Kabanata 13- AKO NA

851 104 16
                                    

Marian

Mas nauna ko siyang narinig bago ko naamoy ang mabahong hininga. Tapos... isang nakakabinging huni muli na para bang sumisigaw ito. Na para bang sinasabing 'Mga hangal, huli na ang lahat upang tumakbo.'

Sa isang iglap ay nasa harapan na namin ang Naga. At ni isa sa amin ay hindi nakakilos agad. Para siyang ahas na may paa. Nagkikislapan ang mga kaliskis. Umuusok ang ilong at bibig. Kulay pula ang kanyang mga mata at nakatitig sa amin. Ang kanyang mga pakpak na akala mo ay sa paniki ay nakatupi sa kanyang likod. Ang kanyang buntot ay wari sa pagi at gumagalaw-galaw sa kanyang likod na nagpapayanig sa pader ng bulkan.

"Oh my God," ani ni Jelie.

Patnubayan kami ni Bathala.

Ang mga mata ng Naga ay isa-isa kaming dinaanan hanggang madako ang paningin niya sa engkanto. Kung nakakangiti ito ay parang nang-uuyam na ngiti ang ibinigay niya bago siya nagpakawala ng apoy. Apoy na kung hindi kami nakailag ay masusunog kami sa kinatatayuan namin.

Gumagalaw ang lupa dahil sa yanig ng yabag ng Naga nang habuli niya si Soliman. Ang paningin niya ay tanging na kay Soliman lamang. Si Bunao ay gumawa ng panangga na lupa ngunit parang buhangin na dinaanan lamang ito ng Naga.

Si Tala... sa kagustuhang iligtas ang kabiyak ay gumamit na agad ng dahas at ang hawak na sibat at itinusok sa buntot nito dahilan para mataaman siya ng buntot at tumilapon sa mga adobeng pader.

Si Soliman ay patuloy sa pagtakbo at pag-iwas. Mabilis ang Naga. Halos hindi ko ito masundan sa paningin. Paanong ang malaking ahas na mukhang butiking may pakpak na ito ay nakakagalaw ng mabilis?

"Tala!" sigaw ni Soliman sa kabiyak.

Hindi naman nasugatan si Tala, tanging inis lamang ang iniwan ng Naga sa kanya. Inis na lalong nagpasiklab ng kagustuhan na mailigpit agad ito.

Papunta si Soliman sa gawi ko. Tumatakbo ito ng mabilis at nagbabato ng mahika sa likod na hindi iniinda ng Naga na humahabol sa kanya.

"Tabi," sigaw ni Soliman sa akin.

Saan ako tatabi?

Gumilid ako sa pader upang makadaan siya. Ang iba ay nagbabato ng kanilang kapangyarihan na tanging pader ang tinatamaan dahil sa bilis ng Naga. Pagdaan ni Soliman sa akin ay dumaan rin ang Naga. Hindi ko alam kung bakit inabot ko ang buntot nito. Siguro marahil iyon lang ang abot ko sa kanya. Hinanda ko ang sarili ko sa lakas ng pitik na aabutin ko. Ang paa ko ay matatag na nakaapak.

Isa.

Dalaw.

Tatlo.

Hinila ko ang buntot ng Naga bago pa siya makalayo. Umugong ang malakas na sigaw nito. Hindi nito inaasahan na may pipigil sa kanya.

"Ngayon na," sigaw ni Sidapa.

Si Soliman ay biglang huminto sa pagtakbo at bumato ng mahika. Agad na pumalupot sa Naga ang malalaking sanga at ugat ng puno. Parang paru-paro na magsisimula pa lamang matulog.

Ang latigo na hawak ni Tala ay pumalupot sa nguso ng Naga at napigilan nito ang pagbuga ng apoy. Tuluyang nabalot ng mga ugat ang Naga. Hawak ko pa ang buntot nito. Hindi ko binibitawan ng tuluyan. Hindi ko alam ang gagawin habang si Sidapa, Mayari, Hanan, Tala at Amihan ay pinalibutan ang Naga. Sa ayos nila ay may isang bituin na mabubuo at ang Naga ay nasa gitna.

"Marian, bitawan mo na," wika ni Tala.

Sumunod ako. Binitawan ko ang buntot ng Naga na pumapasagpasag. Lumapit ako kay Jelie at Adarna.

"Ano na ang mangyayari?" tanong ko sa Adarna.

"Hindi ko alam ngunit parang may mali," wika niya.

"Hangal," narinig kong wika ni Amanikable. Nakahalukipkip ito at tumatawa ng bahagya habang nakatingin sa mga kasamahan namin.

Nagsimulang bumigkas ng orasyon ang mga diyos at diyosa. Si Amanikable ay umiiling-iling. Patuloy pa rin sa paggalaw ang buntot ng Naga. Habang bumibilis ang pagbigkas ng orasyon ay mas lalong nagwawala ang buntot ng Naga.

Nawala ang panggiti ni Amanikable at lumapit sa amin.

"Umalis na tayo," wika niya sa akin.

"Tanga ka ba? Hindi pa kami tapos—"

Hindi ko natapos ang pagsusungit at pagtataray ko. Isang apoy ang bumuga galing sa bunganga ng Naga at mabilis na tinupok nito ang mga sanga at ugat ng puno na nakabalot sa kanya.

Napasandal kami sa pader na adobe. Kulay pula ang balat ng Naga. Parang kumunoy ng bulkan na nagngangalit. Nakatayo sa gitna namin ang gali na galit na Naga. Umuusok ang balat nito at may apoy sa bibig.

"Panginoon ko, katapusan na natin," bulong ni Jelie na ngayon ko lang kinakitaan ng takot.

"Susubukan ko muling pigilan. Kaya mo pang patulugin sa awit mo?" tanong ko sa Adarna.

"Hangal ka ba? Mahahawakan mo ang nagbabagang balat niya?" may inis na tanong ni Amanikable sa akin.

"May naiisip kang paraan?" mayayamot kong balik na tanong sa kanya. "Kung mangungutya ka ng mga naiisip namin, magbigay ka ng alternatibong paraan na naiinis mo."

"Tubig ang panglaban sa apoy."

"May nakikita kang tubig dito?" Ang tanga mo naman.

Isang sigaw sa Naga ang kumawala mula rito. Napatakip ng tainga si Jelie. Ang init na binubuga nito ay nakakalapnos kahit hindi kami lumalapit.

"Halika na," yaya ni Aman sa akin.

"Kailangan kong mailigtas ang Ama ko."

"Hindi ninyo matatalo ang Naga ng gan'yan. Umalis na tayo."

Nagmatigas ako. Hindi ako mahihila ni Aman kung hindi ko nanaisin. Hindi kami aalis nang hindi naililigtas si Ama.

"Mauna ka na."

"Mamatay ka," sigaw ni Aman sa akin.

"Ano ngayon sa iyo?" sigaw ko rin sa kanya.

"Hindi ka aalis talaga?"

"Ang usapan ay usapan, Aman. Kapag nailigtas ang Ama ko ay saka ako sasama sa iyo ng kusa. Sa ngayon, huwag mo kaming guluhin."

Akmang aalis ako nang pigilan ako ng balikat ni Aman. Maging ito ay pawis na rin dahil sa init sa lungga na unti-unting papatay sa amin.

"Tumabi ka. Para sa iyo, ako na."

Napanganga si Jelie sa sinabi ni Aman.

"Sidapa, kailangan ko ng lagusan mula sa dagat. Bigyan mo ako ng tubig," sigaw ni Aman kay Sidapa.

Napalingon maging si Amihan sa kanya.

Tama. Tubig.

Tumango si Sidapa kay Aman.

"Game time ulit," bulong ni Jelie sa amin ni Amihan.

"Tumibi kayo, mga binibini. Hintayin ninyo kami doon," tinuro ni Aman ang isang yungib na hindi namin nakita kanina.

"Marian, panoorin mo ako," nakangising wika nito sabay kindat.

"Mayabang talaga," natatawang wika ni Adarna bago ako hinila papunta sa yungib. 

The Book of the Lost LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon