CHAPTER 23 🌾

69 8 34
                                    



TILA NABUNUTAN ng tinik si Alex nang makita niyang mag-flash sa screen sa waiting area na kaniyang kinauupuhan habang naghihintay sa pagdating ni Ellaine.

Flight 5J 602 [DVO-CEB] is now arriving!

Basa niya sa screen. Parang tinatambol ang kaniyang dibdib sa lakas ng kabog nito. Napakalawak ng kaniyang ngiti at masayang nakarating na ang nobya sa Cebu.

Matapos ng humigit-kumulang dalawampumg minuto ay nag-vibrate ang kaniyang cellphone sa bulsa. Kinuha niya iyon at binasa ang mensahe. 'My luv, d2 na me.' Nakangiting binasa niya ito saka ibinulsa.



Dali-dali siyang tumungo sa domestic arrival area. Maraming pasaherong nagsilabasan mula sa pintuhang iyon. Hinanap ng pares na mga mata ang nobya ngunit hindi ito mahagilap. May mga pasaherong sinalubong ng kani-kanilang kaibigan at pamilya. May iba namang pinapasundo ng iba na may dala-dala pang kartelon.

'Oh God, saan na kaya siya?' nag-aalalang tanong niya sa sarili habang nakatingkayad na pinagmasdan ang bawat pasaherong lumalabas.

Nang humupa na ang mga tao ay saka niya nakita ang isang pigura ng kayumangging babaeng may balingkinitang katawan at mahabang itim na buhok. Nakasuot ito ng puting inner top at pinatungan ng blue-green cover up blouse, puting pedal pants at gold strap sandals. Bitbit ang dalawang malalaking bag ay palinga-linga ito na halatang may hinahanap. Batid niyang si Ellaine iyon.

Ilang sandali ay natumbok din siya nito at nag-abot ang kanilang mga paningin. Nakangiti itong tinawag siya, "Alex!"

Parang may pakpak ang kaniyang mga paang mabilis na tinungo ang kinatatayuhan ni Ellaine. Napakaganda ng dalaga at mabango sa pabango nitong pambabae. Hindi niya naiwasang titigan ang bilog na mga mata nito. Biglang yumuko ito, marahil ay dahil sa hiya. Hinawi pa niya sa tainga ang buhok nitong nililipad sa hangin at hinawakan ang magkabilang pisngi nito. Hanggang sa titigan niya ang mapupulang labi nito, kay sarap nitong hagkan. Lumunok siya at dahan-dahang inilapit ang kaniyang mga labi sa kaniya.

Nang biglang magbalik siya sa kaniyang diwa at naalalang may mga taong nakamasid sa paligid. Tumikhim na lang siya. " Thank God, you're here now," sambit niya saka masuyong hinalikan sa noo ang dalaga.

Bitbit niya ang mga bagahe ng nobya, mabilis nilang tinalunton ang parking area kung saan nakaparada ang kaniyang puting Mustang. Mabilis na inilagay sa compartment ang dalawang malalaking bag. Magiliw na pinagbuksan ang dalaga ng pintuhan. Pagkuwa'y umikot at tumungo sa driver's seat.





NALULUGOD ang puso ni Ellaine sa mga nakikita niya habang lulan na sila sa sasakyan ni Alex. Nasa passenger's seat siya sa harap habang si Alex naman ang nagmamaneho. Tahimik lamang sila ngunit sa isang sulok ng kaniyang mata ay nakikita niyang ngumingiti si Alex na sinusulyapan siya. Tinext niya ang kaniyang nanay na nakarating na siya sa Cebu.

"My Love, ito ba iyong Mactan bridge?" namamanghang tanong niya sa nobyo nang dumaan sila sa isang matayog at mahabang tulay.

Lumingon ito sa kaniya nang bahagya habang nakangiting tumugon. "Yes My love, ito iyong nagkokonekta ng Mandaue City at Lapu-Lapu City. Ito ay ang Marcelo Fernan bridge o mas kilala sa tawag na second bridge," imporma pa ng binata. "Iyon namang sa kaliwang bahagi, iyan ang first bridge or old bridge," dagdag pa nito sabay turo sa kabilang tulay.

"Ang ganda talaga rito sa Cebu!" Hindi niya maiwasang mas lalong mamangha sa nadaraanang mga matatayog na gusali at imprastraktura, at ang maliliwanag na mga ilaw sa kalye.

"Mas maganda kasi nandito ka na at magkakasama na tayo." Naramdaman niya ang paggagap ni Alex sa kaniyang kaliwang kamay habang huminto sila kasabay ng pag-ilaw ng pulang ilaw-trapiko. Walang takot na nanahan sa kaniyang puso ngunit ang pakiramdam na siya'y ligtas pag kasama ito. Nag-abot ang kanilang mga mata. Napansin niya ang mala-bughaw na kulay ng mata nito, ang makakapal na kilay at ang mapuputi at pantay-pantay na mga ngipin. Tila libu-libong boltahe ang nasa katawan niyang ngayon lang lumabas. Dahil sa hiya ay 'di mapigilang niyang bahagyang manginginig ang kaniyang kamay. "My love, relax. Hindi naman ako nangangagat," biro pa nito saka tumawa.

PROMDI'S LOVETahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon