Marian
Nagising ako kinabukasan na naamoy ang malansang isda at naririnig ang tinamsik ng mantika.
"Gising ka na pala," bati ni Amanikable paglabas ko ng kubo. "Nagluluto ako ng isda—"
"Nangangati ako sa lamang dagat," mabilis na sagot ko. "Namamantal lang ako."
"Bakit 'di mo sinabi? Nakaluto na ako—"
"Nagtanong ka ba?" Siya pa ang may ganang magalit sa ganitong kaaga.
"Mag-okra ka na lang. Kahit bagoong—"
"Basta galing sa dagat," putol ko sa sasabihin niya. Gusto kong idugtong 'Pati ikaw' pero baka tuluyang magwala ito dito.
"Hindi ako kumakain ng okra. Madulas," wika ko na ikinaliit na ng mga mata niya. Alanganin ang itsura ni Amanikable sa maliit na kusina. Nagmukhang laruan ang sanse na hawak nito at ang maitim na kawali. "Magkakape muna ako."
Hindi na muling nagsalita si Amanikable.
Naupo ako sa upuang kawayan sa labas ng kubo. Payapa ang paligid, naririnig ang hampas ng alon mula sa dalampasigan. Natatanaw ko rin ang mga ito ngunit hindi nito napayapa ang panghihinayang ko dahil sa nangyari kahapon.
"Nalulungkot ka pa rin." Minabuti ni Amanikable na gambalain ang pananahimik ko sa paghahain ng pagkain niya sa mesa na nasa harapan ko.
"Dapat ba akong matuwa?"
Mapakla itong tumawa. "Balik ka na naman sa magaspang mong pagsagot. Mas gusto mo bang magkapikunan tayo kaysa mag-usap ng maayos?"
Bumuntong hininga ako at inagaw ang tabagan ng kanin. Nagsimula akong sumubo ng mainit na kanin at ang nilagang talong.
"Sa susunod baka naman pwedeng manok sa umaga o kahit itlog na lang," mapaklang wika ko.
Naubos ko ang kanin kahit talong lang ang ulam. Maasim ang mukha ni Amanikable nang hindi ko na ibinalik sa gitna ng mesa ang tabagan. Sa sobrang busog ko, nakuha ko pang dumighay.
"Walang ano man," mapaklang wika nito. Kinuha nito ang tabagan sa harapan ko at nagligpit.
Ako naman ay nagpunta sa poso at naghugas ng kamay. Bumalik ako sa upuan ko kanina at tumanaw muli sa dagat. At muli ay ginambala ako ng presensya ni Amanikable.
"Ano ang una mong sasabihin sa Ama mo kapag nakita mo na siya?" tanong nito na pumutol sa daloy ng isip ko.
"Itatanong ko kung bakit ako naiwan mag-isa? Bakit siya nakulong? Bakit namatay si Ina?"
"Paano kung hindi ka niya makilala?"
Parang tanga naming kausap itong si Amanikable. "Sa tingin mo malilimutan ni Ama ang mukha ni Ina?" balik na tanong ko.
"Hindi," umiiling-iling na sagot nito.
"Siguro naman sapat na iyon na kasagutan sa medyo tangang tanong mo."
Ngumisi siya. "Paano kung kagaya ko siyang inakala kang si Maganda? Hindi tanga ang tanong ko, hindi ka lang nag-isip ng malalim."
May punto siya.
"Paano kung sabihin kong matutulungan kita? Ano ang kapalit?" Nawala na ang ngisi nito at napalitan ng seryosong mukha.
"Bakit ba lahat s aiyo ay may kapalit?"
Nagkibit balikat si Amanikable. "Hindi na ako gumagawa ngayon ng libre. Hindi naman kayo marunong magpasalamat. Utang na loob ko pa nga minsan na tumulong ako."
Hindi ako nakakibo. Ang laki yata ng galit nito sa mundo.
"Pag-isipan mo," ani niya at iniwan ako na nakamaang.
"Saan ka pupunta?" angil ko sa kawalan ng masabi.
"Mangangaso. Hindi ka kumakain ng isda eh."
Iniwan nga ako ni Amanikable na mag-isa.
Alam kaya nito kung nasaan si Ama? Bakit ako magtitiwala rito? Saka bakit ba siya nandito?
Ganoo ko kagustong makausap si Ama? Sapat ba ang pagnanais na iypn upang magtiwala ako sa tusong Diyos ng Karagatan?
"Nakapag-isip ka na?" Naputol na naman ang pananahimik ko ng dumating si Amanikable na may dalang mga kahayupan.
"Ang dami naman niyan!" angal ko dito. Kawawa ang kuneho na magkadikit pa. Naglalandian yata ang mga ito nang mahuli.
"Malay ko kung ano ang hindi mo kinakain. Sa lahat ng malakas kumain, ikaw ang mapili." Hinagis nito sa paanan ko ang mga nahuling pabo, manok, kuneho at baboy damo. "Iluto mo ang nais mo."
Ako pa daw ang magluluto! Tampalasan.
"Sa akin lang ang iluluto ko," sigaw ko sa papalayong si Amanikable. Papunta ito sa dagat.
"Kumakain ako ng hilaw," sagot niya. Tumalon siya sa paparating na alon.
Hindi ko naman napapansin kung paano maunat ang mga laman-laman niya habang lumalangoy.
Siokoy!
Wala akong nagawa kung hindi linisin lahat ng nahuli niya. Masisira ang mga ito, saying lang.
Habang nagpapaapoy ako ng gatong, bumalik na naman sa isip ko ang mahalagang tanong, Ganoo ko kagustong makausap si Ama?
Tahimik si Amanikable na umahon sa dagat nang makaluto ako. Sumalo siya sa akin s apagkain kahit hindi ko inaalok.
Mapasok sana ang lalamunan ng sabaw.
Habang kumakain kami ay may lagusan na nagbukas at lumabas ang pangkat nila Sidapa.
"Marian..." bati nila sa akin.
"Ayos ka lamang ba?" tanong ng Adarna.
"Nag-alala kami," wika ni Jelie.
"Kaya pala tanghali n'yo nang naisipan siyang puntahan," parinig ni Amanikable bago sumubo ng kanin. Mabilis siyang tinitigan ng masama ni Jelie.
"Hindi ikaw ang kausap!"
"Nagsasalita ang kuneho," mabilis na sagot ni Amanikable ng pabalang kay Jelie.
"May ginawa bang masama s aiyo si Amanikable?" mapaklang tanong ni Jelie habang nakamasid lamang si Sidapa, Jake, Apolaki at Bunao sa akin.
"Mukha ba siyang nagawan ng masama eh ang dami ng nakain?"
Natawa ako ng bahagya. "Bakit kayo naparito?" pag-iiba ko sa usapan.
"Ano kasi..." Tumabi si Jelie sa akin. "Napag-usapan ng tatlong Diwata na mag-iba ng plano. Dahil sa walang clue kung nasaan si Malakas, ibang direction na ang pupuntahan naming para mahanap si Bathala. Pinapasabi lang nila."
Bigla ay pumait ang panlasa ko at nawalan ako ng ganang kumain. Itinulak ko ang pinggan ko na may laman pang kanin.
"Pero hindi ibig sabihin ay hindi ka na namin tutulungan hanapin si Malakas," bawi ni Jelie. "Tutulungan ka pa rin naming, pagkatapos naming mahanap si Bathala."
"Naisip ninyo iyon dahil mas malakas na kasama si Apolaki kaysa kay Marian, hindi ba?" panunuya ni Amanikable.
"Tumahimik ka!" babala ni Apolaki kay Amanikable.
"Umalis na kayo kung wala kayong maitutulong." Ipinagtabuyan ni Amanikable ang ang panauhin. Ako naman ay tuluyan ng nawalan ng ganang kumain at hindi na kumibo hanggang sa makaalis sila.
Hindi ko akalain na may mas bibigat pa sa naramdaman ko kahapon.
"Kumain ka na," ani ni Amanikable. "Gano'n talaga sila kaya hindi ako nakikisama. Kung may gusto kang makamit, gawin mong mag-isa. Iyan ang laro ng mga diyos."
"Ano ang kapalit ng tulong mo sa paghahanap kay Ama?"
Natigil sa pagsubo ng hita ng manok si Amanikable. Natingin siya sa mga mata kong tatakasan na ng mga luha.
"Mahal, Marian... kaya pag-isipan mo," sagot niya ng makabawi sa pagkakabigla sa tanong ko. Nagpatuloy siya sa pagkain na parang walang nangyari.
Marahil ay sanay na siyang mabigo ng mga tao at diyos na pinagkatiwalaan niya.
BINABASA MO ANG
The Book of the Lost Love
FantasyAng pakikipagpaligsahan ng mga tao sa alon ay nakakabilib kung minsan. Hindi nila tinitigilan ang paghahanap ng tatalo sa akin, ilang libong taon man ang dumaan. Ngunit ang galit ko sa lahi nila, magdaan man ang maraming taon ay hindi mabubura. Sa p...