Matapos ang pagsasalo-salong almusal, nagpaalam na si Armano sa kaniyang asawa. Ngunit bago pa ito tumuloy paalis, sinabihan nito ang binatang si Semir. "Mamaya at bukas ng gabi, may transaksyon tayo, Semir. Maghanda ka," sabi nito saka tinapik ang balikat ng binata. Nagsimula pa lang humakbang nang marinig naman ni Armano ang pagtawag nito sa kaniya."Dad." Unti-unting lumingon si Armano sa binata at hinarap ito. "I just wanna tell you something important, dad," sabi pa ni Semir sa amang si Armano. Dahil nakatingin ito sa kaniya at tila hinihintay ang balak niyang sabihin, humingang muli sa huling pagkakataon si Semir bago niya sabihin ang dapat na sasabihin. "Gusto ko na pong kumalas, dad. I mean, sa illegal businesses natin."
Nahinto at tila tumuon ang pandinig ni Armano sa sinabi ni Semir. "What?" mahinahon ngunit bakas ang diin sa pagkakatanong nito.
"I wanna live with Berina. Balak ko na po siyang pakasalan. At ayokong malaman niya ang tungkol sa ganitong gawain ko, dad. I lied to her. Ayoko na pong madagdagan pa. Dad, gusto ko pong mamuhay nang tahimik at maayos na pamumuhay kasama siya kapag naging isa na kaming pamilya," paliwanag ni Semir. Nananatili pa rin si Armano sa kaniyang pagkahinto habang nakatingin sa binata dahil hindi niya inaasahan na sasabihin nito ang mga 'yon sa kaniya. Ilang segundo pa ang lumipas nang ngumiti si Armano sa binata. Muli, tinapik niya nang dalawang beses ang balikat nito.
"Naiintindihan kita, Semir," sabi ni Armano habang nakatingin sa ibabang direksyon habang tumatango-tango. "Hayaan mo. H'wag kang mag-alala, sige, ibinibigay ko na sa 'yo ang maayos at tahimik na pamumuhay kasama si Berina. At sana, maging maligaya kayong dalawa," sabi pa nito sa anak-anakan. Napangiti nang napakalapad si Semir at saka dali-daling niyakap si Armano.
"Salamat po, dad. Salamat nang napakarami," masayang sambit ni Semir sa ama-amahan. Natawa na lang nang bahagya si Armano bago ito muling nagpaalam at saka tuluyang umalis. Pasakay pa lang siya ng kaniyang sasakyan ngunit saglit siyang huminto. Seryosong nakatingin sa isang direksyon habang iniisip ang sinabi ng binatilyo sa kaniya. Ngumiti na lang ito nang nakakaloko bago ito tuluyang sumakay bago paganahin at paandarin ang sasakyan ng kaniyang driver.
KAAGAD pinuntahan ni Sonia ang paaralang elementarya sa lungsod kung saan ay sinabi ng kapitbahay ni Dahlia sa kaniya na dito ito nagtatrabaho. Pinuntahan niya ang bahay nito kanina ngunit hindi na niya naabutan pa na naroroon ang kapatid.
At nang makababa sa kaniyang sasakyan ang dalaga, napatingin na lang siya sa building ng school. "So? She's a teacher?" tanong niya sa sarili. Napangiti na lang din ito nang tipid sa sarili. "A badass teacher. I guess?"
Pumasok na ito nang tuluyan sa school hanggang sa loob ng building. Nang makasalubong nito ang isang guro, kaagad niya itong tinanong. "Hello, ma'am, do you know where Dahlia Perez is?"
"Ay, sa second floor po. Sa may room 210. Doon po ang classroom niya," sagot naman ng guro. Ngumiti at nagpasalamat si Sonia sa guro bago nito tunguhin ang nasabing classroom.
Ilang sandali pa, nakita na niya ang room 210 kaya't dahan-dahan siyang lumapit sa may gilid ng pinto. Naririnig niya ang malumanay nitong pagtuturo sa mga bata. Napangiti na lang si Sonia sa sarili dahil sa propesyon ng kaniyang kapatid.
"Teacher Dahlia, may bisita po kayo," biglang sabi ng isang bata nang makita si Sonia na nasa pintuan. Dahil nasa labas pa ito ng classroom ay hindi siya napansin ni Dahlia na abala sa pagtuturo.
"O sige, saglit lang, ha? Isulat niyo muna ang mga isinulat ko sa board then after, magre-recitation tayo. Maliwanag po?" sabi ni Dahlia sa mga bata.
"Opo, teacher Dahlia," tugon naman ng mga bata. Samantala, kinakabahan naman si Sonia sa muli nilang pagkikita ng kaniyang kapatid. Panay rin ang haplos niya sa kaniyang mga kamay.
At nang makita naman ni Dahlia kung sino ang bisita, nahinto na lang siya sa kinaroroonan at sumeryoso ang hitsura sa pagkakatingin sa kaniyang kapatid na si Sonia. Ilang segundo ang itinagal ng hindi nito pag-imik bago ito magtanong. "Anong ginagawa mo rito? At paano mo nalamang naririto ako?"
"Pumunta ako sa bahay mo kanina pero ang sabi ng kapitbahay mo, pumasok ka na raw. Sinabi niya na dito ka raw nagtatrabaho bilang guro," tugon naman ni Sonia saka huminga nang malalim. "Dahlia, kailangang-kailangan kitang makausap," sabi pa nito. Napangisi naman si Dahlia sa kaniya.
"Makausap? Tsk! Hindi na. Bakit pa ako makikipag-usap sa 'yo? Umalis ka na, Sonia," seryosong sabi ni Dahlia at balak na maglakad pabalik sa harapan nang sumingit naman ang kapatid.
"Dahlia, kailangan nating paghigantihan ang Armano na 'yon para sa nag-iisang ama natin."
Napatingin sa buong klase at sa paligid si Dahlia dahil baka may nakarinig bago niya lapitan nang mas malapitan si Sonia. "Tumahimik ka. Itikom mo 'yang bibig mo," mariing sabi ni Dahlia. Samantala, naiyak na lang bigla si Sonia sa harapan ng kapatid.
"Dahlia, ayoko na. Hindi ko na gusto pang makasama ang demonyo kong ama-amahan," sambit nito kay Dahlia. "Kagabi lang nang pagsamantalahan ako ni Armano. Wala akong kalaban-laban. Naunahan ako ng takot at kaba bukod sa malakas siya kumpara sa 'kin. Ayoko na. Noon pa lang, gan'yan na ang balak niya sa 'kin. Kaya Dahlia, tulungan mo ako," maluha-luha namang paliwanag ni Sonia.
Napangisi si Dahlia sa kapatid imbis na maawa. "Dapat lang sa inyo 'yan. Sa mga mamamatay-tao. Karma 'yan, Sonia. H'wag ka nang magtaka pa," seryosong tugon ng guro.
"D-Dahlia, hindi mo ako naiintindihan e. Kung alam mo lang kung ano ang tunay na pangyayari noong gabing 'yon. Hindi namin ginusto ni Semir ang mamatay ang daddy. Dahlia, mga bata lang kami noon at walang kalaban-laban," paliwanag naman ni Sonia. Bigla-bigla, napaluha na lang si Dahlia kasabay ng pag-iiba nito ng tingin. Kahit na nararamdaman niya ang labis na kalungkutan dahil sa pangyayari, nananatili pa rin itong nagmamatigas sa harap ni Sonia.
"H'wag mo akong gawing tanga, Sonia, dahil 'yon ang totoo. At hindi ko na rin kailangan pa ng paliwanag mo. Hindi ako maniniwala sa mga mamamatay-tao," tugon ni Dahlia. Balak pa lang magsalita ng kaniyang kapatid nang talikuran niya ito. Ngunit muli, nahinto siya sa ikalawang pagkakataon nang marinig niya ang itinugon ni Sonia.
"Kailangan natin ng tape laban sa kaniya." Kaagad napasok sa isipan ni Dahlia ang tape at ang nakapaloob dito. Marahan siyang lumingon sa kapatid ngunit hindi niya ito tinignan. Imbis na tugunan niya ito, isinara na lang niya ang pinto ng classroom at saka pumunta sa unahan.
Naiyak na lang si Sonia bago nagsimulang naglakad paalis. Dahil ayaw niyang mahalata siya ng mga taong makakasalubong niya, pinupunasan niya ang kaniyang mga luha. Ngunit sa kaniyang ginagawa habang naglalakad, bigla na lang siyang nakabangga. Kaagad niya itong tinignan ngunit nahinto na lang siya nang makita niya si Bernard ito. "Ma'am Sonia? A-Ano pong ginagawa ninyo rito?" takang tanong ni Bernard sa kaniya.
"Ahmm... I went to principal's office. M-May itinanong lang ako," pagdadahilan ni Sonia. "And what about you? Why are you here?" tanong din naman niya sa binatilyo.
"Pupunta po kasi ako sa pamangkin ko. May nakalimutan lang akong ibigay," tugon naman ni Bernard. Ngunit napansin naman ni Sonia ang hawak nitong bouquet of roses kaya dahan-dahan itong tumango.
"I see," sabi lang nito sa kaniya. Napansin din naman ni Bernard na tila kagagaling lang sa pag-iyak ng anak ng kaniyang amo.
"Ma'am, napaano po kayo? Bakit po kayo umiiyak?" takang tanong ni Bernard. Napaiwas naman ng tingin si Sonia sa kaniya. Ngumiti na lang ito at umiling bilang tugon. "Hmm... Nalaman po ba ng daddy ninyo?" tanong pa nito. Muling umiling si Sonia at bigla muling naiyak kasabay ng pagyakap kay Bernard. Bagaman nagtataka ang binata, tinapik-tapik na lang nito ang likod ng dalaga bilang pagpapatahan.
"I can't take this anymore," naiiyak na lang na sambit ni Sonia. Hindi naman alam ni Bernard kung ano at paano ang gagawin niya para mapatahan ito.
"Ma'am Sonia, sasamahan ko po muna kayo siguro. Kung anuman po ang problema ninyo, pwede niyo pong sabihin sa 'kin. Mapagkakatiwalaan naman ako. Siguradong hindi po ito makakarating sa daddy ninyo," sabi ni Bernard bilang suhestyon. Humiwalay sa pagkakayakap sa kaniya ang dalaga habang nakangiti.
"Please," sabi lang ni Sonia. Nagsimula na silang maglakad paalis ng school at maglakad-lakad. Sinisigurado rin nila ang paligid at baka may makakita sa kanila na tauhan ni Armano Imperial.
BINABASA MO ANG
✔ | Titser Dahlia
Action"Oo, isa akong guro, at may nais akong turuan ng leksyon." *** Walang ibang tutulong sa kaniyang matinding pagdurusa kundi ang kaniya lamang sarili. Si Dahlia Perez o mas kilala bilang titser Dahlia ang mismong aalam sa madilim na nangyari sa kaniya...