Naglalakad na mag-isa habang tinatahak ni Dahlia ang daan ng kanilang magulo at maruming kalye upang pumunta sa kaniyang ama. Sanay na ito sa may pagkamahaba-habang lakaran dahil wala naman itong pamasahe papunta roon.Nakangiti at maayos ang pananamit ni Dahlia dahil sa iniregalo ng kaniyang amang si Gregorio sa kaniya noon. Gusto niyang makita siya nitong maayos kahit na nakatira lamang siya sa iskwater area.
Maraming minuto ang lumipas nang matapat na siya sa isang malaki at magarang gate. Dahil kilala siya ng bawat nakabantay na guard doon, kusa siya nitong pinapapasok. Palagi niyang nararamdaman ang excite sa tuwing pupunta siya sa mansyon ng ama dahil makikita niya na naman ito.
"Dahlia, hija. Mabuti't nakarating ka nang maayos," sabi ng ama ni Dahlia na si Gregorio nang salubungin siya nito ng yakap at halik sa pisngi. "Teka, anong sinakyan mo?" tanong pa nito. Hindi nakaimik si Dahlia at tanging isang ngiti ang ibinato sa kaniyang ama. "Hmm... Naglakad ka na naman?"
Unti-unting tumango si Dahlia bilang pagtugon sa kaniyang ama. "Ikaw naman. Sinabi ko sa 'yo na mag-commute ka at ako na ang bahalang magbayad e. O sige, halika rito sa loob. Kumain ka muna at may mga pinahanda ako para sa 'yo. Mamaya, iuwi mo lahat ng grocery na ipinabili ko," sabi pa ni Gregorio at saka sinamahan ang anak upang makarating sa kusina.
Si Dahlia ay anak sa labas ni Gregorio. Nabuntis nito si Felina noong naglasing siya sa club dahil sa problema sa kaniyang asawa na si Abella. Pinanagutan ni Gregorio ang anak kahit na ayaw ni Felina na tumira ito sa mansyon niya.
Habang hinahainan ni Gregorio si Dahlia, dahan-dahan namang bumaba sa hagdan sina Sonia at ang nakababata nitong kapatid na lalaki na si Semir. Nagtinginan ang magkapatid dahil sa inis kay Dahlia. Inggit ang dalawa dahil hindi malapit ang kanilang ama sa kaniya.
"Itay, kumain na rin po kayo. Sabayan niyo na po ako," sabi ni Dahlia sa kaniyang ama habang hinihila ito upang umupo sa isang upuan.
"Para sa 'yo 'yan, Dahlia. Kainin mo lahat 'yan. Dapat busog ka," sabi naman ni Gregorio. Nagtatawanan ang mag-ama at bakas ang sabik nila sa isa't isa habang ang dalawa ay palihim pa ring nakatitig sa kanila.
Sa iilan pang oras na pananatili ni Dahlia sa piling ng kaniyang ama, ibinuhos ni Gregorio ang oras para dito. Kasalukuyang nagpapahinga silang dalawa habang si Dahlia ay nakangiti. Napayakap na lang siya sa kaniyang ama dahil sa ibinibigay sa kaniya na buong pagmamahal nito.
Napatingin na lang si Dahlia sa kung saan nang marinig niya ang boses ng asawa ng kaniyang ama na si Abella. Ayaw na ayaw pa naman nitong nakikita si Dahlia dahil anak lamang ito sa labas.
"Greg? Greg? Gr--" nahinto na lang bigla si Abella nang makita niya si Dahlia na katabi ang kaniyang mister. "At anong ginagawa mo ritong hampaslupa ka?" tanong nito kay Dahlia at mabilis nitong hinablot ang kamay ng bata. Dahil sa daing ni Dahlia dahilan kaya't nagising si Gregorio at nakita ang ginagawa ng kaniyang asawa.
"Abella! Abella," tawag ni Gregorio sa asawa sabay kuha sa kaniyang anak. "Bakit mo naman sinasaktan si Dahlia? Wala namang ginagawang masama ang bata ah?" tanong pa nito.
"Greg, anak mo sa labas 'yang batang 'yan. Hindi siya nararapat na makatapak sa mansyon natin. Mayaman tayo at mahirap lang 'yang lintek na batang 'yan. Ibalik mo na 'yang hampaslupa na 'yan sa nanay niyang malandi!" sabi ni Abella. Dahil sa bigla ay nasampal ni Gregorio ang asawa. Nabigla si Abella sa kaniyang naranasan.
"Oo, anak ko sa labas si Dahlia. Pero anak ko pa rin siya. At wala kang karapatan na husgasan ang kung sinong tao, Abella, dahil wala kang karapatan," depensa naman ni Gregorio. Natawa na lang si Abella sa kaniya dahil sa kaniyang sinabi.
"Bakit mo ba ipinagtatanggol yung babaeng 'yon, ha? Bakit? Sino ba siya sa 'yo?" tanong ni Abella. Dahil sa ingay ng mag-asawa, bumaba na lang bigla ang kanilang dalawang anak na si Sonia at Semir saka niyakap ang kanilang ina. "Tignan mo ang mga anak natin, Greg, hindi mo sila nabibigyan ng oras. Mas inaalagaan at mas pinahahalagahan mo pa 'yang anak mo sa labas."
"Husto na, Abella! Husto na!" sigaw ni Greg at saka napatingin sa kaniyang mga anak. "Ako na lang ang saktan mo, h'wag lang si Dahlia. Sa oras na hawakan at pagbuhatan mo ng kamay ang anak ko, ako mismo ang makakalaban mo," pagbabanta pa ni Gregorio bago sila umalis ni Dahlia. Naiwan si Abella na humihinga nang malalim sa inis habang ang dalawa nilang anak ay napapaiyak na lang.
Samantala, nang lumabas sina Gregorio at Dahlia, napagdesisyunan na nitong ihatid ang kaniyang anak pauwi. Nang paandarin na ni Gregorio ang kaniyang sasakyan, tumingin na lang si Dahlia sa kaniya. Alanganin pa ito dahil sa hindi siya makapaniwala sa inasta ng ama sa misis nito.
"Itay, sana hindi niyo na po ginano'n yung asawa ninyo," malumanay na tugon ni Dahlia nang basagin nito ang katahimikan. Sinulyapan ni Gregorio ang kaniyang anak at saka ito binigyan ng isang matamis na ngiti.
"Anak, ayokong may mangyari sa 'yo. Oo, asawa ko siya. Pero anak kita. Tungkulin ko na mahalin ka, alagaan at protektahan ka," tugon naman ni Greg.
"Pero sina Sonia at Semir po. Mukha po silang takot sa inyo kanina. Itay, sana lambingin din po ninyo yung dalawa kong kapatid. Ayoko pong magkaroon sila ng trauma sa 'yo. Mga anak mo rin po sila, itay," sabi naman ni Dahlia. Napangiti na lang nang kusa si Gregorio dahil sa sinabi ng anak.
"Sige, Dahlia, gagawin ko," tugon nito sa kaniya.
Sa mga ilang sandali pa ng paglalakbay, bumaba na si Dahlia matapos niyang yakapin at halikan sa pisngi ang kaniyang ama. Dala-dala nito ang mga grocery na bigay sa kaniya pauwi sa kanilang tahanan. Samantala, nakangiti habang nakatingin si Gregorio sa kaniyang anak. Hindi siya nagkamaling tanggapin ito dahil mabuti ang kalooban ni Dahlia.
At nang makauwi na si Dahlia sa kanilang tahanan, pansin niya na maraming alak ang nagkalat sa mesa at sahig. Pumasok siya ng bahay at inilapag ang dala sa isang tabi. Nang sumilip siya sa kwarto, nakita niyang natutulog ang kaniyang inang si Felina. Batid niyang naglasing na naman nang naglasing ang kaniyang ina.
Inayos ni Dahlia ang lahat ng kagamitan. Habang abala sa ginagawa, napapaisip na lang siya sa ginagawa ng kaniyang ina. Ano ba talaga ang problema nito at bakit lubos-lubos kung maglasing. Ni hindi man lang niya makausap ang kaniyang ina nang maayos dahil madalas siya nitong nilalayuan, inaayawan at sinasaktan.
Huminga nang malalim si Dahlia at naupo sa gilid. Naalala na lang niyang bigla ang mga tanong niya sa kaniyang ama noon kung pwede ba silang magsama ng kaniyang ina na si Felina at magkaroon ng sariling pamilya. Bagama't maayos ang tugon ng kaniyang ama, alam niyang hindi 'yon maaaring mangyari dahil may asawa na ito.
At dahil sa iniisip, napapunas na lang ng luha si Dahlia dahil sa iniisip na hindi na talaga siya magkakaroon ng masaya at maayos na pamilya.
KINAUMAGAHAN nang magising si Dahlia, lumabas ito mula sa maliit niyang silid at bumungad sa kaniya ang inang si Felina na kumakain. Sinulyapan lang siya nito ngunit hindi pinansin.
Nagsimulang maglinis ng sarili si Dahlia bago siya naghain sa sarili ng maaalmusal. "Ito lang ang pinadala ng ama mo? Walang datong?" tanong bigla ng kaniyang ina. Hindi na sumagot pa si Dahlia at umiling na lang bilang tugon. Dahil dito, napahampas na lang sa mesa si Felina dahil sa inis. "Bakit walang pera? Akala ba niya, sapat na 'tong binigay niyang grocery sa 'tin? Kahit kailan 'yang tatay mo, manggagamit na nga, maramot pa. Punyeta." At tumayo si Felina sa inis bago ito umalis.
Nakatingin lang si Dahlia sa papalayo niyang ina hanggang sa makalabas ito ng bahay. Hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang ina sa sinabi nito.
Tinapos ni Dahlia ang kaniyang pagkain at naglinis ng paligid, lumabas siya ng bahay upang bumili ng sabon panlaba para sa lalabhan niyang mga damit niya. Habang naglalakad, napadaan na lang siya sa isang grupo ng mga kabataan at narinig ang kanilang pag-uusap.
"Grabe! Ang gagaling ng mga sumasali."
"Paano ba ang gagawin do'n? Gusto kong sumali."
"Dapat malakas ka. Bakbakan 'yon. Kapag nanalo, may malaking pera."
"Ay! Maganda 'yan!"
"Sanay pa naman ako sa bakbakan."
Itinuloy na lang ni Dahlia ang paglalakad at isinawalang bahala ang narinig. Alam niyang may palaro sa kanilang lugar ngunit tago 'yon. Hindi niya ninais na mapuntahan ang mga delikadong lugar sa kanila at baka mapaano pa siya.
Nang matapos makabili, nahinto na lang siya nang makita niya ang kaniyang ina na may nilalandi sa kanto. Batid nito na gagawa na naman ng kababalaghan ang kaniyang ina sa kanilang bahay at huhuthot ng pera. Hindi na bago kay Dahlia ang gano'ng gawain ng ina. Ni hindi niya sinubukang awatin ito dahil alam niyang pagbubuhatan lang siya nito ng kamay.
BINABASA MO ANG
✔ | Titser Dahlia
Action"Oo, isa akong guro, at may nais akong turuan ng leksyon." *** Walang ibang tutulong sa kaniyang matinding pagdurusa kundi ang kaniya lamang sarili. Si Dahlia Perez o mas kilala bilang titser Dahlia ang mismong aalam sa madilim na nangyari sa kaniya...