KABANATA 3

19 3 0
                                    


"Masarap ba ang mga pagkain, Dahlia?" tanong ni Gregorio sa kaniyang anak. Ngumiti nang napalakalapad si Dahlia at saka tumango bilang tugon. "Alam mo, luto 'yan ng tita Abella mo. Magaling talaga magluto 'yan," sabi pa ni Greg. Tinignan naman ni Dahlia si Abella na tipid at seryoso ang pagkakangiti sa kaniyang ama.

"Of course, for my husband and for my family, dapat ko lang pasarapin ang luto," sabi naman ni Abella saka natawa. Samantala, nang tignan naman ni Dahlia ang dalawa niyang kapatid, napairap na lang sa kaniya si Sonia, samantalang pinanlakihan lang siya ng mata ni Semir. Alam niyang ayaw pa rin siyang makita ng mga ito dahil anak lamang siya sa labas.

Tuloy lang sila sa pagkain ng hapunan nang tignan naman ni Abella ang asawa niyang si Gregorio. Namumuo ang galit sa kaniyang loob dahil mas iniintindi pa nito ang anak niya sa labas kumpara sa dalawa nilang anak. Palihim na lang siyang napakuyom ng kamao, dahil bukod sa pangyayaring ito, naaalala niya ang mga pinag-aawayan nilang mag-asawa. Tulad ng pera at atensyon.

"Hindi ko alam kung anong napasok sa isipan mo, Greg. Mas iniintindi mo pa 'yang anak mo sa labas. Pati mga dapat kong kakailanganin, ipinagdadamot mo sa 'kin," inis na sabi ni Abella sa isipan. At dahil dito, naalala niyang bigla ang kanilang pag-uusap na mag-asawa nitong mga huling araw matapos niyang itaboy si Dahlia sa kanilang mansyon.









LUMAPIT si Gregorio nang makita niya si Abella. Galit pa rin sa kaniya ang asawa ngunit pinilit niya itong makausap. Kahit na tinatalikuran siya ng kaniyang misis, hindi siya sumusuko. "Abella, kausapin mo naman ako. Alam kong galit ka sa 'kin, pero hindi dapat natin 'to pinatatagal pa," sabi ni Gregorio.

"Alam mo, Greg, hindi naman ako magagalit ng ganito nang paulit-ulit kung hindi mo lang ipinipilit dito ang anak mo sa labas. Mas iniintindi mo pa 'yon kaysa sa dalawa nating anak. Hindi mo ba napapansin? Gusto rin nila ng atensyon mo," inis namang tugon ni Abella sa asawa.

"Abella, hindi ko pinababayaan ang mga anak natin. Minsan kung pinapadalaw ko rito si Dahlia dahil anak ko rin siya. Ang mga anak natin, naririto palagi sa bahay. Wala naman akong pinalalamangan e. Kung anong paglalambing ang ginagawa ko kay Dahlia, gayundin sa mga anak natin. Ang pinagkaibahan lang, mas iniintindi ng mga anak mo ang mga pinagkakaabalahan nila. Minsan, ako nga ang naiinggit dahil sinasabi nila na mas gusto nilang makasama ang tito Armano nila," paghihinaing naman ni Gregorio at saka napangisi. "Aminin mo nga sa 'kin, ano bang ginawa niyang Armano na 'yan at nagkagano'n sina Semir at Sonia? May relasyon ba kayong dalawa?" tanong pang bigla ni Gregorio kaya't mabilis na tumingin sa kaniya si Abella. Lumulunok ng laway.

✔ | Titser DahliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon