Nagulo ang buong kaharian sa kalagayan ni Haring Fernando. Isang
Medico ang nagpayo sa hari kung ano ang kalutasan ng kanyang karamdaman.
Anu-ano ang nangyari kay Don Pedro?
Nang sa Haring mapakinggan
Ang hatol ng kagamutan,
Kapagdaka’y inutusan
Ang anak niyang panganay.
Si Don Pedro’y tumalima
Sa utos ng Haring ama,
Iginayak kapagdaka
Kabayong sasakyan niya.
Yumao nang nasa-hagap
Kabundukan ay matahak,
Kahit siya mapahamak
Makuha lamang ang lunas.
Mahigit na tatlong buwang
Binagtas ang kaparangan,
Hirap ay di ano lamang
Sa haba na nang nalakbay.
Isang landas ang nakita
Mataas na pasalunga,
Inakyat ng buong sigla
Katawan may ay pata na.
Sa masamang kapalaran
Hindi sukat na asahan,
Nang sumapit sa ibabaw
Kabayo niya’y namatay.
Di ano ang gagawin pa’y
Wala nang masasakyan siya,
dala-dalaha’y kinuha’t
sa bundok ay naglakad na.
Sa masamang kapalaran
Ang Prinsipe’y nakatagal,
Narating ding mahinusay
Ang Tabor na kabundukan.
May namasdang punongkahoy
Mga sanga’y mayamungmong.
Sa nagtubong naroroo’y
Bukod-tangi yaong dahon.
Maganda’t kumikinang
Diyamante yaong kabagay,
Pag hinahagkan ng araw
Sa mata’y nakakasilaw.
Sa kanyang pagkabighani
Sa sarili ay niyaring doon na muna lumagi
Nang pagod ay mapawi.
Habang siya’y naglilibang
biglang pasok sa isipang
baka yaon na ang bahay
ng Adarnang kanyang pakay.
Takipsilim nang sumapit
Sa itaas ay namasid,
Daming ibong lumiligpit,
Kawan-kawa’t umaawit.
Bawat ibong dumaraa’y
Walang hindi itatanaw,
Nais niyang mahulaan
Ang sa kahoy ay may-bahay.
Ngunit kahit anong lungkot
Inaaliw rin ang loob
Sa kahoy ay nanubok,
Baka anya may matulog.
Patuloy ang paglalayag
Ng buwan sa alapaap,
Sa dahon ng Piedras Platas
Ay lalong nagpapakintab.
Datapwat wala, walang ibong
Makita sa punungkahoy,
Kaluskos na umuugong
Daho’t sangang umuugoy.
Pagkabigo’t pagtataka’y
Kapwa nagbibigay-dusa,
Hanggang pati ng pag-asa
Sa sarili’y nawala na.
Natira sa pamamanglaw
At inip ng kalooban,
Yamang walang hinihintay
Mamahinga ang mainam.
Magparaan ng magdamag
Sa umaga lumakad,
Pagod kasi, kaya agad
Nagulaylay nang panatag.
Tila naman isang tukso’t
Kasawian ni Don Pedro
Ang Adanang may engkanto
Dumating nang di naino.
Ibo’y marahang lumapag
Sa sanga ng Piedras Platas
Balahibo’y pinangulag
Nagbihis na ng magilas.
Sinimulan ang pagkanta
Awit ay kaaya-aya,
Kabundukang tahimik na
Ay matalik sa ligaya.
At lalo pang pinatamis
Ang sa Adarnang pag-awit,
Bawat kanta’y isang bihis
Ng balahibong marikit.
Pitong kanta ang ginawa’t
Pitong bihis na magara,
Natapos na tuwang-tuwa’t
Ang langit pa’y tiningala.
Ang lahat nga’y di napansin
Ng Prinsipeng nagupiling,
Sa pagtulog na mahimbing,
Patay wari ang kalambing.
Ugali nitong Adarna
Matapos ang kanyang kanta,
Ang siya’y magbawas muna
Bago matulog sa sanga.
Wala isa mang dumapo
Pagkatapat ay lumalayo,
Mano bagang marahuyong
Sa sanga muna’y maglaro.
May maghagis man ng tingin
Saglit mang kung mag-aliw,
Sa lipad ay nagtutulin,
Parang ayaw ng mapansin.
Latag na ang kadiliman,
Ang langit kung masaya man,
Ang lungkot sa kabundukan
Kay Don Pedro’y pumapatay.
Sa masamang kapalaran
Si Don Pedro’y natakpan
Biglang nagging batong-buhay
Sa punong kinasandalan.
Wala na nga si Don Pedro’t
Sa Tabor ay nagging bato:
At sa di pagdating nito
Ang Berbanya ay nagulo