Nandito ako ngayon sa condo ni Rhys, partikular sa kanyang kuwarto. Nakaupo ako sa harap ng vanity mirror niya habang nakasuot ng kulay pink na robe na gawa sa silk.
"Me-makeup-an muna kita at aayusan ng buhok bago ka magbihis," sambit ni Rhys.
Tumango lang ako bilang sagot. Tapos ay marahan niyang hinawakan ang baba ko at pinihit ang mukha ko paharap sa kanya.
Nilagyan niya muna ng makeup primer ang mukha ko gamit ang daliri niya. Malaki ang kamay niya at may kahabaan ang mga daliri niya. Pero kahit gano'n, malambot ang kamay niya.
Pagkatapos ay nilagyan na niya ng liquid foundation ang mukha ko. Blending makeup sponge na ang gamit niya sa pagkakataong ito. Dahan-dahan lang talaga ang ginagawa niyang paglalagay ng makeup sa mukha ko.
"Lili girl, anong gamit mo sa mukha mo?" usisa niya bigla.
"Common na facial wash lang. Bakit?" tugon ko.
"'Yon lang? Facial wash lang?"
"Oo."
"Really? Well, your skin was nice. Hindi mahirap lagyan ng makeup," aniya.
Sunod naman niyang nilagyan ang mukha ko ng face powder. Napapapikit ako sa tuwing tumatama sa mata ko ang makeup brush na gamit niya.
Pagkatapos ay kinilayan naman niya ako. Para lang talaga akong estatwa rito. Bawal daw gumalaw para hindi magulo 'yong pagme-makeup niya sa'kin.
Sunod pinapikit niya ako para sa eye makeup. Nilagyan niya ng neutral shade eyeshadow sa eyelids ko, tapos manipis na eyeliner sa upper lids ko. At mascara naman para sa lashes ko nang idilat ko ang mga mata ko.
Pagkatapos ay may kaunting contour na nilagay siya sa ibang parte ng mukha ko, tapos ay natural pink blush on para sa pisngi ko.
Nang matapos ay kinuha niya sa table ang isang pink lipgloss. Marahan niya ring hinawakan ang baba ko at inangat ang mukha ko.
Para namang kinapos ako ng hininga nang bigla siyang lumapit nang kaunti sa'kin para ilagay ang lipgloss sa labi ko.
Napatitig na lang tuloy ako kay Rhys habang siya naman ay naka-focus lang sa labi ko habang nilalagyan niya ng lipgloss.
At sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, tila bumilis 'yong tibok ng puso ko. Pakiramdam ko hindi ako mapakali sa kinauupuan ko.
"Okay. Done!"
Natauhan ako nang marinig kong nagsalita si Rhys. Tapos ay pumunta siya sa likod ko at tinanggal sa pagkaka-bun ang buhok ko, pati na rin ang garterized headband ko.
Pagkatapos ay inayos-ayos niya muna ang buhok ko gamit ang mga kamay niya. Tapos ay kinuha niya ang hair brush at sinuklay niya ang buhok ko gamit 'yon.
Mayamaya ay tumingin siya sa salamin para tingnan ako.
"Oh 'di ba? Natural look lang. Besides, hindi ka naman mahirap ayusan kasi maganda ka na naman."
Pakiramdam ko nahiya ako sa sinabing 'yon ni Rhys kaya't napaikom ang bibig ko.
"Lalabas na ako para makapagbihis ka na. Magbibihis na rin ako sa kabilang kuwarto. Lumabas ka na lang pag tapos ka na. Okay?" bilin ni Rhys.
Pagkatapos no'n ay lumabas na nga si Rhys at sinara ang pinto. Dalawa ang kuwarto ng condo niyang 'to. 'Yong isang kuwarto ay para kay Rosie kung gusto nitong mapag-isa.
Tumayo na ako mula sa kinauupuan ko at kinuha ang mga damit kong nakalatag sa kama niya.
Hinubad ko na ang silk robe na suot ko at sinuot ang dress. Medyo hapit nga ito nang kaunti sa katawan ko at hanggang hita lang ang haba nito.
BINABASA MO ANG
Bloom in Pink (Lilianne)
ChickLit[ COMPLETED ] Lili is a boyish and street-smart kind of girl na willing gawin kahit ano para lang mairaos ang pamumuhay ng kanyang pamilya at handang harapin ang lahat ng pagsubok sa buhay kahit gaano pa ito kahirap. Nagmula si Lili sa isang mahira...