Burn me in heaven (Chapter 3)

515 10 5
                                    




Chapter 3

Nang magmulat siya ng mga mata ay makulay na muli ang paligid. Nakaalalay sa kanya ang mga bisig ni Javier. At nang mapagmasdan ang kaharap nila ay nakalahad pa rin ang palad nito. Nakasilay pa rin ang gintong pangil ng matandang lalaki sa patuloy nitong pagngiti.

"Mukhang hindi pa mabuti ang lagay ng ating ligaw na panauhin dito sa bayan. Siya, pagpahingahin muna natin siya. Babalik na lamang ako sa susunod," anang Señor at binawi ang nakalahad na palad. Muli itong sumakay sa kotse nito ngunit sumungaw rin sa bintana. "Siya nga pala, bago ko tuluyang makalimutan. May piging sa aking tahanan sa susunod na Lunes. Magkakaroon ng munting salo-salo at pagpupulong ukol sa ikabubuti at ikagaganda lalo ng Sta. Barbara. Inaasahan kitang dumating, Javier. Isama mo na rin ang magandang binibini sa kasiyahan. Hasta mañana!" Muli itong ngumiti saka minanduhan ang tsuper na patakbuhin ang sasakyan. Ni hindi nito hinintay ang magiging tugon nila ni Javier sa paanyaya nito. Tanging usok lamang ang iniwan nito sa kanila.

"Ayos ka lang ba, Hermosa?" usisa ni Javier sa kanya. Labis ang pag-aalala sa tinig nito.

"Medyo nanakit lang ang ulo ko, Javier. Sino ba ang ginoong iyon? Parang pamilyar siya sa akin," tugon niya. Gulong-gulo ang isip.

"Si Señor, siya ang alkalde ng bayan. Malaking bahagi rin ng lupain dito ay pagmamay-ari niya. Sigurado ka bang pamilyar siya sa'yo? May naaalala ka na ba?"

"Wala. Wala pa. Pero tiyak kong nagtagpo na kami noon. Hindi ko maipaliwanag ang nadarama ko. Natatakot ako. Kinakabahan ako na para bang may masamang mangyayri."

"Huwag mo munang masyadong isipin iyon. Baka mas lalong ikasama ng kalagayan mo. At walang rason para mangamba ka at mag-alala hanggang nandito ako sa tabi mo. Poproteksyunan kita at aalagan."

"Salamat, Javier."

"Obligasyon ko iyon sa'yo, Hermosa. Tara muna sa loob nang makapag-agahan ka."

Isang simpleng ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. Tanda iyon na nananalig siya sa mga salita nito.


Totoo ang sinasabi ni Javier na masarap magluto ang nanay nito. Nalalasahan na niya ang kinakain at hindi na iyon lugaw o sabaw lang. Pinaghain sila nito ng rice paella, chicken valenciana, menudo at lumpiang hubad. Mayroon pang leche flan at bagong pigang kahel. Busog na busog siya nang matapos kumain ng almusal. Parang hindi na niya kayang tumayo sa dami ng nailagay sa tiyan.

"Maraming salamat po sa almusal, Nanay Marites. Parang ngayon lang po ako kumain ng ganito karami," aniya at biglang napadighay. Natakpan niya ang bibig, "Pasintabi po."

"Ay, naku, Hermosa. Salamat naman at nagustuhan mo ang mga iniluto ko. Hindi katulad nitong si Marcelo na hindi man lang maubos ang pagkain niya."

"Eh, paano, 'Nay nahihiya siyang kumain ng marami dahil malalaman ni Ate Hermosa na matakaw siya. Natatakot siyang ma-turn-off si ate sa kanya," sabat ni Juana. Sabado kaya walang pasok ang kambal.

"Hindi totoo 'yan. Makita ko lang si Ate Hermosa nabubusog na ako agad. Kaya hindi na ako nakakakain ng madami," sagot ni Marcelo. Panay ang pagpaplipad hangin ng binatilyo sa kanya na para bang isa na itong ganap na binata.

"Hmp, napakabolero ng binatilyo ko."

"Pwede ba, Marcelo magpatuli ka muna bago ka manligaw. Supot ka pa at may gatas pa sa labi. At isa pa, wala kang panama kay Kuya Javier. Mas bagay naman silang dalawa ni Ate Hermosa."

"Nakakapikon ka naman, Juana!" namumula ang buong mukha na hinabol nito ang kakambal. Nakatalilis naman agad ang dalagita. Napahagikgik na lamang siya sa kakulitan ng mga ito.

Burn Me In HeavenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon