Nandito ako ngayon sa apartment ni Janna. Dumadalas ang pamamalagi ko rito. Hindi ko rin alam pero gusto ko ring nandirito ako. Mas gusto ko nang may kasama't kausap kaysa mag-isa ako at kung ano ano lang naman din ang naiisip ko.
Sa totoo lang, hindi ko inaakalang darating 'yung araw na ituturing ko si Janna na isa sa mga matatalik kong kaibigan. Araw araw na nakakasama ko siya, mas nakikilala ko na siya. Kung dati, pakiramdam ko may tinatago si Janna, ngayon masasabi ko nang bukas na ang loob niya sa'kin at mas madalas na siyang mag-kwento. Sa katunayan nga n'yan, mas madalas na rin akong sakanya mag-kwento kaysa kila Angel. Hindi ko alam, pakiramdam ko lang kasi ay hindi nila ko maiintindihan.
Nasa kusina kami ngayon habang nagku-kwentuhan. Puro pagkain ang nasa harap namin, at ako ang nag-suggest nito. Ang gusto kasi ni Janna, mag-inuman nanaman kami pero parang hindi na ata kakayanin ng bituka ko kung iinom pa ulit ako. At sa awa ng Diyos, mabuti naman ay nagustuhan niya ang naisip ko.
Masayang nagku-kwento si Janna, habang ako ay nakatitig lang sakanya. Natigilan siya nang mapansin niyang hindi ako umiimik sa mga kwento niya.
"Bakit?" tanong niya.
Umiling ako at saka uminom sa Slurpee ko, "Wala."
"Weh? Bakit nga?"
"Wala," muli kong sabi, "Hindi ko lang alam kung pa'no mo nagagawa 'yan."
"Ang alin?"
"'Yan. . .'yang mag-kunwaring okay ang lahat at na wala kang pino-problema. Hindi ko alam kung sa'n ka nakakakuha ng lakas ng loob para ngumiti ng ganyan."
"Syempre, best actress ata 'to." ngiting sabi ni Janna.
Pilit na lamang din akong ngumiti sa sinabi niya. Minsan, hindi ko mapigilang mainggit kay Janna. Gabi gabi, pinagdadasal ko na sana may lakas din ako ng loob na katulad sakanya. Sana marunong akong lumimot sa isang pitik lang ng daliri. Sana kaya ko ring umakto na parang wala lang ang mga nangyayari sa paligid ko.
Nagulat na lamang ako nang biglang abutin ni Janna ang kamay ko at hinawakan ito ng mahigpit. Nagtataka kong inangat ang ulo ko para tignan siya. Ngumiti siya ng malungkot sa'kin.
"Kung pwede ko lang ibigay sa'yo ang kalahati ng lakas ng loob ko, Nicole, ginawa ko na," nawala ang ngiti sa mga mukha niya, "Pasensya ka na kung kailangan mong maranasan 'yan ha? Sobrang bait mong tao at hindi mo deserve 'yan, pero handa ka pa ring harapin 'yung problema."
Hindi ko na napigilan ang mga luha ko. Naramdaman ko na lamang na namumuo na ito sa mga mata ko at isang pikit ko lang ay tutulo na ang mga ito.
"Alam mo kasi, Nicole, hindi naman magiging maayos ang lahat pag nagmumukmok ako sa isang tabi. Pag pinakita ko sakanyang nagkaka-gano'n ako, ikalalaki lang ng ulo niya 'yon, at ayokong isipin niyang siya ang dahilan ng lahat nang 'to. Mahal ko siya, Nicole," umiling si Janna, "Pero hindi niya alam 'yon."
"Pero. . . hinalikan ka niya," naguguluhan kong tanong, "Bakit mo hahalikan ang isang taong hindi mo naman mahal?"
Naramdaman kong namula ang pisngi ko nang biglang nagpakawala si Janna ng isang tawa-malungkot na tawa na para bang ang totoo ay gusto niyang umiyak. Pero anong nakakatawa sa tanong ko?
"Napaka-hopeless romantic mo sa part na 'yon, gerl," uminom si Janna sa Slurpee niya bago nagpatuloy, "Sa panahon ngayon, a kiss is just a kiss, and sadly, gano'n din pagdating sa sex. Nothing more, nothing less."
"Pero-"
"Nicole," pag-pigil niya sa'kin, "Siguro noon, pupwede pang ipilit 'yang gusto mo. Gano'n naman, 'di ba? Pag gusto mo 'yung tao, daig mo pa ang diksyonaryo kung bigyan mo ng kahulugan ang lahat ng gawin niya sa'yo. Pero ngayon, hindi na gano'n. Kailangan mo nang magising sa pagpapantasya mo ng perfect relationship, Nicole."
BINABASA MO ANG
What Ifs
Teen FictionWhat if you rejected him because he came at a wrong time, not knowing he is the right one?