CHAPTER SIXTY:
Fathom
Noong makita pa lamang ng aking mga mata ang motor na nakaparada sa baba, may kung ano na akong naramdaman sa aking tiyan at dibdib. Hindi ko alam kung bakit pero naghahalo ang kaba, takot, saya, at pagkagalak kong makita muli si Daniel. Agad akong nagtungo sa tapat ng aking salamin at saka tumitig upang makita ang aking ayos ngayon.
Hindi ko rin alam kung bakit bigla na lang akong ginanahan na gumalaw kahit na oras na ng aking pahinga. Naisip ko rin kasi ang sinabi sa akin ni Ate Lin na ayusin ko ang kung ano man ang namamagitan sa amin ni Dan ngayon dahil kung hindi ako gagawa ng paraan, baka mawala pa. Kahit na medyo may alinlangan pa rin ako sa aking puso, minabuti ko na lang na piliin na kausapin siya ngayon at sana naman sa pagkakataong ito, maging maayos na ang lahat.
Nagmadali akong pumunta sa tapat ng aking pinto at saka huminga nang malalim. Sa mga oras na rin na ito, tila nais nang lumabas ng puso ko sa aking dibdib at tila inuutusan ng aking isip na mas pabilisin pa ito. Hindi ko alam pero nais na nais ng loob kong makita na agad siya ngayon, kailangan ko naman munang pagisipan ang aking gagawin dahil baka ito pa ang maging sanhi para mawala na talaga.
Dapat ang lahat ng magiging kilos ko ay kalkulado at nawa ay hindi na ako itaboy pa ni Daniel.
Pinihit ko nang marahan ang aking pinto at saka ko ito unti-unting sinilip. Titingnan ko muna kung walang ibang tao dito sa hallway dahil baka kabahan at maconscious lamang ako. Gusto ko, kami lang.
Ilang sandali pa nang magawa ko nang makalabas ay pinihit ko ang aking ulo nang kaliwa't kana at sa kabutihang lagay naman, wala namang ibang tao at wala ako ni isang nakitang nandito sa kahabaan ng daan. Kung nakikita mo lamang ang lagay ko ngayon, paniguradong una mong mapapansin ang pamumuo ng pawis sa aking noo at leeg. Ewan ko pero ramdam ko rin na tila tumitibok ang malapit sa aking sintido dahil sa nararamdaman ko ngayon.
Naihakbang ko nang ilang distansya ang aking mga paa. Nang magawa kong muling pagmasdan ang kapaligiran, agad ko namang nakita ang isang bagay malapit sa aking tabi. Nakatigil lamang ito at tila naiwan sakto sa labasan ng pinto ng kwarto ni Daniel. Itinunghay ko ang aking mata upang tingnan kung may nagmamasid sa akin ngunit wala naman.
Unti unti kong nilapitan ang bagay na aking nakita at sa aking obserbasyon, mukhang box ito na naglalaman ng ilang gamit. Marahan kong hinakbang ang papunta doon at nang magawa ko na, mas nakita ko kung ano ang ilang mga nakalagay na gamit dito.
Libro, notebooks, ballpen, bag ng camera, tripod, at ilan pang gamit. Agad namang sumagi sa aking isip na mukhang kay Daniel ang mga ito dahil itong ito ang mga nakita ko noon sa kaniyang mga kagamitan. Kaparehas na kaparehas. Sa gilid naman ng box na nakalagay sa sahig at nakatabi sa may pader, kitang kita ko ang salitang nagsasaad na ingatan ang paghawak sa box sa kadahilanang baka may babasaging bagay sa loob.
Napahinto naman ako sa aking kinatatayuan nang bigla kong maramdaman sa aking bulsa ang aking cellphone na nagvivibrate. Halos mapatalon ako sa aking kinaroroonan dahil sa pagkabigla kong naramdaman.
"He's there!"
Nakita ko sa notification bar ko't kay Irish galing ang mensahe.
Ibinulsa ko nang muli ang aking cellphone at saka pinagpatuloy ang aking pagtingin sa paligid.
Nang makailang hakbang pa ako ay bigla namang tumama sa aking paningin ang mismong pinto ng kanyang kwarto na nakabukas nang bahagya at kapansinpansing wala ang susi dito. Sa likod ng aking malikot na isip, marahil ay nasa loob si Daniel kaya medyo napaatras ako nang bahagya. Baka kasi kapag bigla niyang buksan ang pinto ay mabungaran niya akong tila may tinitingnan sa kanyang gamit. Mapagisipan pa ako nang masama.
BINABASA MO ANG
Back To Square One (BXB) (Completed)
RomanceSa lahat ng fairytale na nabasa't napanood ko, laging ang prinsepe ang sumasagip sa prinsesa, pero may handa bang sumagip sa prinsepe kung sakaling hindi niya nagawang iligtas ang prinsesa? Nang magawa ni Lance na bumukod sa kaniyang pamilya dahil...