"MY LOVE, malayo pa ba tayo kina Tiya Panyang?" mahihimigan ang excitement sa boses ni Ellaine nang lulan na sila ng sasakyan ng huli kinabukasan."No, malapit lang mula rito sa hotel." Nakangiting lumingon si Alex pagkatapos ay itinuon ulit sa daan ang tingin. Sandali itong hindi nakakibo at bakas ang lungkot sa mukha na siya namang napansin ng dalaga.
Marahan niyang hinawakan ang kamay ni Alex. "May problema ba?" tahasang tanong niya rito.
Narinig niya ang malalim na pagbuga nito ng hangin at hinawakan nang mahigpit ang kamay niya. "Natakot talaga ako sa panaginip ko kagabi. Natatakot ako na iwan mo—"
"Sshhh." Idinantay niya ang hintuturo sa malambot na labi ni Alex. "My Love, panaginip lang iyon. Ngayon pa ba kita iiwan na nandito na nga ako sa Cebu?" pagbibigay-garantiya niya sa binata. Inalis naman kaagad niya ang daliri sa labi niyon dahil tila may kuryenteng bumalatay sa katawan niya sa simpleng paghinga nito na nadama niya.
Ilang minuto ang lumipas at dumating sila sa kanilang destinasyon. Binaybay nila ang eskinita papasok sa bahay ng kaniyang tiyahin. May mangilan-ngilan silang mga taong nadaraanan doon; ang iba'y masuri pa silang tiningnan. Napagpasyahan niyang itanong na lang ang bahay ni Tiya Panyang niya para mas mabilis nilang matunton iyon, 'di pa naman niya kabisado ang Cebu. "Excuse me, saan po ba rito ang bahay nila Epifania Arcilla?" tanong niya sa isang ginang na nagtitinda ng banana cue.
"Unsa Day?" tanong ulit ng ginang na nakaarko pa ang kilay. Hindi siya sigurado kung may problema ito sa pandinig o sadyang nagbingi-bingihan lang. Kaya inulit niya ang tanong nang may kalakasan.
Tumawa ito ng bahagya. "Ah kina Panyang? Dumiretso lang kayo Day tapos pagdating niyo sa dulo may makikita kayong kapilya, kakanan kayo. Tapos unang kanto, kakaliwa naman kayo tapos may tindahan na kulay asul ang gate, iyon na iyon," masiyahing pagbibigay-direksyon ng ginang sa kanya sa pagitan ng pagtutuhog nito na tinuro pa ang direksyon.
Ginantihan niya rin iyon ng malawak na ngiti. "Maraming salamat po, Ate."
Nang lingunin niya si Alex ay nagkanda-pawis-pawis ito sa bitbit na mga gamit niya. "My Love, akin na. Pawisan ka na oh," mahihimigan ang pag-alala sa wika niya. Mabilis naman niyang pinunasan iyon ng panyong dinukot niya mula sa bulsa ng pantalon niya. "Sabi ko kasi sa iyo huwag mo na akong ihatid, kaya ko naman tuntunin ang bahay nila Tiya."
'Shocks! Bakit ang gwapo pa rin niya kahit pawisan na?' lihim na paghanga ni Ellaine kay Alex na kitang bakat ang katawan nito sa basang puting cotton t-shirt.
"My Love, hindi kita hahayaang pupunta ritong mag-isa," pakli nito. "At saka gusto ko rin malaman kung saan ka titira at makilala ko ang Tiya mo," dagdag-paliwanag ng nobyo.
Hindi maiwasang mamula ang pisngi niya sa sinabi ni Alex. Ramdam niya ang tunay na pagmamahal nito sa kanya.
"TIYA PANYANG..."
"Ellaine..."
Isang mahigpit na yakap ang ibinigay niya para sa tiyahin. "Leng, dalagang-dalaga ka na at talagang mana ka sa akin... maganda," natutuwang sambit ni Tiya Panyang na hinawakan ang magkabilang pisngi niya, nang kumalas siya sa pagkakayakap rito.
Gumuhit ang abot-taingang ngiti sa labi niya. "Syempre naman po, maganda kayo eh at magkamukha rin kayo ni Itay." Hindi nga maikukubling magkahawig sila, sa katunayan ay nakilala agad niya ito nang pumasok sa gate saktong pagdating nila ng nobyo.
"Limang taon ka pa lamang noon, noong huli akong nakapunta sa Davao," tuwang pagbabalita ng tiyahin niya. "Ngayon ay isang ganap ka ng dalaga at propesyonal na," dagdag pa nito na ikinangiti at tango niya. "Teka, boss mo ba siya Leng?" tukoy nito kay Alex na kasalukuyang nakikinig at nakaupo lang sa sofa na gawa sa acacia.
BINABASA MO ANG
PROMDI'S LOVE
RomanceROMANCE NOVEL (FILIPINO) ••• WARNING: MATURE CONTENT (R-18) ELLAINE DE GUZMAN. Isang masipag, matalino at mapagmahal na dalagang lumaki sa probinsya na taglay ang nakahahalinang mukha, balingkinitang katawan at simpleng pananamit. Sa paniniwala niya...