Marian
Naiinis ako sa pasipol-sipol na si Amanikable. Gusto kong suntukin sa nguso upang tumigil ngunit magtatagal na naman kami at mahabang sigawan na naman ang mangyayari.
Nakagitna siya sa amin, nasa tabi ko kadalasan.
Sa pagpasok namin sa bulkan ng Kanlaon, hindi ko maiwasang hindi humanga. Isa ito sa aktibong bulkan sa Pilipinas. Akala ko ay pagpasok namin ay bukana na agad na bubungad ang kumukulong putik at nagliliyab na apoy ngunit wala... mga malalaking bato ang kailangan naming lakaran pababa.
Patuloy sa pagsipol si Amanikable at hindi na ako nakatiis. Nagsalita na ako na ikinatawa ni Jelie.
"Tumigil ka nga," angil ko kay Amanikable. "Para kang kuhol na laging nakanguso."
"Naiinis ka?" nanunuyang tanong nito.
"Sa kabilang banda, natutuwa ako," pabalang na sagot ko. "Malapit na kitang ikayod sa mga adobe"
Maging ang iba ay natawa. Masayahin talaga ang pangkat na ito.
"Bakit ka sumama sa mga walang kwentang mga nilalang na ito?"
"Malapit na akong maubusan ng pang-unawa," wika ni Zandro sa unang pagkakataon.
"At ano ang gagawin mo?" mayabang na tanong ni Amanikable.
"Gagawing ka naming daing. Yung butterfly cut pero sa tiyan ka hihiwain," sabat ni Jelie. Hindi siya pinansin ni Aman.
"Sarili mo ang isinisiksik mo dito. Hindi ka namin kailangan."
"Maaring kailanganin mo ako."
"The nerve talaga..." sabat muli ni Jelie.
"Hindi ko nga alam na nabubuhay ka sa mahabang panahon na nabuhay ako. Bakit kita kakailanganin?" mapaklang tanong ko. Mabilis akong naglakad, nilagpasan ko si Jake at si Anya ngunit umagapay sa akin si Aman.
"Maganda—"
Napahinto ako sa paglalakad at nilingon ko ang gagong ito.
"Marian ang pangalan ko. Alam kong matanda ka na at makakalimutin ngunit kung kailangan kong iukit sa noo mo ang pangalan ko para matandaan mo ay gagawin ko huwag mo lang akong tawagin sa ngalan ng aking ina."
Nawala ang ngisi ni Amanikable habang nakatingin sa poot na nasa aking mukha.
"Ano ba kasi ang mahirap sa hinihingi niya?" tanong ni Hanan habang dumaraan silang magkakapatid kasunod si Soliman na napag-alaman kong pinuno ng Biringan.
"Sadyang puno ka ng hangin sa katawan," ani rin ni Amihan.
"Hindi ko lang maunawaan kung paano nagkaanak si Maganda—"
"Nag-sex sila ni Malakas," sabat muli ni Jelie. "Magdamag hanggang umaga, sa talahiban sa talampas, overlooking sa dagat."
"Bakit mo alam?" natatawang tanong ni Jake.
Nagsimula na muli akong naglakad. Umagapay muli si Aman sa akin.
"Nakilala mo siya? Nakita mo? Nakasama?"
"Hindi."
"Paano ka nabuhay ng mahabang panahon, kung gano'n?"
Hindi ko siya sinagot. Akala ko ay mananahimik na ngunit nagpatuloy na naman siya sa pagsipol. Naiirita akong sinuntok sa nguso si Aman. Nabigla ito, nagbila maging ako dahil sumaksad siya sa pader na bato at walang tumulong sa kanya. Oo, napahinto kami muli sa paglalakad at napatingin ang lahat sa amin ni Aman. May galit siya sa mga mata nang tumingin sa akin at bumangon mula sa pagkakasadlak.
"Tumigil ka ng magsalita. Tumigil ka sa kakatanong. Hindi tayo magkaibigan, kalaban ka namin. Tigilan mo ako, Amanikable. Hindi ako ang nanay ko. Hindi ako!"
"Sa lahat ng diyos na nakilala ako, ikaw ang pinakamagaspang ang ugali." Walang ngiting nagpatuloy si Jelie sa paglalakad.
"Nabubulagan ka lang kay Sidapa," ani ni Aman. Nasa likod ko na ito at sumusunod na naman sa akin.
"Whatever."
Para kaming pababa nang pababa sa yungib at nagsisimula ng uminit ang paligid. Dumidilim ang nilalakaran namin at tanging ang apoy na galing sa Jake ang ilaw namin. Wala pa ang dragon na sinasabi nil ana tinatawag na Naga. Hindi pa ito nagpaparamdam at hindi ko rin alam kung ano ang iisipin na itsura nito.
Naging tahimik na ang paglalakad namin. Hindi na muling nagsalita si Amanikable ngunit ramdam ko ang galit niya.
Pakialam ko!
Ilang oras na kaming naglalakad nang makaramdam ng pagod si Jelie.
"Guys, pahinga muna tayo."
Huminto naman ang mga kasama namin at nagsiupo sa mga nag-uslian malalaking bato sa paligid. Naglabas ng mga pagkain sila Jelie, Amihan at Anya. Kumalam ng malakas ang sikmura ko. Sa sobrang lakas, pati si Aman ay napatingin sa akin.
"Patay, mukhang kukulangin," wika ni Jelie.
Inabutan ako ng tinapay ni Anya. Nilabas ko naman ang tubig na pabaon ni Marikit sa akin. Sinubo kong lahat ang tinapay at saka nginuya. Tama si Jelie, kulang nga. Kumakalam pa rin ang sikmura ko.
"Marian, gusto mo pa?" tanong ni Anya sa akin.
"Nakakain na ba ang lahat?"
"Kainin mo na ang para sa akin," wika ni Amanikable.
Parang kabayong humalinghing si Jelie. "Wala kang parte, kapal ng mukha mo."
Inabutan ako ng isa pang balok ng tinapay ni Anya. "Hindi kumakain si Sidapa."
"Paano siya nabubuhay?" wala sa aloob na tanong ko naman.
"Sa pagmamahal ko," nagbibirong sagot ni Jelie.
"Kinikilabutan ako," walang ganang wika ni Bunao.
"Baka natatae ka," pabalang namang sagot ni Jelie.
Sari-saring reklamo ang inabot ni Jelie mula sa mga kabigan niya. Nangingiti naman akong nakikinig sa kanila. Ayos n asana, kaya lang nakita kong nakatitig si Amanikable sa akin. Nawala ang ngiti ko at napalitan muli ng pagkayamot.
BINABASA MO ANG
The Book of the Lost Love
FantasyAng pakikipagpaligsahan ng mga tao sa alon ay nakakabilib kung minsan. Hindi nila tinitigilan ang paghahanap ng tatalo sa akin, ilang libong taon man ang dumaan. Ngunit ang galit ko sa lahi nila, magdaan man ang maraming taon ay hindi mabubura. Sa p...