Ang tagal namang tumatak ng 11AM para makapag-lunch na. Sa totoo lang, hindi naman ako gutom at wala rin naman akong balak kumain. Ang gusto ko lang ay mag-pahinga kahit saglit lang dito sa trabaho ko, dahil nakaka-pagod din mag-program, at gusto ko munang lumabas dahil giniginaw na rin ako rito sa opisina, o kaya naman ay pupwede ko siyang bisitahin muna habang break time ko.
Ilang minuto nalang bago tumatak ng 11AM, biglang may kumatok sa pintuan at bumungad ang isa sa mga ka-opisina ko.
"Nicole, may naghahanap sa'yo sa labas."
"Sino raw?" nagtataka kong tanong.
"Ayaw ngang sabihin 'yung pangalan e. Parang hindi pa nga siya sigurado kung dito ka nga ba talaga nagta-trabaho, pina-tanong niya pa sa guard."
"Sige, lalabas na 'ko. Salamat."
Tumango ang ka-opisina ko at isinara na ang pinto. Nag-ayos ako kaunti ng gamit ko sa ibabaw ng lamesa, pag-tapos ay lumabas na 'ko.
Palabas palang ako ng building, sinasabi na agad sa'kin ng guard na meron nga raw naghahanap sa'king lalaking maputi at matangkad, pero hindi ko pa rin maisip kung sino ang posibleng mag-hanap sa'kin.
Inilibot ko ang mata ko pero wala akong mahanap na pamilyar ang mukha para sa'kin. Ang tanging nakikita ko lang ay mga kotseng papaalis sa harap ng building namin. Inilibot kong muli ang mata ko at mula sa gilid ay may nakita akong lalaking naka-tayo—maputi at matangkad.
Nanlaki ang mata ko sa gulat na makita siya. Dahan dahan akong lumapit sakanya at nang mapansin niya ako ay sigurado akong pareho kami ng nararamdaman—gulat at hindi maka-paniwalang nasa harap namin ang isa't isa matapos ng mahabang panahong hindi pagkikita.
"Six?"
"Nicole," ngiti niyang sabi, "Natutuwa akong nakita na kita ulit."
— — —
Niyaya kong pumasok si Six sa loob ng building at nag-tungo kami sa canteen. Nabigla lang akong makita siya at hindi ko alam kung sa'n ko siya dadalin dahil hindi ko naman alam kung ano ang pakay niya't hinanap niya pa ako. Gusto niya ba akong makausap? Kamustahin? Ano?
Unti unti na kaming nababalot ng katahimikan, walang gustong may maunang mag-salita sa'min. Wala naman kasi akong sasabihin, wala akong maisip na gusto kong sabihin sakanya. Gusto ko nga sanang tanungin siya kung pa'no niya nalamang dito ako nagta-trabaho pero gusto ko nalang matapos agad ang usapan na ito.
"Six, daretsuhin mo 'ko. Anong ginagawa mo rito?"
Nang tanungin ko 'yon ay nag-bago ang ekspresyon ng mukha niya, at parang biglang hindi siya mapakali. Alam kong may gusto siyang sabihin sa'kin, dahil imposibleng hinanap niya ako para lang makipag-kamustahan.
Muli niya akong tinignan at hindi umimik. Umayos lang siya ng upo niya at huminga ng malalim, at saka siya nag-salita.
BINABASA MO ANG
What Ifs
Teen FictionWhat if you rejected him because he came at a wrong time, not knowing he is the right one?