Amanikable
May kaguluhan na nagaganap sa ibabaw ng daigdig. Ilang beses akong pinadalan ng paanyaya ni Sitan ngunit hindi ko pinapansin. Subukan niya akong puntahan sa pusod ng dagat kung nais niya akong kausapin.
Ang unos na nangyayari ngayon ay dala ng aking galit sa panibagong pagkasira ng aking hardin malapit sa Kanluran bahagi ng Maharlika. Namatay ang mga tanim kong kabibe roon dahil sa paghuhukay nila ng langis at pagkuha ng buhangin upang itambak at gawing panibagong isla. Hindi pa ba sapat ang napakaraming isla sa Maharlika?
"Tsino... tsino," ani ng aking heneral.
Ahh, ang pinakagahaman sa lupa na lahi.
"Kung gano'n, lipulin ang lahi nila. Lahat ng nasa nasasakupan ko ay paslangin."
"Lahat?"
"Lahat at yaman rin lang na gahaman sila sa dagat, ipadala ang tubig dagat sa Tsina nang malubog ang mga hangal na tao roon."
Ramdam sa ilalim ang paghampas ng malalaking alon sa itaas. Kung sa lupa ay may kulog at kidlat, dito sa karagatan ay may alon na papantay sa taas ng kanilang mga gusali.
Sa loob ng mahabang panahon, hindi ako nagpakita sa lupa. Gaya ni Sidapa ay mayroon din akong hinanakit sa lahi ng tao ngunit ang diyos ng kamatayan ay mukhang natagpuan ang kapatawaran. Hindi magtatagal ay dadayo sila dito. At alam kong iisa ang pakay nila ni Sitan. Ang tanong, hanggang saan ang kaya nilang languyin upang makausap ako.
Pagkatapos ng unos, payapa muli ang dagat ngunit si Sidapa ay maraming trabaho ngyaon. Ayon sa tala ng aking mga alagad, marami-rami ang nawalang buhay ngayon.
"Magaling," puri ko sa kanila.
Magiging abala si Sidapa pansamantala.
Sa laro ng mga diyos, ang mga tao ang siyang tauhan. Kailangan may ialay upang gumalaw ang buhay. Sa tagal naming nabubuhay, naiinip din kami kung minsan, kaya nga si Sidapa ay kinatatakutan ng mga galang kaluluwa kapag naiinip.
"Aman, may ipinapahatid si Sitan sa iyo. Nais ka raw niyang makausap."
"At pakisabi sa kampon ng kadiliman na inutusan niya na sila ang pumarito. Hindi ako aahon sa dagat kung saan ako ang namumuno," mariing sagot ko.
Sa pinakamalalim na bahagi ng dagat na hindi pa naabot ng tao, naroon ang isang bilangguan. Ilang libong taon na ang nakakaraan ngunit heto pa rin ako— nilalamon ng galit.
Hindi ko ibibigay ang aking bihag.
Kinabukasan, payapa ang dagat at malamig ang tubig. Nakapikit akong pinapakiramdaman ang daloy ng tubig, may naamoy ako sa dagat na nagmumula sa itaas.
Napamulat ako at hinanap ang pinagmulan ng mabangong amoy. Agad itong nawala sa tubig.
Mabilis akong lumangoy sa paligid ng kaharian ngunit pawala-wala ang amoy. Para akong nililigaw na biglang naroroon at pagkatapos ay nawawala.
Kampupot.
Matagal na panahon na nang huli kong maamoy ang halimuyak na iyan at parang isang malaking kahibangan na naamoy ko iyan sa dagat.
Lumangoy ako paitaas at lumakas ang amoy ng bulaklak. Sinundan ko ang agos ng tubig at bigla itong nawala.
Inis ang aking naramdaman at lumangoy ako sa ibabaw. Hangin na kasing lamig ni Sidapa ang umiihip nang lumitaw ako sa dagat. Amihan—
Wala na ang amoy ng bulaklak na nagpaahon bigla sa akin.
"Aman—"
Bigla ay mayroong balsa na lumitaw sa tabi ko. Naroon si Sidapa at isang tao na nagpupumilit maging salamangkero.
"May ginagawa ako."
"Kailangan namin ng tulong—" simul ani Sidapa.
"Wala akong pakialam sa inyo," mabilis na sagot ko.
"Hinahanap namin si Magan—"
"Huwag kang pupunta sa dako na iyan, Sidapa!" sigaw ko rito.
Bigla ang payapang dagat ay naging maalon. Ang salamangkero ay pilit kinakalma ang dagat pagtatapon nito ng mga damo sa paligid ng balsa.
"—da," pagpapatuloy ni Sidapa.
"Hindi ko alam ang sinasabi mo, Sidapa. Umalis ka na sa dagat bago mo pa sunduin ang sarili mo."
"Masusunod. Ngunit paraain mo kami sa susunod na maglalayag ang aming grupo. Kami na ang maghahanap sa kailangan naming hanapin."
"Bakit hindi ka gumawa na lang ng lagusan kung saan ka magaling? Hindi ko maipapangako na hindi kayo kakainin ng mga alaga kong pating. Minsan wala silang makain, alam n'yo na."
"Magandang umaga, kung gano'n Aman. Sana ay matunton mo ang hinahanap mong nakapagpaahon sa iyo mula sa pusod ng dagat. Siya ng apala, may talaba ka na sa tainga sa tagal mong hindi nagpapakita," ani ni Sidapa. Naglaho sila ng kasama niya at naiwan akong mas naiinis kaysa kanina.
Nag-asawa na at lahat, hambog pa rin ang yawa.
Bumalik ako sa ilalim na mas kinasusuklaman ang mga tao dahil sa mga inihagis ng salamngkero kanina sa balsa. Lumubog ang mga ito at ang iilan ay naabutan ko pa sa aking upuan. Isang tuyong talulot ng kampupot.
------
A/N
Kampupot is Sampaguita.
BINABASA MO ANG
The Book of the Lost Love
FantasyAng pakikipagpaligsahan ng mga tao sa alon ay nakakabilib kung minsan. Hindi nila tinitigilan ang paghahanap ng tatalo sa akin, ilang libong taon man ang dumaan. Ngunit ang galit ko sa lahi nila, magdaan man ang maraming taon ay hindi mabubura. Sa p...