Kumunot lamang ang noo ko sa sagot ni Ken sa tanong ko—sinundan ko lang 'yung pangrap ko. Hindi ko kasi maintindihan ang sagot niya, parang ang layo sa tanong kong bakit siya lumipat. Pati 'yung pagbabago ng ekspresyon ng mukha niya at ang pag-tingin niya sa malayo, parang may ibang kahulugan. Gusto ko siyang tanungin kung anong problema, pero ramdam ko rin na parang ayaw na niyang pag-usapan ang tungkol do'n.
Ipinag-walang bahala ko na lamang at sinubukan kong mag-isip ng ibang pwedeng pag-usapan. Ayoko munang mangulit sa taong ngayon ko palang nakasama. Naiintindihan ko rin namang hindi gano'n kadaling makuha ang salitang tiwala. At isa pa, kung gusto naman niyang mag-kwento, magku-kwento siya nang hindi ko na kailangang pilitin pa.
"Sana maabot mo 'yang pangarap mo." ngiti kong sabi sakanya.
Ngumiti siya umiling habang naka-yuko, "Ilang taon ko na siyang pilit na inaabot. Sana nga ngayon na 'yung taon na 'yon."
"Siya?" nagtataka kong tanong.
Bago pa matuloy ang usapan namin ay naka-balik na sila Janna at Claire sa lamesa namin. Agad na tumayo si Ken para siya naman ang pumila at agad naman akong sumunod sakanya. Tahimik lang kami sa pila. Gusto ko sanang ituloy 'yung usapan pero sa tingin ko hindi ito ang tamang oras at sitwasyon dahil mukhang seryosong usapan 'yon.
— — —
Alas kwatro ng hapon nang mag-suspend ang eskwelahan. Biglang bumuhos ang ulan nang wala man lang kahit anong pasintabi. Siguro ay dahil nasa kalagitnaan na kami ng Nobyembre at bumubungad na rin ang buwan na Disyembre. Ramdam na nga rin ang medyo kalamigaan ng panahon pag-dating ng gabi, pero ito kasi ang unang buhos ng ulan.
Siksikan ang mga estudyante sa gate para lang maka-labas. Nag-lagay pa ang mga guard ng malaking kahoy na patungan para daanan ng mga estudyante at hindi kami mabasa sa mababang bahang nagsisimula nang maipon sa gate. Pakiramdam ko tuloy ay nasa public school kami kahit na isa 'to sa mga magagandang university sa Pilipinas.
Walang tigil pa rin ang ulan, mabuti nalang at medyo humina na ito kumpara kanina na sinamahan pa ng malakas na hangin. Wala namang binabalitang may bagyo.
Nagsisiksikan kaming tatlo ni Janna at Claire sa iisang payong. Si Janna talaga ang masipag mag-dala ng mga ganyang bagay, parang girl scout. Si Claire naman ay hindi bali nang maulanan, 'wag lang mag-dala ng alam niyang ikabibigat ng bag niya. Ako naman ay hindi talaga nagdadala ng payong unless nalang kung sasabihin sa balitang uulan.
"'Wag ka na ngang makisiksik dito, Nicole," sabay tulak ni Claire sa'kin, "D'yan ka kay Ken. Wala siyang kahati. Ang sikip na rito sa'min ni Janna."
Alam ko ang ginagawa nitong dalawang 'to kaya pinandidilitan ko silang dalawa at pinipilit ko pa ring isiksik ang sarili ko sa payong nila kahit wala na talagang espasyo para sa'kin. Nagulat nalang ako nang bigla akong hilahin ni Ken at inakbayan ng sobrang higpit para mag-kasya kami sa payong niya.
"'Wag mong ipagpilitan 'yang sarili mo kung masikip na. Sigurado namang may iba pang maluwag kung sa'n ka magkakasya." ngiting sabi ni Ken sa'kin.
BINABASA MO ANG
What Ifs
Teen FictionWhat if you rejected him because he came at a wrong time, not knowing he is the right one?