Labing-walong taon ang lumipas sa buhay ni Dahlia at gayundin sa kaniyang edad. Kasalukuyan siyang nag-aaral sa kolehiyo. Nag-aaral siya upang matupad ang kaniyang propesyon balang araw. Ang maging isang ganap na guro. Nagtatrabaho rin si Dahlia upang may panggastos at pang-tuition sa kaniyang pinapasukan. Hindi siya umaasa sa kaniyang ina at hindi na siya dapat pang umasang tutulungan siya nito.Matapos ang kaniyang huling klase, kaagad siyang sumakay ng jeep para makauwi sa kanila. Pagkababa ay ilang minuto siyang naglakad bago nakauwi nang tuluyan. Pagkapasok niya sa bahay, nakita na naman niya ang mga nakakalat na bote sa mesa at sahig. Alam niyang nagdala na naman ang kaniyang ina ng bisita niya. Iniligpit ni Dahlia ang mga kalat bago niya maisipang mag-iwan ng pagkaing binili niya at kaunting pera para sa ina. Palagi na niya itong ginagawa simula ng kumita na siya ng pera.
Pagtapos niya ring magbihis at lagyan ng bandage ang kaliwang kamay niya, kaagad na siyang umalis. Hindi na niya nagawang magpaalam pa sa ina dahil alam nitong nagpapahinga siya sa silid niya kasama ng bisita. At nang makalabas si Dahlia, kaagad siyang dumiretso sa pustahan. Sa isang labanan. Isang ilegal na palaro sa kanilang lugar. Dahil tago ang lugar na 'yon, hindi nalalaman ng barangay at mga pulisya. Kadalasan, kasama pa ang karamihan sa mga ito. Nagtataya pa sila ng kanilang mga malalaking halaga ng pera at nag-aabang sakaling ang pambato nila ang mananalo.
Nang makapasok sa lugar si Dahlia, kaagad na siyang sinalubong ng mga gustong tumaya sa kaniya. Kilala siya ng mga ito simula noong manalo siya sa unang pagsali niya sa pustahan. Malakas, mabilis at maliksi kung tumira si Dahlia sa kalaban. Dahil sa tuwa sa kaniya ng mga nanonood at pumupusta, mas dumami ang pumusta para sa kaniya. Hindi naman siya pumapayag na matalo kahit babae pa siya dahil ang perang mapapanalunan niya ay magagamit niya sa tuition fee at para sa araw-araw nilang panggastos ng ina.
"Dahlia, lalaki ang makakalaban mo. Kaya mo ba?" tanong ng isang lalaki na pumusta sa kaniya. Kasalukuyang inaayos ni Dahlia ang bandage na inilagay niya sa kaniyang kaliwang kamay. Ang kamao nito ang laging nagpapanalo sa kaniya.
"Siguro. Ito pa lang ang ikalawang araw na makikipaglaban ako sa isang lalaki. Sa una, payatot kaya lang ako nanalo. Ewan ko na lang sa lalaking 'to," tugon ni Dahlia bago niya banat-banatin ang buto nang tumayo.
"Naku, mas malaki ang katawan nito kumpara sa isa. Baka matalo ka nito, Dahlia. Nakaraan, babae nga ang nakalaban mo pero natalo ka naman. Sana, bumawi ka. Marami pa naman kaming mga pumusta sa 'yo. Hmm... Parang pantay lang kayo ng kalaban mo," sabi naman ng isa. Sumeryoso ang tingin ni Dahlia sa isang direksyon. Iniisip nito ang mga dahilan kung bakit siya dapat ang manalo. Kung bakit dapat niyang sikapin ang manalo sa pustahang 'to. "Mabilis ka, Dahlia. Kahit babae ka, pinahanga mo kaming lahat. Sana, manalo ka."
Tinignan ni Dahlia ang mga taong 'yon. "Susubukan ko. Hangga't maaari, hindi dapat ako matalo sa pustahang 'to. Marami akong dapat na bayaran. Hayaan niyo, gagawin ko ang mga dapat kong gawin," tugon niya sa kanila. Napangiti at tila na-excite ang mga 'yon sa kaniya at sa magiging laban nila ng kalaban niyang lalaki. Kinakabahan si Dahlia, ngunit mas kakabahan siya kung hindi siya mananalo rito. Wala na siyang panggastos, wala pa siyang pangbayad sa tuition fee niya.
Maya-maya pa nang ianunsyo na ang susunod na maglalaban. Tinawag ang pangalan ni Dahlia at ng lalaking kaniyang makakalaban. Umakyat sila sa ring para sa magiging laban nila. Seryosong nakatingin si Dahlia sa lalaki habang ito ay nakangiti sa kaniya nang nakakaloko. Habang parehas silang nagbabanat ng kanilang mga buto, minamasid naman ni Dahlia ang katangian ng lalaking 'yon.
"Kung malakas lang 'to pero walang bilis, baka matalo ko pa siya. Pero kung parehas siyang meron no'n, baka malasin ako. Pero hindi pwede, wala akong maipambabayad sa tuition ko kapag hindi ako nanalo rito. Ayokong masira ang pag-aaral ko. Kung kailangan kong sirain 'tong lalaking 'to, gagawin ko. Kahit babae pa ako," sabi ni Dahlia sa kaniyang isipan. Inihahanda na rin niya ang sarili para sa labanan.
BINABASA MO ANG
✔ | Titser Dahlia
Action"Oo, isa akong guro, at may nais akong turuan ng leksyon." *** Walang ibang tutulong sa kaniyang matinding pagdurusa kundi ang kaniya lamang sarili. Si Dahlia Perez o mas kilala bilang titser Dahlia ang mismong aalam sa madilim na nangyari sa kaniya...