay wala na roon ang binata. Inaasam pa naman ng puso niyang maabutan si Javier na naghihintay sa kanyang tabi. Napabuga na lamang siya ng hangin sa bibig sa piping hiling ng puso na hindi natupad. Pagkatapos ay napailing-iling siya. Kay–aga-aga ay ang lalaki ang nilalaman ng isip niya.

Bumangon na lamang siya agad at nang buksan ang bintana ng silid ay tirik na tirik na ang araw sa labas. Mukhang nasobrahan sa himbing ang pagtulog niya. Mabilis siyang naglipit ng highaan at nag-ayos ng sarili. Bumaba na rin siya bago mabaliw na naman sa kaiisip sa lalaki.

Sinalubong siya ng magiliw na pagbati ni Nanay Marites. "Kasing ganda mo ang umaga, Hermosa. Mabuti at napasarap ang tulog mo kagabi. Ikinatuwa ng doktor na bumubuti na ang lagay mo. Halika na muna sa salas at naghihintay sa'yo si Doktor Desmundo."

"Nakakahiya naman po kay dok. Sana po ginising na lang po ninyo ako nang hindi siya naghintay ng matagal sa akin."

"Gigisingin nga sana kita kaso ayaw pumayag ni Javier. Sabi naman ng doktor ay walang problema at mas mabuting nakakapahinga ka ng maayos."

Napangiti siya nang maisip na laging inaalala ni Javier ang kalagayan niya. Hindi na siguro pa magmamaliw iyon sa kanyang labi. Humarap siya sa doktor ng may napakandang aura.

"Magandang umaga, hija! Kamusta ka na?" bati ng matandang doktor nang makaupo siya sa sofa.

"Mabuti naman po ang lagay ko, dok. Pasensya na po at tinanghali ako ng gising."

"Walang problema. Kaunti lang naman ang iikutan kong pasyente ngayon. Isa pa'y naaaliw ako sa mga kwento ni Marites. Siya nga ba'y binigyan ka raw ng magandang pangalan?"

"Ah, opo. Hindi ko pa po kasi maalala ang pangalan ko. Hermosa po ang tawag nila sa akin ngayon," may bahid ng hiya ang pagbikas niya ng mga salita.

"Bagay na bagay sa'yo, hija. Sadyang napakahusay ng mga tagapag-alaga mo. Mukhang maayos naman ang lagay mo pero pumunta pa rin ako para masiguro," nakangiting sabi ng doktor at sinimulan siyang i-check up. Kinuhaan siya nito ng BP, body temperature at nilinis ang mga sugat niya at pinalitan iyon ng bagong benda.

"Ilang linggo na lang at tiyak na tuluyan ka ng gagaling. Siguruhin mo lang na lagi mong naiinom ng tama ang mga gamot mo. Pero para mas makatiyak tayong gagaling ka na, mas magandang magpatingin ka sa isang espesyalista sa bayan para maibalik na sayo ang nawawala mong memorya. Mas sapat ang kaalaman nila at kagamitan para matulungan ka, Hermosa."

"Gagawin ko po, doktor. Babanggitin ko po kay Javier. Maraming salamat po."

"Walang anuman, hija. Mabilis ka sanang gumaling," anitong patayo na nang tila magbago ang isip o may natandaang dapat sabihin."Siya nga pala, nakapag-report na ba kayo sa mga pulis tungkol ng nangyari sa'yo?"

Nagtaka siya sa tinuran nito. May kung anong kabang bumundol din sa kanyang dibdib.

"Hindi pa nga, doktor. Alam mo namang may allergy ang anak kong si Javier sa mga pulis. Pero huwag kayong mag-alala ako na lang ang sasama kay Hermosa kapag kaya na niyang lumuwas sa bayan para maisuplong ang nangyari sa kanya," salo ni Nanay Marites sa tanong ng matandang doktor.

"Ah, naiintindihan ko si Javier, Marites. Kayo na ang bahala nila Hermosa tungkol sa bagay na iyon. Pero mas mainam na maipaalam ito sa mga pulis at baka sakaling may mga kapamilya itong si Hermosa na naghahanap sa kanya."

Narealize niyang totoo at tama ang opinyon ng doktor. Kung may pamilya siya ay siguradong may naghahanap na sa kanya. Bakit hindi man lang niya naisip na sabihin iyon kay Javier? At bakit hindi man lang ito nagkusa? Hindi ba dapat ay iyon ang una nitong ginawa? Naitanong niya sa ina nito kung nasaan ang lalaki nang biglang mabalisa ang damdamin.

Burn Me In HeavenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon