Burn me in heaven (Chapter 7)

428 12 0
                                    


Chapter 7

Palipas na ang hatinggabi pero buhay na buhay pa rin ang diwa ni Javier. Maraming gumugulo sa isip niya. Mga ala-ala ng kahapon na binibigyang buhay ng ngayon, ni Hermosa. Mga ala-ala iyong may hatid na kakaibang damdamin. Mga damdaming akala niya ay nalimot na niya sa paglipas ng maraming taon. Pero nang gabing iyon ay buhay na buhay ang mga damdaming nagtago lamang pala sa pinakailalim ng kanyang sistema.

Nakakalulong ang damdaming gumuguhit ng apoy sa bawat himaymay ng kanyang ugat at laman. Natitighaw ang kaluluwa niyang nakakaramdam ng pananabik. Pananabik para sa babaeng kapiling lamang niya kanina sa buong maghapon. May nag-aapoy na sensayon sa kanyang dibdib na hindi malaman kung paano pupuksain. Ayaw niyang magkasala sa isip. At ayaw niyang lumikha ang isip ng mga eksenang magpapalinaw ng larawan ng nakaraan sa kanyang balintataw. 

Natatakot siya. Takot na may kalakip na pagkamangha. Pagkamangha na naisip niyang mangarap ng habang buhay sa piling ni Hermosa. Sa isip niya, pinupuno niya ng init at alab ang pagmamahalan nilang dalawa sa bawat araw na lumilipas. 

Napahilamos siya sa mukha nang kumalat ang apoy ng pagnanasa sa kanyang ulo. Tila tumulay iyon sa kanyang gulugod at sumentro sa kanyang pagkalalaki. Ramdam niya ang paninikip ng pundilyo na parang may halimaw na gustong kumawala roon,  magpa-amo at makaramdam ng luwalhati.

Bumangon siya at bumaba sa kusina. Kinuha niya ang pitsel sa loob ng ref at tinungga ang malamig na tubig. Umaasa siyang matitighaw niyon ang bagang nag-uumpisang magningas. Pero walang epekto iyon dahil parang nakakapit na sa kanyang sistema ang nag-aapoy na sensasyong iyon. Lumabas na lamang siya ng kabahayan at nagpahangin. Baka sakaling matangay din ng ihip ng hangin ang kanyang mga isipin at damdamin.

Pumuwesto siya sa duyan at pinagmasdan ang mga alitaptap na namumutiktik sa isang puno. Nagawa ng mga insektong agawin ang atensyon niya. Pero panandalian lamang iyon dahil nang marinig niya ang tinig ng babaeng naglalaro sa kanyang imahinasyon ay muli siyang nagambala.

"Anong ginagawa mo rito sa labas, Javier?" mabining tanong nito. Humakbang ito palapit sa kanya. Ang buhok nito ay tinatangay ng malamig na hangin.

"Nagpapahangin lang. Ikaw, bakit lumabas ka pa?" kaswal na balik niya.

"Hindi ako makatulog. Maraming gumugulo sa isip ko."

"Huwag kang masyadong mag-isip ng kung ano-ano. Makakasama sa'yo 'yan."

"Hindi ko lang mapigilan, Javier. Pilit kong binablangko ang isip ko pero nagsusumiksik ang madaming isipin."

"Parehas lang tayo, Hermosa. Ang hirap humuli ng antok."

"Eh, ano ba kasing iniisip mo?"

"Tingnan mo ang mga alitaptap. Ang gaganda ng mga liwanag nila," bigla ay sabi niya, sabay turo sa punong pinamumugaran ng mga insekto. Ayaw niyang sagutin ang tanong nito at baka may iba siyang masabi na pagsisihan niya.

"Ang gaganda nila. Lahat ng bagay dito ay sadyang napakaganda. Kabilang ka na, Javier."

Napalingon siya ritong muli. "Ikaw lang ang nagsabing maganda ako. Hindi naman sa pagmamalaki pero karaniwan nang naririnig ko ang mga papuri nila sa akin. Matalino, masipag, matikas, matipuno, macho-gwapito... saka lapitin daw ako ng mga chicks," nilakipan niya ng tawa ang pilyong sagot dito. Pilit niyang pinapahupa ang damdaming nagliliyab pa rin.

Malutong na tumawa rin ito. "Pero iyon ang nakikita ko. Iyon ang totoo, Javier."

"Sa tingin mo ba, hindi sapat ang pagkalalaki ko?"

"Hindi iyon ang gusto kong sabihin. May katangian ka lang na hindi ko siguro nakita sa kahit sinong lalaki na nakilala ko noon. Iyon ay ang kagandahan hindi lang sa panlabas pero pati na rin dyan sa puso mo."

Burn Me In HeavenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon