8AM. Sabado—nagmamadali akong ginising ni Mama sa hindi ko malaman na dahilan. At kahit na sobrang labag sa loob kong iwan ang kama ko, bumangon ako.
Ang dami kong tanong kay Mama kung bakit, pero ni isa sa mga tanong ko ay wala siyang sinagot. Ang paulit ulit lang niyang sinasabi ay bilisan kong kumilos at maligo na ako pagtapos ay mag-ayos ng sarili. Pagtapos niyang iabot sa’kin ang towel ko ay agad niya akong tinulak palabas ng kwarto.
Pagtapos kong maligo at nang makabalik ako sa kwarto, nagulat akong makita na may nakahanda nang damit sa ibabaw ng kama ko. Simple lang naman ‘yung damit. Ang talagang ikinagulat ko lang ay kahit kailan ay hindi ako pinaghandaan ni Mama ng damit. Laging ako ang namimili ng isusuot ko.
“’Ma, ano ba talagang meron?”
“Nako, ang daldal mong bata ka. Bilisan mo nalang kumilos,” aligagang sabi ni Mama habang nagsusuot ng hikaw, “Pagtapos mo, dumaretso ka na sa kotse.”
“Pero, ‘ma—“
Bago pa ako muling makapag-tanong, lumabas na si Mama ng kwarto at bumaba ng hagdan. Napapa-iling ko nalang na ibinalik ang mga mata ko sa damit na nasa ibabaw ng kama ko. Ano nanaman kayang trip ng nanay ko?
— — —
Nagising ako nang maramdaman ko ang biglang pagtigil ng kotse namin. Sumilip ako sa labas ng bintana nang isang mata lang ang bukas dahil sa sobrang taas ng araw na sumisilaw sa mata ko, idagdag pang kakagising ko lang at sobrang inaantok pa ako dahil ang aga akong ginising ni Mama.
Nakita kong tumigil kami sa tapat ng mukhang resort. Napakunot ang noo ko at agad akong napatingin kay Mama na naka-upo sa driver’s seat at may malapad na ngiti sa’kin mula sa rearview mirror.
“’Ma, pang benteng tanong, anong meron at nasa’n tayo?”
“Laguna.”
Agad na nanlaki ang mata ko sa sinabi ni Mama. Hindi ako agad nakapagsalita at ibinalik ko ang tingin ko sa labas. Kaya pala hindi mukhang Manila ang lugar na ‘to.
Agad na bumaba si Mama ng kotse, umikot siya at binuksan ang pintuan para pababain ako—ay, hindi pala—para kaladkarin ako pababa ng kotse. Hindi ko malaman pero para bang sobrang excited niya ngayong araw na ‘to. Kanina pa siya sa bahay bago kami umalis.
At dahil sa kinikilos niyang ‘yan, parang nahuhulaan ko na kung anong meron. . . lalo na nang makapasok kami sa loob at walang kahit sino akong makita, kahit janitor man lang o empleyado o guard, wala. Hanggang sa tumigil kami sa isa sa mga parang maliit na bahay na pupwedeng rentahan at sapat na para makapag-overnight stay dito sa resort.
Ipinwesto pa ako ni Mama sa harap ng pintuan. Ngiting ngiti niyang hinawakan ang door knob at pinagmasdan ko ang kamay niya nang dahan-dahan niyang pinihit ‘yon.
Patay na ilaw ang bumungad sa’min. Iisipin ko na sanang walang tao—kung hindi ko lang sana naririnig ang mahihinang pag-uusap at kaluskos nang makapasok kami ni Mama sa loob. At nang buksan ni Mama ang ilaw, bumungad silang lahat at sabay sabay na sumigaw.
BINABASA MO ANG
What Ifs
Novela JuvenilWhat if you rejected him because he came at a wrong time, not knowing he is the right one?