Sa tulong ng engkantadong lobo, lumakas si Don Juan at nakalabas sa mahiwagang balon.
Punung-puno ng hinagpis si Leonora.
Samantalang si Don Jua’y
patungo sa delos Crystal
si Leonorang matimtiman
araw-gabi’y nalulumbay.
Araw gabi’y tumatangis
Sa kinalalagyang silid
Walang laging nasasambit
Kundi si Don Juang ibig.
O. kasi, aking buhay
lunas nitong dusa’t lumbay
ano’t di ka dumaratal
ikaw kaya’y napasaan?
“Hindi ka na nabalisa,
Gayong ako’y nasa dusa,
walang gabi at umagang
di ikaw ang aking pita.
“Ano’t iyong natitiis
ako, sa ganitong sakit
di ba’t ikaw, aking ibig
ang aliw ko kung may hapis ?
“Di ba tunay, aking giliw
Pangako mong walang maliw
ako’y iyong mamahalin,
ano ngayo’y di mo tupdin?
“Pitong taong pag-iisa
hinihingi sa iyong ama,
upang kung dumating ka
mabihis mo yaring dusa.
“Pagkat di ko matanggap
Makasal sa hindi liyag,
Buhay man ay mautas
Pagsinta ko’y iyong hawak.
“Kung narito ka, Don Juan
Makikita yaring lagay,
Ang dibdib mo kahit bakal
Nadudurog din sa lumbay.
“Bakit nga ba hindi, irog
Lalo pa kung matatalos,
Ang hinagpis at himutok
Kayakap ko sa pagtulog.
“Ayaw akong bigyang laya’t
munting ako’y mapayapa
panabay nang mayro’ng iwa
sa dibdib ko, puso’t diwa.
“Iwang pagkaaantak-antak
may mabagsik na kamandag.
Kamandag na umuutas
sa buhay kong kulang palad.
“Kaya lamang di mapatay
Yaring mahina kong buhay,
Ay pananggol kong matibay
Ang pagsinta mong dalisay.
“Pag-asa ko, aking giliw
buhay ka at darating din,
darating ka at hahanguin
si Leonora sa hilahil.
“Pagkat kung di ka binuhay
Ng lobo kong pinawalan,
Kaluluwa mo man lamang
sana sa aki’y dumalaw.”
Pananaghoy ni Leonora
panong maririnig baga,
si Don Jua’y malayo na’t
din na siya alaala.