Luno na ang katawan ni Don Juan sa bugbog, masasakit ang sugat na tinamo at higit sa lahat durog ang puso sa sama ng loob. Ipinaubaya na lamang niya ang sarili sa Diyos.
Sino ang dumating?
Muli siyang nanalangin
sa Inang Mahal na Birhen,
Luha'y agos ang kahambing
sa matang nangulimlim.
Diyos nga'y di natutulog
at ang tao'y sinusubok;
ang sarili'y sinusunog!
Ang banal ay kinukopkop!
Maging isang katunayan
ng ganitong kasabihan,
ang pagdinig sa matamang
pagdalangin ni Don Juan.
Sa labis ng isang bundok
may matandang sa-susulpot
mahina't uugud-ugod
sa Prinsipe ay dumulog.
Paglapit ay hinawakan,
tinignan ang kalagayan,
saka kanyang dahan-dahang
inhiga ng nang mahusay.
Ang salanta ay nalamog
ang katawan ay hinagod;
sugat at lamang nalasog
pinaglalagyan ng gamot.
Samantalang ginagawa
ang magandang kawanggawa
kay Don Juan ang matanda
ay masuyong nagsalita.
'O,Prinsipe,pagtiisan
ang madla mong kahirapan,
di na maglalaong araw
ang ginhawa ay kakamtan.'
Parang isang panaginip
ang nangyari ay maysakit,
noondin ay nakatindig
dating lakas ay nagbalik.
Ang sarili ay minalas
bakas ma'y wala ang sugat,
naayos ang butong linsad,
kiyas niya'y walang bawas.
Di masukat ang paghanga
sa nakitang talingha't
ang sarili ay nawikang:
'Tila Diyos ang matanda.'
Kung hindi naman,ay totoong
himala ang Diyos na ito
ang pakita nga sa tao't
ng ang loob ay magbago.
Saka makailang saglit
ang matanda ay lumapit,
yumapos nang buong higpit
at ang wikang nananangis:
"Utang ko ang iyong habag
ang buhay kong di nautas,
ano kaya ang marapat
iganti ang abang palad?"
Ang matanda ay tumugon:
"Kawanggawa'y hindi gayon
kundi iya'y isang layon
ang dumayay walang gugol.
Saka iyang kawanggawa
na sa diyos ang tadhana
di puhunang magagawa
nang sa yama'y magpasasa.
"Huwag tayong mamantungan
sa ugaling di mainam,
na kaya lamang dumaramay
ay ng upang madamayan.
"Lalong banal na tunkulin
nasa dusa'y tangkilikin;
sa mundo ang buhay nati'y
parang nagdaraang hangin!
"Don Jua'y di ko hangad
tapusin ang pag-uusap,
ngunit yaong isahagap
ang ama mong nilalayag.
"Malaon nanag nanaginip
sa hindi mo pagbalik
karamdama'y lumalawig
baka di na makatawid.
"Kaya nga magmadali ka
ng pag-uwi sa Berbanya,
ikaw lamang ang lagi nang
pangarap ng iyong ama,"
Ang dalawa ay nagkamay
bago sila naghiwalay:
matanda'y sa kabunduka't
sa Berbanya si Don Juan.