"Lilianne!"
"Andyan na!" sagot ko kay Aling Mona.
Helper niya ako ngayon sa eatery na pagmamay-ari niya. Heto ang trabaho ko tuwing umaga. Ang pasok ko ay alas otso ng umaga hanggang alas dose ng tanghali.
Pagkatapos magtanghalian dito 'yong mga suki niyang construction workers diyan sa katabing bahay ay saka natatapos ang shift ko.
"Heto na po ang mga order niyo," sambit ko habang isa-isang binababa sa mesa ang mga pagkaing nasa tray na hawak ko.
"Isang fried chicken, isang serve ng caldereta, isang serve ng balatong, isang pritong tilapia, at libreng sabaw," saad ko para siguradong tama ang orders nila.
"Salamat, Lilianne!" tugon ng mga construction worker naming customer na kumakain sa iisang pahabang mesa.
"Walang anuman po," sagot ko pagkatapos ay bumalik na ako sa counter.
Napatingin ako sa relo ko. Malapit na rin pa lang matapos ang shift ko. Pagkatapos nito, uuwi muna ako para kumain at magpahinga nang kaunti. Tapos papasok pa ako sa sunod kong trabaho.
"Matatapos na pala ang shift mo," sambit ni Aling Mona na katabi ko lang.
"Oo nga po, eh."
"Pagdating ng kapalit mo, puwede ka nang umalis," aniya.
"Sige po."
"Kumusta na pala si Sally?" tanong ni Aling Mona.
"Ayos naman po si Mama. Tinanggap na po niya 'yong alok sa kanya ng amo niyang maging stay-in maid sa kanila," sagot ko.
"Aba. Ganoon ba? Sa bagay, mukhang mas malaki yata ang bigayan kapag stay-in, 'di ba?"
"Opo. Tapos may benefits pa. Kaya tinanggap na rin ni Mama. Pero kasi po nag-aalala po ako kay Mama. Tapos weekly na rin ang uwian niya," sagot ko.
Nag-aalala ako kasi baka pagurin lang ni Mama ang sarili niya. Work-a-holic pa naman din 'yon.
"Ay, hayaan mo na. Gano'n talaga. Kailangan niya kayong buhayin. Lalo na't wala na siyang asawang katuwang sa buhay," sambit ni Aling Mona.
"Oh, mabuti't nandito ka na." Napatingin ako sa biglang kinausap ni Aling Mona.
Dumating na pala 'yong kapalitan ko.
"Puwede ka nang mag-out, Lilianne. Ako na bahala rito," sambit ni Dory.
"Sige, Dory. Salamat," sagot ko.
Pagkatapos ay hinubad ko na ang apron ko at sinabit iyon sa pinto ng kusina.
"Alis na po ako!" paalam ko kina Dory at Aling Mona.
Pagkatapos ay kinawayan nila ako bago ako tuluyang umalis.
"May pagkain kaya sa bahay?" bulong ko sa sarili ko habang nag-iisip. Binabaybay ko ngayon ang kalsada pauwi sa'min.
Maalinsangan ang panahon. Dagdag pa ang ingay ng paligid dahil sa mga nagkalat na tambay at mga batang naglalaro.
Makabili na lang kaya ng ulam? Tapos magsasaing na lang ako pag-uwi kung walang kanin. Sigurado akong si Ate Lalaine lang ang madadatnan ko ro'n.
Wala naman siyang nagagawa sa bahay dahil busy siyang mag-alaga ng dalawang anak niya. Isang eleven years old at isang two years old.
Walang asawa ang ate ko. At magkaiba ang tatay ng mga bata. Iniiwan lang siya ng mga nakabuntis sa kanya. Mga gago talaga.
Napadaan ako sa isang ihawan. Pakiramdam ko gusto ko ng barbeque at isaw. Nilapitan ko ang tindera at namili.
"Magkano po sa barbeque at isaw?" tanong ko.
BINABASA MO ANG
Bloom in Pink (Lilianne)
ChickLit[ COMPLETED ] Lili is a boyish and street-smart kind of girl na willing gawin kahit ano para lang mairaos ang pamumuhay ng kanyang pamilya at handang harapin ang lahat ng pagsubok sa buhay kahit gaano pa ito kahirap. Nagmula si Lili sa isang mahira...