KABANATA 23

8 1 0
                                    


Habang pinaglalaruan ni Bernard ang hawak niyang babasaging bola, kaagad na lang siyang napalingon nang magbukas ang pinto ng kwarto. "Tito Bernard!" masayang sambit ni MetMet nang makita ang kaniyang tito Bernard. Kaagad siyang lumapit dito at niyakap ito nang mahigpit. Hinalik-halikan naman ng binatilyo ang ulo at pisngi ng matabang pamangkin.

Matapos nito, nang kumalas si MetMet ay tinignan niya ang paligid. "Nasaan po si teacher Dahlia?" takang tanong nito dahil tanging ang kaniyang tito lang ang naririto sa room.

"U-Umuwi lang si teacher Dahlia mo. May inasikaso lang saglit," pagdadahilan na lang ni Bernard sa pamangkin.

"E tito, tayo? Hindi pa ba tayo uuwi?" tanong muli ng pamangkin. Dahil hindi makapagsalita, ngumiti na lang si Bernard kay MetMet habang hinahaplos ang buhok nito. Ngunit ilang sandali lang nang biglang mapatingin si Bernard sa pinto. May naririnig siyang takbuhan na nagmumula sa hallway.

"MetMet, dito ka muna. May titignan lang ako," sabi nito sa kaniyang pamangkin bago dahan-dahang pumunta sa may pintuan. Nang pihitin niya nang dahan-dahan ang doorknob, isinilip niya ang kaniyang kanang mata. Nakita niyang may nagtatakbuhan nga sa labas.

"T-Teka, ano po bang nangyayari? Bakit po kayo nagsisipagtakbuhan?" takang tanong ng isang lalaki na lumabas mula sa 'di kalayuang kwarto.

"Umalis na po kayo. May mga armado pong lalaki sa baba. Mukhang papaakyat na rito," sagot naman ng isang babae at saka nagpatuloy sa pagtakbo.

Samantala, nanlaki ang mga mata ni Bernard dahil sa narinig. "Nasundan yata," mariin niyang sabi sa sarili. Kaagad niyang kinuha si MetMet upang makatakas na sa hotel.

"Tito, bakit? Ano pong nangyayari?" halatang kinakabahang tanong ni MetMet sa kaniyang tito. Pinantayan ni Bernard ang pamangkin saka hinawakan ang magkabilang balikat nito.

"Met, kailangan na nating umalis. H'wag kang mag-alala, naririto ako. Hindi kita pababayaan. Ako ang bahala," sabi naman ni Bernard. Upang bumilis ang kanilang pagtakas, binuhat na niya ito kahit na mabigat-bigat din si MetMet.




SAMANTALA, nagsanib pwersa ang magkakapatid na Sonia, Semir at Dahlia upang patayin ang mga tauhan ni Armano na nanloob sa bahay ni Berina. Dahil sa bilis kumilos ng mga ito, may mga ibang tauhan na tila ayaw nang sumugod pa. Ang isa ay dahan-dahang umatras at kinuha ang radyo ng namatay niyang kasama.

"Boss! Boss!" tawag nito sa amo na nasa kabilang linya.

[Ano nang nangyayari d'yan sa loob. Bakit hindi sinasagot ni Uldang 'tong radyo? Kanina pa ako naghihintay ng update ninyo,] halatang inis na pagkakasabi ni Armano sa tauhan.

"Boss, magkakasama po sina--sina ma'am Sonia, sir Semir at nung--nung Dahlia Perez. Boss, halos karamihan sa mga tauhan natin, patay na," nauutal namang tugon ng tauhan. Samantala, nanlaki ang mga mata ni Armano dahil sa balita.

"Putangina! Putangina!" sigaw nito sa loob ng sasakyan habang sinusuntok na lang ang upuan na gusto nitong suntukin. "Papaano nangyari 'yon?!" tanong nitong muli sa tauhan na nasa kabilang linya. "Hoy! Sumagot ka!" sigaw pa nito dahil hindi na nakatugon pa ang tauhang 'yon.

"Gusto mo bang malaman kung paano nangyari, Armano Imperial?" nahinto na lang si Armano at napakunot ang noo dahil boses babae ang narinig niyang tumugon.

"Dahlia," sambit na lang ni Armano sa pangalan nito. "Lintek kang babae ka. Magpakita ka sa 'kin at ako mismo ang lilintek sa 'yo."

Natawa na lang mula sa kabilang linya si Dahlia. "Magkikita rin tayo, Armano. At sisiguraduhin ko na sa pagkikita natin, ikaw ang lilintikin ko. Pagbabayaran mo lahat ng ginawa mong hayop ka. Lalong-lalo na sa ginawa mong pagpatay sa ama kong si Gregorio Perez," mariing sabi ni Dahlia. Hindi na nakatugon pa si Armano at huminga nang malalim. Unti-unti nitong ibinaba ang radyong hawak niya at saka inutos sa tauhan na umalis na sila.

✔ | Titser DahliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon