Kalaunan, nang maihatid na ni Bernard si Dahlia sa tapat ng bahay nito, lumabas na ito mula sa sasakyan. "Salamat sa paghatid ninyo sa 'kin. Sige, papasok na ako," sabi ni Dahlia sa mga ito. Nang makapasok na ang dalaga sa kaniyang bahay, nagtinginan sina Bernard at ang pamangkin nitong si MetMet. Marahan pang nanlalaki ang kanilang mga mata dahil sa ginawang pagpapasalamat ni Dahlia."Sinabi ko naman sa 'yo tito, balang araw, pasasalamatan ka ni teacher Dahlia. O ano? Naniwala ka na sa 'kin?" tila pagmamalaking sabi ni MetMet sa tiyuhin.
"Ang galing mo, ah? Parang kahapon lang, kulit ako nang kulit sa kaniya. Ngayon, nag-thank you siya sa 'kin. Iba ka talaga, cute kong pamangkin. Hmm!" sabi naman ni Bernard saka pinisil ang matabang pisngi ni MetMet. "Tara na. Umuwi na tayo. Maghahanda pa tayo ng hapunan," sabi pa ni Bernard bago nito paandarin ang sasakyan.
Samantala, nang makapagbihis na si Dahlia, pumunta siya sa kusina upang uminom ng tubig. Nang matapos ito, napansin niya na lang ang box na nakadungaw kaya't kaagad niya 'yong pinuntahan at kinuha. Nagtataka siya kung bakit gano'n ang pwesto nito. Iniisip niya na baka nawala na ang tape na nakalagay rito. Nang buksan niya ang box, bumungad sa kaniya ang tape. Naroroon pa ito. Kinuha niya ang tape at saka muling tinignan. Bigla na lang pumasok sa isipan niya kung anong nakapaloob sa bagay na ito. Ni isang beses sa kaniyang buhay noon nang mapasakaniya ang box, hindi niya pinanood kung ano ito. Nang balakin naman niya ay wala naman siyang gamit upang mapanood ito. Dahil ang tanging ibinilin sa kaniya ng kaniyang ama ay itago lang niya ang tape at walang sinabing panoorin niya ito.
Isang malaking kuryosidad ang biglang bumalot kay Dahlia. Lalo na't nang maalala niya ang pagkakasabi ng kaniyang ama noon sa kaniya habang ibinibilin ang bagay na ito. Na itong tape na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit pinatay ng mga kalalakihang 'yon ang kaniyang ama.
Naisipan niyang lumabas ng kwarto at isara muna ang pinto at mga bintana dahil baka mamaya ay may kung sino ang sumilip. At baka mamaya rin, kung anong laman nitong tape. Maya-maya nang i-play niya ito, bumungad sa kaniya ang tila isang magulong video na kinukuhanan gamit ang phone. Kalaunan, nang luminaw ito, nanlaki na lang ang mga mata niya. Nakita niya ang mga nakaluhod na tao. Isang matandang babae, dalawang binatilyo at dalawang batang lalaki. Umiiyak ang mga ito na tila ba nagmamakaawa sa mga lalaking nakapalibot sa kanila at may hawak na baril. Nakatutok ang lahat ding 'yon sa kanila.
Napahawak na lang sa bibig si Dahlia sa bigla. Nakaramdam ng awa sa mga taong 'yon. Maya-maya pa'y may bumungad na isang may katandaang lalaki na may bigote. Nakapamulsa ang mga kamay nito at pormal din ang kaniyang pananamit. Maayos at mukhang mayaman. Tumatawa ito nang nakakaloko at natapat sa harapan ng mga nakaluhod na tao. "Kung hindi sana kayo nangialam sa diskarte ko, hindi niyo mararanasan 'to," sabi ng katandaang lalaking 'yon.
Ilang sandali pa nang makarinig din si Dahlia ng isa pang nakakalokong pagtawa ng lalaki. Malapit ang boses ng pagtawa nito na tila ito ang kumukuha ng video. "Sige, dad, patayin na natin ang mga 'yan. Hindi nararapat mamuhay sa mundo ang mga pakialamero't pakialamera," sabi ng boses na 'yon na malapit sa video. Kalaunan, nagpaputok na lang ng kani-kanilang mga baril ang mga taong nakapalibot sa mga nakaluhod na tao. Nagulat si Dahlia dahil sa kaniyang pinapanood. Dahil dito, mabilis niyang pinatay ang pinapanood at kaagad na tinanggal ang tape. Napahilamos na lang siya sa mukha dahil hindi siya makapaniwala sa nilalaman ng tape na 'yon.
Kaagad napalingon si Dahlia nang biglang may kumatok sa pinto ng kaniyang bahay. Dahil nakapatay naman na ang kaniyang pinanood, pinuntahan niya ito at binuksan. Bumungad sa kaniya sina Bernard at MetMet. "Ahmm... Dahlia, pwede ko bang maiwan sa 'yo saglit si MetMet? May emergency lang sa trabaho ko e. Wala kasi siyang kasama sa bahay. Kaming dalawa lang ang nakatira doon e," sabi ni Bernard sa dalaga. Tinignan muna ni Dahlia ang bata na nakatingin naman sa kaniya. Dahil bata naman ang pinakikiusapan ni Bernard, pumayag ang guro.
"Sige, dito muna siya pansamantala. Balikan mo na lang siya kapag tapos na yung sinasabi mong emergency. Alas dies ng gabi, tulog na ako no'n," sabi ni Dahlia. Napangiti ang mag-tito dahil sa pagpayag niya.
"Sige. Sige. MetMet, d'yan ka muna kay teacher Dahlia, ha? Alis muna ako. H'wag matigas ang ulo," sabi ni Bernard bilang pagpapaalala sa kaniyang pamangkin. Tumango-tango habang nakangiti si MetMet bilang tugon. Ilang sandali pa, nagpaalam na si Bernard at saka ito umalis. Pinapasok naman ni Dahlia ang bata saka siya sumunod bago niya isinara ang pinto.
"Teacher, ano pong pinanood niyo? Mukha pong nanood pa kayo ng movie, ah?" tanong ni MetMet nang makita ang tape, katabi ng box. Dahil narinig ito ni Dahlia, kaagad niya 'yon pinuntahan at kaagad na dinampot. Pumasok din siya kaagad sa kwarto upang itabi ang box at tape na nakalagay rito. Samantala, nagtaka na lang si MetMet sa gano'ng inasta ng kaniyang guro. Napakamot na lang ito sa buhok at napakibit-balikat.
NAKARATING ang mga tauhan ni Armano Imperial sa natupok na mansyon ni Gregorio Perez. Nakapalibot sila rito. At sa pangunguna ni Bernard na siyang inatasan ng kaniyang amo, pinangunahan niya ang paghahanap sa sinasabi nitong tape. Ilang minuto ang iginugol ng lahat sa paghahanap nito ngunit wala silang nakita ni isa. Nang masigurado nila, kaagad tinawagan ni Bernard ang kaniyang amo sa telepono nito.
[Hello. Oh ano, Bernard? Anong balita?] tanong kaagad ni Armano nang masagot na nito ang tawag.
"Boss, negative. Wala rito ang sinasabi ninyong tape. Mukhang nasama na sa nasunog noon," tugon naman ni Bernard. Sa kabilang banda, huminga nang malalim si Armano dahil sa ibinalita sa kaniya.
[O siya, magsipagbalik na kayo. Baka mamaya, kung sino pa ang makakita sa inyo. Bilisan ninyo,] sabi pa ni Armano mula sa kabilang linya bago nito ibinaba ang tawag. Kaagad namang sumenyas si Bernard sa mga kasamahan na magsipagsakay na at bumalik na sila sa mansyon. Matapos paganahin ang mga ginagamit nilang kotse at van ay saka na itong nagsimulang umandar pabalik.
