Saludong May Respeto At Kagalakan

9 0 0
                                    

Unahin natin iyong mga dahilan,
Kung bakit may OFW sa bansang ating sinilangan,
Makikinig ba ang ating lipunan?
O babalewalahin ng sangkatauhan?

Dalawang taon o higit pa na kontrata,
Saan kaya mapupunta?
Para sa ikabubuti ng pamilya,
O mawawala na parang bula?

Tatlong salita,
Para sa pamilya,
"Huwag kayong mag-alala"
Kahit hirap na hirap na.

Apat na buwang suweldohan,
Ngunit di pa rin masustentohan,
Ang pang check-up ni Inay buwan-buwan,
Wala na ngang mauutangan.

Limang oras lang na tulog,
Pang-aabusoy' parang tinuhog,
Limang sunod-sunod na bugbog,
Mga luha'y nagmistulang ilog.

Ika-anim,
Kaya pa bang manatili sa dilim?
Kaya pa bang ngumiti kahit may dalang asim?
Kaya pa bang indahin ang matulis na patalim?

Halos pitong taon na pangingibang bansa,
Halos puro kasinungalingan ang ngiting pinipinta,
Ngunit kahit halos maging manhid na,
Okay lang, basta para sa pamilya.

Ang sobra sa walong oras na pagtatrabaho,
Para sa bagong sapatos ni bunso,
Para sa pag-aaral niya ng kolehiyo,
Sana lang ay makuha niya ang gustong kurso.

Ika-siyam na dahilan,
Mayroon o wala mang pinag-aralan,
Gustong mapabilang sa larangan,
Ng mga mamamayang maipagmamalaki ng ating bayan.

Dahil pagkalipas ng sampung taon,
Tunay na ngiti na ang baon,
Lahat ng hirap, pighati, at sakit ay lumaon,
Makita lang ang pamilyang masaya sa bagong taon

Kaya't kung isa ka sa mga OFW ng ating bayan,
Huwag mahihiya sapagkat 'Bagong Bayani' ang katumbas ng ngalan,
Inyong sakripisyo ay hinding-hindi malilimutan,
Kami'y sasaludo sa inyo nang may respeto at kagalakan.

Her ThoughtsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon