5:30AM—tamad na tamad akong bumangon sa kama ko nang marinig ko ang pag-alarm ng cellphone ko. Nang mapatay ko ito ay sandali akong naupo sa gilid ng kama ko at tumingin lang sa kawalan. Pinag-iisipan ko kung papasok pa ba ako o hindi.
Sobrang taas ng lagnat ko kahapon, pero ngayon parang himala na bumaba na ito. Hindi na ako mainit, pero kaya ko na ang sarili ko. Kaya ko na ‘yung katawan ko at hindi na gano’n kasama ang pakiramdam ko. Hindi lang talaga siguro muna ako pwedeng ma-stress ngayong araw na ‘to dahil baka mabinat ako. Pero bukod do’n, kaya ko nang pumasok.
Hindi ko ugaling umabsent. Ayokong may namimiss akong klase, mahirap na. Pero ngayon, gusto ko nalang bumalik sa kama ko, mahiga, magbalot sa kumot, pagtapos ay magmukmok. Hindi dahil masama pa rin ang pakiramdam ko, kundi dahil hindi ko alam kung pa’no ko siya haharapin.
Kakausapin ko ba siya? Ngingitian? O dedmahin ko nalang? Ang tanong, kaya ko bang gawin ‘yung pangatlo? Dahil sa tatlong taon na ‘yon, ilang beses ko nang sinubukang dedmahin siya pero lagi akong nabibigo sa isang hi lang niya.
Pakshet. Isang hi lang ang katapat ko. ‘Yun lang.
Pinilit kong buhatin ang sarili ko, kinuha ang towel at lumabas ng kwarto.
“Papasok ka? Kaya mo na ba?” bungad ni Mama nang makababa ako, “Kung hindi mo pa kaya, ‘wag mo nang pilitin. Mas mabuti nang makapag-pahinga ka, anak, kaysa mapa’no ka pa.”
“Hindi, ‘ma, kaya ko na.”
“Sigurado ka?” tumango ako, “O siya, magluluto lang ako ng almusal mo.”
“Hindi na, ‘ma, hindi ako gutom.”
Pagtapos kong sabihin ‘yon ay pumasok na ako ng CR. Alam ko at ramdam kong nakapako ang tingin ni Mama sa’kin habang papasok ng CR. Siguro ay nagtataka siya at maraming gustong itanong sa’kin pero ayaw lang niyang panghimasukan ang buhay ko. Hindi rin ugali ni Mama na mangialam. Alam naman niyang pag gusto kong pag-usapan, ako mismo ang magsasabi ng problema. Pero kung ayaw ko, ayaw ko. Mabuti na rin ‘yon dahil hindi ko rin naman alam ang sasabihin ko pag nagtanong siya.
Pinihit ko ang shower at napapikit ako nang maramdaman ko ang tubig na ibinuga nito sa ulanan ko. Napa-isip akong muli at napa-pakshet nalang ako.
Pa’no ko dededmahin ang taong katabi ko lang sa upuan, sa loob ng isa’t kalahating oras?
— — —
Nang makarating ako sa room namin, saglit akong tumayo sa harap ng pintuan at tinitigan ito. Nandito na ‘ko, ngayon pa ba magbabago ang isip kong ‘wag nalang pumasok?
Bumalik ako sa reyalidad nang maramdaman kong may tumapik sa balikat ko. Pag tingin ko, nakita ko sila Janna, Serah at Danielle—ang isa pang grupo ng magka-kaibigan sa klase namin. Kahit kasi close ang buong klase, hindi pa rin maiwasan magkaroon ng mga grupo. . . at ng mga plastikan.
“Gerl, anong ginagawa mo d’yan? Hindi bubukas ang pintuan mag-isa kung tititigan mo lang. Maniwala ka sa’kin.” pagbibirong sabi ni Janna.
BINABASA MO ANG
What Ifs
Teen FictionWhat if you rejected him because he came at a wrong time, not knowing he is the right one?