KABANATA 14

9 1 0
                                    


Magulo ang mga tao habang nasa magkabilang gilid ng kalsada. Inaabangan ang paparating na mangangampanya sa kanilang lugar. Maraming pulis ang nakaantabay at gayundin ang mga tauhan ng taong 'to. Ilang sandali pa nang papalapit na ang sasakyang sinasakyan ni Armano Imperial. Kumakaway ito sa mga tao habang baon ang malapad na pagkakangiti. Kaalinsabay nito ay ang musikong ginamit para sa pangangampanya niya. May mga taong natutuwa at isinisigaw ang pangalan niya bilang maging mayor ng buong lungsod.

"Iboto si Armano Imperial."

Habang patuloy sa pagkaway, pagbibigay ng candies at pagngiti nito sa taong-bayan, bigla na lang pumunta sa likuran niya ang isa niyang tauhan. "Boss, kailangan po kayo sa meeting para sa transaksyon. Naka-landing na sa Pinas ang mga european at asian transactors natin," bulong nito sa amo. Marahan naman siyang nilingunan ni Armano at bumulong din ito.

"Pwede bang h'wag kang mag-a-update sa 'kin ng gan'yan kapag nasa kampanya tayo at sa harap ng maraming tao? Lintek naman, baka may makarinig sa 'yo't makapatay pa tayo nang wala sa oras. At tsaka, hayaan mo silang matutong maghintay," tugon ni Armano. Bagaman nakangiti, dinig naman ang mariin niyang pagbulong sa kaniyang tauhan.

"Sige po, boss," sabi na lang ng kaniyang tauhan bago ito umalis. Muling humarap si Armano sa taong-bayan at muli rin itong kumaway-kaway habang nakangiti nang napakalapad. Ilang sandali pa nang magkagulo na lang ang mga tao nang biglang bumagsak sa sahig ang halos katabing tauhan ni Armano. Nagulat na lang din ito dahil sa nangyari sa kaniyang tauhan. Nang humandusay ito sa sahig na kanilang kinaroroonan, nakita na lang ni Armano ang isang tama ng baril diretso sa dibdib nito. Nagtataka habang gulat na gulat pa rin siya. Hindi niya alam kung sino ang gumawa no'n sa tauhan niya. At dahil sa nangyaring kaguluhan, inalalayan si Armano ng kaniyang mga tauhan upang makaalis.




KINAGABIHAN, nakahanda ang mansyon para sa pagdating nina Semir at ang girlfriend nitong si Berina. Habang nakatayo sa isang tabi habang umiinom ng kaniyang wine si Abella, napalingon na lang siya nang makarinig siya ng tunog ng sapatos. "Sonia, where are you going?" takang tanong nito sa anak na dalaga nang makitang nakabihis ito.

"I'm gonna have a dinner meeting with my friends. Dahil ngayon naman nila ako inaya, we have a lot of things to talk about. And besides, business din naman ang magiging topic namin," tugon ni Sonia sa ina. Tumango-tango nang dahan-dahan si Abella dahil dito.

"Okay, then. Please, take good care of yourself, hija. Sige na," sabi ni Abella saka niya ito bineso bago ito umalis. Muling bumalik sa kaniyang pwesto si Abella habang hinihintay ang pagdating ng kaniyang anak na lalaki at ang ipakikilala nito. At nang maburyong sa kaniyang pwesto, pumunta sa sofa si Abella at doon naupo. Nagpakuha pa siya ng wine sa kasambahay habang patuloy pa rin siya sa paghihintay.

Nang inumin niya ang bagong bigay na wine, bigla na lang may pumasok sa isipan niya. Tila natulala pa si Abella sa isang direksyon dahil dito. Muli na naman niyang naalala ang pangyayari noong gabi. Ang kaniyang asawa at ang anak nito sa labas na si Dahlia. Ngunit bigla na lang din siyang napahinto sa pag-inom ng wine nang may isa pang pumasok sa isipan niya. Ang tape. Na tanging si Gregorio lang ang nakaaalam kung nasa saan ito simula nang makuha niya ang bagay na 'to kay Armano.

"Oh my god," sambit na lang niya sa sarili nang maisip din niya na baka ipinagkatiwala nito sa kaniyang anak sa labas ang bagay na 'yon. Wala siyang duda dahil sobrang magkalapit ng mag-amang 'yon. "There's a possibility," sambit na lang niyang muli sa sarili.

"What is it, mom?" bigla na lang nawala sa isipan ni Abella ang bagay na 'yon nang marinig niya ang boses ng lalaki. At nang tignan niya kung sino ang nasa harapan niya, si Semir, kasama nito ang isang maganda at simpleng babae na si Berina. Tumawa na lang nang bahagya si Abella at napailing sa anak bilang pagtugon.

"Buti naman at nakarating na kayo. Kanina pa ako naghihintay. Tara sa dining room. Marami pa tayong dapat na pag-usapan," sabi ni Abella. Nauna ang dalawa upang pumunta roon. Bago pa man maglakad si Abella, napairap na lang siya sa sarili kaalinsabay ng paghinga nito nang malalim.







NAHINTO na lang bigla si Dahlia nang bumungad sa harapan ng pinto ng kaniyang bahay si MetMet. Nakatayo at mukhang kaawa-awa. "Oh? Bakit ka naparito? Sinong kasama mo?" takang mga tanong ni Dahlia sa kaniya.