Samantala, nang matapos ang tawag, bigla na lang may nagsalita sa likuran ni Armano. "What the hell did you do, Armano? I told you, it already vanished. Ang tagal-tagal na panahon nang masunog ang mansyon ni Gregorio. Siguradong natupok na ang tape na 'yon. Hindi mo ba ako pinaniniwalaan? Wala ka bang tiwala sa 'kin?" sabi ni Abella na kanina pa pala nakikinig sa kaniya.
"Abella, walang mali sa ginawa ko. I want to assure that nothing will ruined my name lalo na't nalalapit ang election. Nagsisigurado lang ako dahil pangalan ko ang nakataya rito. Ang posisyon ko. Ang apelyido ng pamilya namin. Sa oras na biglaang may nakaalam sa tape na 'yon, sira ang apelyido ko at ng ama ko. Pati kayo at ng dalawang anak mo, damay sa problemang 'to," seryosong sabi ni Armano bago ito umalis. Napairap na lang sa ere si Abella at marahang napatampal sa ulo dahil sa kakulitan ng mister. Ilang sandali lang nang umalis na rin ito sa kinaroroonan niya.
Samantala, tahimik namang nakikinig si Sonia na nagtatago sa malapit sa pinagpwestuhan ng kaniyang ama-amahan. Dinig na dinig niya ang lahat. Bagama't hindi niya batid kung ano ang laman ng tape, gusto niya itong malaman upang panlaban sa kaniyang ama-amahan. Upang ma-expose na sa taong-bayan kung anong kababalaghan ang katauhan niya sa likod ng mala-mabuti nitong pisikal na katangian. Huminga na lang nang malalim si Sonia at napatingin sa ibang direksyon. Batid niyang baka buhay pa ang tape na sinasabi nito at hindi nasama sa sunog noon. Malakas ang pakiramdam niya na baka may nakakita nito. Kalaunan, umalis na ito sa kaniyang kinatataguan upang magpakita sa pamilya.
SAMANTALA, nakahiga si MetMet sa kama ni Dahlia habang ito naman ay nakaupo at abalang sinusuklay ang kaniyang may pagkahabang buhok. "Teacher Dahlia, kwentuhan niyo naman po ako ng story bago makatulog," biglang sabi ni MetMet sa kaniya. Sandali namang sumulyap si Dahlia sa bata.
"At ano naman ang ikukwento ko sa 'yo? Wala akong alam na story," tanong naman ni Dahlia sa bata.
"Hmm... Kahit ano po. Kahit tungkol sa buhay na lang po ninyo," tugon ng bata. Kaagad napahinto si Dahlia sa pagsusuklay nang masabi 'yon ng bata. Dahan-dahan ding bumaba ang pagkakahawak niya sa suklay. Tila ba kusang pumasok sa isipan niya ang kaniyang mga mapapait na napagdaanan noon sa kaniyang buhay. Dahil sa pag-iisip, ilang sandaling nanatiling tahimik si Dahlia hanggang sa magsalita itong bigla.
"M-Makikinig ka ba?" malumanay na tanong nito habang nananatili pa ring tulala sa isang direksyon.
"Opo naman! Kwentuhan niyo na po ako, teacher," tila masaya pagtugon ng bata saka ito umayos ng pagkakahiga. Samantala, huminga muna nang malalim si Dahlia. Sinariwa muna niya ang pinakaunang parte ng kaniyang buhay na ikukwento sa bata. Animo'y wala siya sa kaniyang sarili hanggang sa masimulan na niyang magkwento sa bata.
BINABASA MO ANG
✔ | Titser Dahlia
Action"Oo, isa akong guro, at may nais akong turuan ng leksyon." *** Walang ibang tutulong sa kaniyang matinding pagdurusa kundi ang kaniya lamang sarili. Si Dahlia Perez o mas kilala bilang titser Dahlia ang mismong aalam sa madilim na nangyari sa kaniya...