9AM, sabay kaming nagising ni Angel para makapag-handa na papunta sa Star City. Dapat kasi kumpleto na kami do’n pagtatak ng 12PM.
Sabi nila, mabagal kumilos ang mga babae, pwes ibahin niyo ako. Mabilis akong kumilos dahil wala naman akong arte sa katawan, hindi tulad ng ibang babae na halos isang oras o higit pa ang inilalaan nila sa pag-aayos pa lamang ng buhok at paglalagay ng make up, at isa pang oras para sa pamimili ng damit na isusuot.
Dito na natulog sa’min si Angel dahil ayaw na siyang pauwiin ni Mama kagabi, masyado na raw delikado. Naka-dorm lang din naman si Angel kasama ang ate niya, ‘di kalayuan sa eskwelahan, kaya okay lang.
Mga 11:30 kami umalis ni Angel. Kinukulit pa nga kami ni Mama na kumain daw muna bago umalis pero nagmamadali na rin kami, nakakahiya kasi kung kami nalang ang iniintay do’n. Mga 12:15, nakarating kami.
Ang dami na agad nando’n na mga kaibigan namin, pero meron ding iilan na iniintay pa. Pero sa rami nila do’n na nadatnan namin ni Angel, isa lang ang hinahanap ng mata ko pero nabigo akong makita siya.
Akala ko ba kasama siya?
Nagulo ang pag-iisip ko nang biglang may tumapik sa likod ko. Nakita ko si Miggy na kakarating lang, may suot pang earphones sa magkabila niyang tenga.
“Nicole, sorry, ang traffic kasi.”
Dapat kasi magkikita kita kami ni Miggy at ni Anne tapos ay sabay sabay pupunta rito. Pero nung tinatawagan kasi namin sila kanina ni Angel, hindi sila sumasagot pareho, kaya nauna nalang kami. At totoong traffic nga talaga, kaya nga nag-taxi kami ni Angel para mas mabilis, ‘yun din kasi ang suhestiyon ni Mama sa’min at dahil binigyan niya kami ng pera pang-taxi, nag-taxi na kami.
“Okay lang ‘yun. Si Claire pala, nasa’n na? Hindi ba sabay kayo?”
“E hindi siya sumasagot sa tawag ko kaya nauna na rin ako,” sagot namin ni Miggy. Nilabas niya ang cellphone niya at idinial ang number ni Anne, “Teka, tatawagan ko ulit.”
Nang makalayo si Miggy, muli kong inilibot ang mata ko para hanapin siya, pero nabigo nanaman ako. Tumingin ako sa orasan na suot ko—12:20. Pupunta pa kaya ‘yon?
Bigla kong naalala ang mga nangyari kagabi. ‘Yung kung pa’no ko nakita ang mga ngiti niya, ‘yung kung pa’no siya makipag-usap kay Mama, at saka. . . ‘yung halik na ibinigay niya sa’kin bago siya tuluyang umalis.
Napahilamos ko ‘yung kamay ko sa mukha ko nang maalala ko ‘yon. Muntik ko nang makalimutan na may gano’ng nangyari, samantalang kagabi ay hindi ako makatulog ng maayos dahil paulit ulit kong kinukurot ang braso ko para gisingin ang sarili ko kung sakali mang panaginip lang ang nangyaring ‘yon, pero hindi.
Totoo ang lahat ng nangyari. Ang tanong, totoo bang may naramdaman siya nung ginawa niya ‘yon? O isa lang ‘yong simpleng halik?
Sana nga talaga nagbago nalang ang isip niya at napag-desisyunan nalang na ‘wag na pumunta.
“Nand’yan na ‘yung hinahanap mo.” rinig kong bulong ni Angel.
Sinundan ko ang tingin niya at nakita ko si Six na kasama si Rob at ang iba pa niyang mga tropang lalaki. Naka-grey siya polo at white na pants. Nakataas nanamang muli ang buhok niya at kitang kita ko nanaman ang braces niya dahil sa pag-ngiti niya.

BINABASA MO ANG
What Ifs
Teen FictionWhat if you rejected him because he came at a wrong time, not knowing he is the right one?