Burn me in heaven (Chapter 8)

343 11 0
                                    


Chapter 8

"Hindi 'yan mga ibon. Fruit bats... Nag-uumpisa nang mahinog ang mga bunga ng mga prutas sa mga puno kaya pinaliligiran nila," esplika nito. Ginawaran siya ng malapad na ngiti, abot hanggang sa mga berde nitong mga mata. Parang nais niyang matunaw at kalimutan lahat ng hinampo niya rito sa nakalipas na ilang araw.

Pinilit niyang iwasan ang mga esmeraldang mga mata nito at ang mga labing may dulot na mahikang inaaya siyang gumawa ng isang bagay na kamangha-mangha. 

"Hindi ko alam. Ngayon lang siguro ako nakakita ng ganyan. Nakakatuwa silang panoorin," sabi niya sa malakas na tinig para wasakin ang namuong init sa kanyang sistema.

"Hindi ka ba natatakot sa kanila?"

"Hindi. Paano naman ako matatakot sa napakagandang bagay?"

"Parang gusto ko nang maniwala na sila na ang kapalit ko dyan sa puso mo."

"Sinong may sabing may lugar ka sa puso ko?"

"Ikaw mismo," diretsang sagot nito. 

Napalingon siya. Tumutok ang tingin nito sa kanya. Tumahip ang dibdib niya sa titig nito. Hindi niya maipaliwanag ang kalakip niyong damdamin.

"Sa bawat gabing binabantayan kita ay paulit-ulit mong sinasabi sa akin kung gaano kalaking parte ng puso mo ang nakalaan para sa akin."


"Huwag mo akong paglaruan. Isa pa inaapoy ako ng lagnat. Baka nagdedeliryo lang ako ng mga sandaling iyon kaya kung ano-anong walang kuwentang bagay ang sinasabi ko. Pasensyan na kung napaasa kita. Hindi ko sinasadya."

"Hindi mo ako mapapaniwala. Alam kong lagi mo akong hinahanap-hanap sa pag-gising mo, sa pananghalian, sa hapon at hanggang sa pagtulog mo."

"Ambisyoso! Mangarap ka ng gising, lalaki!"

"Totoo, napakatas nga siguro ng pangarap kong maibigan mo. Pero alam kong hindi na lang pangarp ang lahat ng ito dahil nandito ka sa harap ko, kapiling ka habang lumulubog ang araw. Ang mga mata mong kumikislap sa liwanag ng araw ay nagsasabing totoo ang lahat ng ito, hindi pantasya at hindi panaginip."

"Nahihibang ka na Javier."

"Oo, kahibangan nga marahil ang lahat ng nararamdaman ko pero hindi mo mapasusubalian na ikaw at ako, may... umuusbong dito," itinuro nito ang dibdib. "Tatapatin kita, naduwag ako matapos ang namagitan sa ating dalawa. Hindi ko alam kung paano ko ihahakbang ang mga paa ko. Pasulong ba o paatras? Natakot ako na baka magkamali ako sa mga desisyon kong gagawin. Humigit-kumulang tatlong buwan pa lang tayong magkakilala, ni hindi pa natin lubos na kilala ang isa't-isa pero parang napakalalim na ng pinagsamahan natin. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. Patawad at natakot ako sa isang bagay na nagpapasaya at bumubuhay sa puso ko. Nandito ako para harapin ang damdamin ko at marinig ang magiging sentensya mo."

Natigalgal siya sa pagtatapat nito. Walang siyang maapuhap na sabihin. Sa huli sinunod niya ang tibok ng puso. "Halos pareho lang din tayo ng nadarama, Javier. Mas walang katiyakan sa parte ko. Natatakot akong kapag lumabas na ang katotohanan sa likod ng pagkatao ko ay hindi mo ako matanggap. Hindi ko alam kung makakaya iyon ng papausbong mong damdamin para sa akin."

"Hindi makatarungang balikan pa natin ang kahapon para tanggapin ang ngayon. Walang halaga ang mga nakaraan sa pusong tunay na nagmamahal, Hermosa. Tanging ang oras lamang ngayon at ang darating na bukas ang importante..." hinagkan siya nito sa kanyang noo.

Idinantay niya ang palad sa dibdib nito. Dinama niya ang tibok ng puso nito. Sa paraang iyon ay tila natiyak niyang siya ang itinitibok niyon, na totoo lahat ng sinasabi nito.

Burn Me In HeavenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon