KABANATA 17

7 1 0
                                    


Matapos ang saglit ngunit magulong pangyayari kanina ni Dahlia mula kina Jong at sa mga kasamahan nito, napagdesisyunan munang puntahan ng guro ang bahay nina Bernard at MetMet. Gusto niyang kumustahin ang mga ito. Kaya, sa ilang paglalakad niya, nakarating na siya sa tapat ng pinto ng bahay ng mga ito. Kumatok siya nang tatlong beses, at 'di nagtagal, bumungad sa kaniya si MetMet. "Teacher Dahlia?" hindi nito makapaniwalang tanong sabay yakap nang mahigpit. Samantala, nabigla naman si Bernard nang makita ang guro na nasa pintuan nila. Dahil dito, mabilis niyang pinagpupulot ang mga nakakalat sa kanilang bahay.

"Met, papasukin mo si Dahlia," sabi nito sa bata habang patuloy sa ginagawa. Kaya, pumasok si Dahlia habang hawak-hawak ang kaniyang kamay ng batang si MetMet. Nakita naman ng dalaga ang ginagawang pagpupulot ni Bernard ngunit hindi na lang niya ito pinansin. "Pasensya ka na kung marumi, ah? Biglaan ka naman e," sabi ni Bernard. Ngumiti lang si Dahlia sa kaniya.

"Teacher Dahlia, bakit po pala kayo naparito?" tanong namang bigla ni MetMet sa guro. Ngumiti rin si Dahlia rito at saka hinaplos ang buhok at matabang pisngi ng bata.

"Nandito ako kasi gusto kitang makita. Gusto kitang kumustahin, Met. At tsaka baka..." sabi nito sabay hinto. Tumingin muna si Dahlia kay Bernard bago ituloy ang sinasabi. "Baka umalis na naman ang tito mo."

Napaiwas naman ng tingin si Bernard at marahang napahimas sa batok. Samantala, natawa naman nang mahina ang batang si MetMet dahil tila naintindihan nito ang pinupunto ng guro. "Hindi naman po, teacher. Tuwing Linggo po, nandito kami sa bahay. Minsan lang po kami lumabas n'yan," Nakangiting tugon ni MetMet. Ngumiti rin naman si Dahlia.

"Hmm... Met, kung pwede sana, iwan mo muna kami ng tito Bernard mo. May pag-uusapan lang kami. Pasok ka muna sa room," pakisuyo ni Dahlia.

"Sige po, teacher," pagsang-ayon naman ng bata saka naglakad papunta sa isang kwarto nang mapulot niya ang mga laruan niya. Matapos nito, huminga nang malalim si Dahlia at umayos nang pagkakaupo. Tinignan niya si Bernard na nakatingin naman sa kaniya.

"Teka, may problema ka ba? Bakit gan'yan na naman mood mo?" tanong kaagad ni Bernard sa dalaga ngunit umiling lang ito bilang tugon. Iniisip pa rin ni Dahlia ang tungkol sa pagkikita nila ng kapatid na si Sonia. At nang makatyempo, ito naman ang nagtanong sa binata.

"Ikaw? Bakit ba palagi ka na lang wala tuwing gabi? Dumadalas na 'yan, ah?" pansin ni Dahlia na marahan na lang napapaiwas ng tingin sa kaniya ang binatilyo. Napakamot na lang din ito sa kaniyang buhok.

"E kailangan lang e. Nagsunod-sunod lang nitong mga nakaraang araw kaya gano'n," pagdadahilan naman ni Bernard bago mabilis na sinulyapan ang dalaga. Tumikhim din ito nang marahan.

"Sabihin mo nga sa 'kin kung saan nakatira 'yang amo mongn si Armano Imperial at nang mapakiusapan. Sasabihin ko lang na--" hindi na ito natuloy pa nang mabilis na sumingit si Bernard.

"H'wag na. H'wag na, Dahlia," sabi nito at saka natahimik saglit. "H'wag mo 'yong kakausapin. Baka mamaya, mamali ka pa ng sasabihin mong salita. Mahirap na sakaling hindi niya magustuhan," sabi ni Bernard sa dalaga. Nagtaka na lang si Dahlia dahil sa sinabi nito. Kaya, ilang sandali silang hindi nagsalita bago 'yon basagin ni Bernard. "Hayaan mo, ako na ang bahala. Bukas, mangangampanya sila rito. Makikita mo kung sino yung among sinasabi ko," sabi pa ni Bernard sa guro.







LUMABAS mula sa loob ng kaniyang bahay si Dahlia at saka nila-lock ang pinto. Napansin na lang niya ang tila nagkukumpulang tao sa labas. Maya-maya pa nang masalubong niya sina MetMet at Bernard. "Sumabay ka na sa 'min, Dahlia," sabi ng binata sa kaniya. Ngumiti at tumango na lang si Dahlia bilang tugon. Naglakad sila palabas papunta sa may kalsada dahil nakaparada roon sa tabi ang sasakyan ni Bernard. Sa kanila pa lamang paglabas, maraming tao ang tila naghihintay sa pagdating ng politikong mangangampanya.

✔ | Titser DahliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon