Pagtapos nung insidenteng ‘yon, agad na umalis si Janna sa harapan ko. Sinundan ko siya palabas ng CR pero natigilan ako nang makita kong naka-tigil siya at naka-pako ang tingin sa hindi kalayuan. Sinundan ko ang tingin niya—si David na may kalandiang iba.
Ibinalik ko ang tingin ko kay Janna. Hindi siya umimik, nanatili lamang siyang naka-tayo at naka-tingin sakanilang dalawa. Nang may makatakas na luha mula sa kaliwa niyang mata, agad niya itong pinunasan at nag-madaling lumabas. Hindi ako nag-dalawang isip na sundan siya.
Nakita ko siyang naka-upo sa gilid ng kalsada—tulala. Nilapitan ko siya at naupo sa tabi niya.
“Bakit ka pumayag?” tanong ko ngunit hindi nakatingin sakanya.
Nakita ko sa gilid ng mata kong napa-lingon siya sa’kin dahil sa tanong ko. Narinig ko ang pagpapakawala niya ng isang sarkastikong tawa bago ako binigyan ng sagot.
“Para mo na ring tinanong ang sarili mo,” natatawa niyang sabi, “Sige nga, Nicole, tatanungin kita niyan. Anong isasagot mo? Bakit ka pumayag?”
Hindi ako naka-sagot. Tumawang muli si Janna at muling tumingin sa malayo.
“Maaring pareho tayo ng sitwasyon, pero hindi ibig sabihin no’n na pareho tayo ng dahilan.”
“Putangina naman, Nicole. Ano pa bang ibang dahilan?” naiinis na sabi ni Janna, “Masaya kang kasama siya. Kaya kahit alam mong mali, kahit alam mong may matatapakan ka nang ibang tao, kahit alam mong maraming masasabi ‘yung iba at mag-iiba ang tingin nila sa’yo, wala ka nang pakialam. Kasi isa lang naman ang mahalaga, ‘di ba? Isa lang ang dahilan. Mahal mo siya.”
Dare-daretso ‘yong sinabi ni Janna sa mataas niyang boses at sa pagitan ng mga pinipigilan niyang pag-hikbi. Sa bawat salitang sinabi ni Janna, ramdam na ramdam ko ‘yung sakit na tila ba parang balang isa isang tumatagos sa’kin. Hindi ko alam kung nasasaktan akong makita siyang gano’n dahil ito ang unang beses na makita ko siyang mahina, o dahil tama ang lahat ng sinabi niya.
Oo, tama ang lahat ng sinabi niya. Kasi minsan na rin akong napunta sa sitwasyong kailangan kong mamili—ang kasiyahan ko ba o ang kasiyahan ng ibang tao? Pero minsan, wala ring masamang mag-damot. Wala ring masamang pa-minsan minsan ay pagbigyan mo naman ‘yung sarili mo. ‘Yung kalimutan mo muna ‘yung ibang tao, ‘yung mga sasabihin nila, para sa kasiyahan mo.
Pero masaya ka na nga ba talaga pagtapos mong piliin ang sinasabi mong kasiyahan? Para sa sitwasyon ko, hindi. Kasi maraming nakakabit na problemang kahit wala pa sa harap ko ngayon, alam kong kakailanganin ko rin silang harapin pagdating ng panahon.
Oo, masaya ako. . . minsan. Kasi minsan kinakain din ako ng konsensya ko.
“At saka hindi tayo pareho ng sitwasyon,” pagbasag ng katahimikan ni Janna, “Ikaw. . . mahal ka ng mahal mo. Ako. . .” ngumiti ng malungkot si Janna at saka umiling.
“Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi ko alam. Maski ako, naguguluhan,” tipid na sagot ni Janna, “At mas marami akong matatapakan na tao kaysa sa’yo.”
Tumayo si Janna mula sa pagkaka-upo niya at pinunasan ang mga luhang natuyo na sa pisngi niya. Wala siyang sinabi nang mag-simula siyang maglakad, sinundan ko lamang siya ng tingin habang papalayo siya.
BINABASA MO ANG
What Ifs
Genç KurguWhat if you rejected him because he came at a wrong time, not knowing he is the right one?