Sa hagdanan, itong ahas
Pati ulo’y nangagtaas,
mga mata’y nandidilat
tiyak na may hinahanap.
Pagalit na nagsalita:
“Dito ay amoy manusya,
Leonora, bakit kaya
may tao’y ikinaila?”
Dinaluhong ng Prinsipe
ng espada ang Serpyente,
kasabay ang pagsasabing:
“Ang buhay mo’y mapuputi!”
“Sagot ng Serpyente’y ito:
“Iyan ang hinahanap ko,
magsisi ka at totoong
makikitil ang buhay mo.”
Ang dalawa ay naglaban
nagtagpo ang kapwa tapang,
subalit sa kaliksihan
namayani si Don Juan.
Kaya’t hindi nga nalingkis
Ang Serpyente’y nadaraig,
tuwing sila’y maglalapit
ang espada’y parang lintik.
Mga sugat sa katawan
ng ahas ay walang patlang,
patuloy rin sa paglaba’t
parang walang kapansanan.
Yaong nakapagtataka
galing nitong dinadala,
ulong putlin ng espada
buhay ri’t nasusugpong pa.
Kaya’t mahirap mapatay
kahit sinong makalaban,
kung wala ring kalaruang
enkantong kabagsikan.
Ibig-ibig nang masindak
ni Don Juang walang gulat,
pagkat kung tignan ang ahas
nag-iibayo ang dahas.
Anhin man niyang malasin
ahas na ibig patayin,
may buhay na sapin-sapi’t
di na yata makikitil.
Dito na siya tumawag
sa Diyos, Haring Mataas,
sa kabaka niyang ahas
huwag nawang mapahamak.
Di man niya maigupo
huwag siyang masiphayo,
ni matigisan ng dugo’t
pagkatao’y maitayo.
Mataimtim palibhasa
ang pag tawag kay Bathala,
sindak niya ay nawala’t
katapangan ay lumubha.
Noon din ay naramdamang
nawala ang kanyang pagal,
para bagang bago lamang
sa ahas ay lumalaban.