BIGLANG kinabahan si Ellaine nang masipat na may matamang nakatingin sa kaniyang likuran. Pumasok sa isip niya ang nag-text na unknown number na may masamang pananalita na itinapat pa sa kaarawan niya.'Kung sino ka man, magtapatan tayo sa personal kaysa sa text. Total ay wala akong masamang ginawa sa'yo,' bulong niya sa isip.
"Ellaine, saglit," gilalas ng katrabaho buhat sa likuran. Tinig iyon ng isang babae. Inihanda na niya ang kaniyang sarili bago pa man lumingon sa kaniyang likuran. Aalamin niya rito kung bakit siya tinawag na malandi na wala naman siyang nilandi.
"Oh ano nga—-"
"Ellaine, may tagos ka. Ito oh may panyo ako. Takpan mo na," mahina ngunit mariin na turan ni Dianne. Isa rin sa kanilang kasamahan sa Accounting Department. Cost Accounting naman ang hawak nito. Binigay ang dala nitong panyo na agad naman niyang tinakip sa puwitan niya.
Namula siya sa hiya at namilog ang mata niya sa gulat. Dahil sa pagiging abala niya kanina ay 'di niya namalayang may buwanang dalaw siya. Ang akala niyang iyon na ang misteryosong nag-text sa kaniya ngunit 'di pala.
"Salamat!" tanging sambit niya.
Sabay na silang apat na nananghalian sa canteen: siya, si Ann, Raymond at Dianne. Nagkukwentuhan pa sila at nalamang mabait din si Dianne. Ngayon lang nakahanap ng pagkakataon na lapitan siya. Magkakapareho din pala sila ng alma mater sa kolehiyo.
"Namumukhaan kita Ellaine eh. Ikaw ang representative dati ng third year Accounting sa Scrabble noong Intramurals natin at ikaw ang nag-champion. Fourth year ako that time," pagkukuwento pa ni Dianne habang kumakain sila.
"Wow, hindi lang pala maganda itong si Ellaine. Matalino rin pala," sabad pa ni Raymond na may nakatutunaw na titig. Kung ice cream pa lang siya ay matagal na siyang natunaw.
"Hay naku Raymond, sinasabi mo pa! Mala-artista ang dating niyan noong elementary pa lang kami. Valedictorian kaya iyan namin. Favorite ng mga teachers at maraming boys ang nagka-crush. Pati mga magulang ng mga kaklase naming lalaki ay bet na bet iyan para sa kanilang anak," panggagatong naman ni Ann. Animo'y nagpakilala ito ng guest speaker sa isang event.
Nahihiyang nagkibit-balikat lang si Ellaine habang patuloy silang kumakain.
Matulin na lumipas ang mga oras at natapos ang isang araw. 'Di na namalayan iyon ni Ellaine sapagkat marami siyang ginagawa sa opisina. Pasalampak siyang umupo sa kanilang maliit na sofa nang makauwi sa kanilang apartment. Kinuha ang cellphone sa bag niya at tiningnan kung may message ba iyon.
'Anak, kumusta ka na? Magpapakopra pala tayo sa susunod na linggo. Huwag mong kalimutan pista sa baryo ngayong Linggo. Sana'y makakauwi ka rito para magkakasama-sama naman tayong lahat.' -Inay
'Hi, My Love! How's ur day? Tatawag aq maya. Cge na kumain na kau jan ni Ann. May tinatapos lang aq.' -Alex
'Hello, Ellaine! I am happy that I can see you everyday. You mean a lot to me. Willing akong maghintay kung kailan ka handa.' -Raymond
Piniling unang tawagan ang Inay niya. Nakausap niya ito at ang Itay niya. Ipinaalam na maayos naman ang kalagayan niya at uuwi siya sa kanila sa Sabado kasama ang kaibigan.
Kinikilig pa rin siya sa mensahe ng nobyo. Ramdam niya ang pagkalinga sa kaniya kahit pa man na malayo sila sa isa't isa. Iniisip na lang niya na magkakasama sila ngayon sa personal.
'Raymond, sorry pero si Alex ang mahal ko.' Gusto niyang i-reply ito ngunit bago pa man maipadala ang mensahe ay binura niya. Naaawa siya sa binatang tatanggihan niya ang alay na pag-ibig nito sa kaniya.
BINABASA MO ANG
PROMDI'S LOVE
RomanceROMANCE NOVEL (FILIPINO) ••• WARNING: MATURE CONTENT (R-18) ELLAINE DE GUZMAN. Isang masipag, matalino at mapagmahal na dalagang lumaki sa probinsya na taglay ang nakahahalinang mukha, balingkinitang katawan at simpleng pananamit. Sa paniniwala niya...