"E teacher Dahlia, umalis po si tito Bernard e. Ang bilin niya po sa 'kin, pumunta po muna ako rito. Kailangan daw po siya sa trabaho," malumanay na pagtugon ni MetMet. Dahil sa hitsura nito, ipinapasok na ni Dahlia ang bata. Sakto't nagluluto na siya ng pagkain sa hapunan at isasabay niya na rin ito.

Nang maluto na ang kanin at niluto niyang pritong tilapia at sabaw ng sinigang, kaagad siyang naghain para sa kanilang dalawa ni MetMet. Nang ibigay nito sa bata ang pagkain, nagpasalamat ito sa kaniya. Sabay silang nagdasal at sabay rin silang kumain. Habang matakaw na kumakain si MetMet, paunti-unti naman ang pagsubo ni Dahlia sa kinakain niya dahil sa namumuong tanong sa isipan niya habang nakatingin sa bata. "Met, nasaan na pala ang mga magulang mo?" bigla na lang tanong ni Dahlia sa bata. Napahinto naman si MetMet at tinignan ang guro. Ilang sandali ang itinagal ng hindi nito pagsasalita bago nito basagin ang katahimikan.

"M-Makikinig ka po ba?" tanong niya sa guro. Ngumiti nang marahan si Dahlia sa tumango bilang pagtugon. Umayos naman ang bata sa kaniyang pagkakaupo bago siya muling tumingin sa guro at nagsimulang magkwento. "Teacher Dahlia, matagal na pong wala ang nanay ko dahil sa napabayaan na niya ang sarili niya. Nilayasan po kasi kami ng tatay namin at sumama sa maperang matandang babae. Tanging ako at si nanay na lang ang natira. Sa probinsya pa po kami nakatira noon at pinapadalhan po kami ng pera ni tito Bernard nang malaman niya ang pangyayari. Nakisuyo siya sa malapit-lapit sa 'min para maipadala ang pera. Pero kahit may pambili na kami ng makakain, hindi pa rin gusto ni nanay ang kumain. Kaya dumating ang araw nang malagot ang hininga niya. Umuwi si tito Bernard dahil gusto niyang makita ang labi ng nakatatandang kapatid niya. Kinupkop ako matapos niyang patayin ang ama ko at ang babae nito," mahabang pagkukwento ni Bernard.

"E bakit hindi umuwi si tito Bernard mo sa inyo kung alam pala niya ang nangyari? Sana man lang, sinamahan niya kayo at nang maipagamot ang nanay mo, hindi ba?" tanong muli ni Dahlia.

"Ang sabi naman po ni tito, hindi po siya pinapaalis ng amo niya. Kailangang-kailangan daw po siya. Gustong-gusto po niyang umuwi pero hindi po siya makatyempo," tugon naman ni MetMet.

"Teka, ilang taon na ba kayong naninirahan na kayong dalawa lang ng tito mo?" tanong muli ni Dahlia. Sumenyas naman si MetMet sa mga daliri nito ng 10. "So ibig sabihin, sampung taon ka na ring minsan walang kasama dahil sa pag-alis-alis ng tito Bernard mo?" tanong niyang muli.

"Teacher, hindi lang po paminsan-minsan. Madalas po ang pag-alis ni tito. Kaya madalas din po akong mag-isa sa bahay. Nila-lock ko na lang po yung pinto tsaka mga bintana," pagsagot naman ni MetMet at saka na ito kumain pagtapos.

Nakatulala si Dahlia sa bata habang nag-iisip. Kahit na magkaiba man sila ng tinahak sa buhay, nasasalamin niya ang sarili niya rito. Na naulila sa mga magulang. Hindi niya inaasahan sa batang 'to ang ganitong kasakit na pangyayari sa buhay. Dahil alam niya na ang bawat kabataan ay may layang maging masaya at maging maligaya sa piling ng kanilang mga magulang. Ngunit kahit gano'n, may mga hindi pa rin pinalad sa buhay. Mapamayaman man o mapahirap.

Mabilis na pinunasan ni Dahlia ang luhang tumulo sa kaniyang mga mata upang hindi kaagad mapansin ng bata. At nang makita siya nito, kaagad siyang huminto. "Kumain na r'yan. Sinisipon lang ako," kaagad niyang sabi sa bata. Nagpatuloy naman si MetMet sa pagkain habang siya ay kaagad na tinapos ang pagpupunas.

"Alam mo, Met, kung kailangan mo lang ng tulong, pumunta ka kaagad sa 'kin, ha? H'wag kang mahihiya. Bata ka pa pero matindi na ang sinapit mo sa buhay. Pero buti kahit papaano, may tito Bernard kang nariyan at nag-aalaga sa 'yo," biglang sabi ni Dahlia sa bata. "At tsaka tandaan mo, tuparin mong makapagtapos ng pag-aaral, ha? Importante 'yon. Matupad mo yung pangarap mo sa buhay. Kahit na wala ka nang mga magulang, hindi mo kailangang bumagsak. Nandito ako at ang tito mo para umalalay sa 'yo. Hmm?" sabi pa nito at saka ngumiti sa bata. Ngumiti nang napakalapad ang matabang batang si MetMet at saka tumango sa guro bilang pagtugon.

"Opo, teacher Dahlia. Maraming salamat po. Napakabuti ninyong guro. Sana, gan'yan po ang guro sa buong mundo," tugon naman ng bata. Natawa na lang nang mahina si Dahlia at saka hinalikan ang matabang pisngi ng bata.

✔ | Titser DahliaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon