Kabanata 1- UNOS NG DAGAT

3.3K 124 7
                                    

Marian


Ano ba namang buwanang bisita ito? Kung kailan gusto kong maligo sa dagat!

"Marian," tawag ng 'Lola' ko. Hindi ko naman siya totoong lola. Isa siya sa lahi ng mga tagapangalaga sa akin. Huli sa lahi nila. Hindi kasi sila nabigyan ng anak kaya walang magpapatuloy ng tungkulin.

"Huwag kang maliligo at may regla ka. Baka mapasukan ka ng pugita ang pwerta mo at mabuntis ka ng wala sa oras."

Hindi ako nakapag-aral pero alam ko namang hindi totoo iyon.

Nasa Zambales kami nakatira, sa isang isla na mahirap puntahan. Iniisip ko nga na pinoprotektahan kami ng dagat kung kaya walang nakakarating dito sa isla namin.

Hindi rin ako nagagawi sa kabilang dako ng isla kung saan maraming tao. Hindi naman sa bawal pero ngayon lang ako nagdalaga sa loob ng mahabang panahon.

Nakulong ako sa katawan ng sanggol. Nagpasalin-salin ang tagapangalaga ko. Nagiging kapatid ko sila pansamantala hanggang sa tumanda sila at maging magulang ko pagkatapos ay magiging lola ko sila at mayroong sisibol sa lahi nil ana magiging tagapangalaga ko at uulit na naman ang panahon.

Nanatili akong sanggol sa mahabang panahon. Puno ng ala-ala ngunit hindi nakakapagsalita hanggang sa hindi nabiyayaan ng anak ang huling tagapangala ko, doon ako tumanda at nagdalaga. Mas lalo akong hindi umalis sa isla dahil sa kakayahang kaakibat ng pagkatao ko.

Paiba-iba ang ngalan ko sa nagdaang panahon. Naging si Luntian ako, Liwayway, Maria, Mirasol at kung ano ang nais itawag sa akin ng mga tagapangalaga. Ngayon ang ngalan ko ay Marian. Nabaon na sa limot ang ngalan na ibinigay sa akin ng aking tunay na mga magulang.

Ang isla ay puno ng mga kailangan namin maliban sa teknolohiya na matatagpuan lamang sa kabilang dako ng dagat. Iilang beses pa lang ako napupunta sa kabilang dako kung tawagin namin. Namamangha ako sa mabilis na pagbabago ng mundo. Sa isang iglap ay napakaraming tao; maingay at masikip.

Nasa dalampasigan ako at pinagmamasdan ang papalubog na araw. Isa na namang araw ang lumipas at tatanda muli ako bukas.

Nakakapagtaka lang, buong buhay ko ay nakatira ako sa dagat ngunit nangangati ako sa mga pagkain mula rito. Nakakaligo ako sa batis ngunit may pangamba parati ako sa mga malalaking alon. Kaya ang paglangoy ko ay hindi masasabing mahusay dahil sa dagat ay tanging pampang ang nararating ko. Pinakamalalim kong narating ko sa dagat ay hanggang baywang na tubig. Nagagalit si Lolo tuwing lumalalim na ako doon.

Walang kuryente sa isla. Sa kabilang dako ay maliwanag na ngunit sa amin ay nababalot kami ng dilim maliban kung magsisindi kami ng siga o kung may buwan sa langit. Sa gabi kung hindi ka makatuloy ay inaalala ko ang mukha ng aking mga magulang ngunit iyon yata ang nag-iisang alala-ala na malabo sa aking isipan.

Kinabukasan ay nagising ako n amalakas ang hangin at parang nagagalit muli ang dagat. Mula sa kubo ay pinanood ko ang nagtataasang alon. Galit na naman ang diyos ng karagatan. Sa panahon ngayon, kilala pa kaya sila?

Sa isla ay buhay ang mga diyos sa amin. Nag-aalay ng palay si Lola kapag unang ani. Nag-aalay kami ng manok, baboy, bibe, pato at mga gulay. Mayroon kaming isang lugar sa isla, sa ilalim ng isang puno ng narra na itinanim ni ama noong ako ay ipinanganak, doon kami nag-aalay at nagdarasal sa mga diyos ng nagdaang lahi namin.

"Nagagalit na naman si Amanikable," wika ni Lola nang sumilip siya sa bintana. "Ilang buhay kaya ang mawawala ngayon?"

"Bakit kasi nilalabanan ng mga tao ang diyos na iyon?"

"Hindi na sila naniniwala sa kanya kaya pinapakita niya na totoo siya," paliwanag ni Lola. "Sadyang matigas ang ulo ng mga tao at hindi nakakalimot ang mga diyos."

"Nakakalimot saan?"

"Sa kasalanan na ginawa sa kanila," walang ngiting sagot ni Lola. "Huwag kang lalabas ng bahay. Kailangan masiguro na nasa auos ang panangga bago ka tumapak sa dagat muli."

"Opo," maikling sagot ko.

Kasama ba ako sa lahi ng mga tao? May nabubuhay ba na ganito katagal sa mga tao?

Sa nakalipas na taon, napagtagpi-tagpi ko ang katotohanan kung kaya hindi na ako nagtatanong kung bakit hindi ako maaring maglangoy sa dagat pagkatapos ng unos.

May panangga ang isla, iyon ang katotohanan. Isa pa ay kailangan 'daw' akong ingatan. Kaya ang lahi ng tao ay hindi nararating ang isla na ito. Kung tatawid man ako ng dagat ay nilalagyan nila ako ng ilang butil ng asin sa ulo at hindi ko hinahawakan ang tubig dagat kapag nasa bangka na ako. Kung bakit ay hindi na ako nagtanong pa. Noong sanggol ako ay walang problem ana ipasyal ako sa kabilang dako, ngayong nagdalaga ako ay saka ako pinaghigpitan.

Hinintay kong humupa ang unos. Isa sa aking libangan ay ang mamulot ng kabibe at gawing pulseras ang mga ito. Tinatawid ni Lola ang mga nagawa kong pulseras sa kabilang dako at ipinagbibili. Sa kanyang pagbalik ay hinahatiran niya ako ng mga libro. Iyon lang ay sapat na upang malibang ako hanggang sa matapos ko ang babasahin at mainip muli.

The Book of the Lost LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon