Muling nagkasundo ang magkakapatid. Maligaya silang namuhay sa bundok ng armenya.
Pumasok ang magkakapatid sa loob ng bundok sa paghahangad na makatuklas ng kakaibang bagay.
Noon din nga ay lumakad
bagaman tanghaling tapat
araw’y pagkatingkad-tingkad
nakapapaso sa balat.
Inakyat ang kabatuhan
nang dumating sa ibabaw,
sa gitna nang kasabikan
ay may balong natagpuan
Balo’y lubhang nakaakit
sa kanilalang pagmamasid,
malalim ay walang tubig,
sa ibabaw ay may lubid.
Ang lalo pang pinagtakha’y
ang nakitang kalinisan,
walang damo’t mga sukal
gayong ligid ng halaman.
Ang bunganga ay makinis
batong marmol na nilalik,
mga lumot sa paligid
mga gintong nakaukit
Kaya mahirap sabihing
bato’y walang nag-aangkin
ngunit saan man tumingin
walang bahay na mapansin.
Si Don Juan ay nagwika:
‘‘Balong ito’y may hiwaga,
ang mabuting gawin kaya’y
lusungi’t nang maunawa.
‘‘Ngayon din ako’y talian
ihugos nang dahan-dahan,
tali’y huwag bibitawan
hanggang di ko tinatantang.’’
Wika naman ni Don Diego:
‘‘Ako’y matanda sa iyo ,
kaya marapat ay ako
ang ihugos muna ninyo.
‘‘Ako ang siyang tatarok
ang hangganan kung maabot
at doo’y may matatalos,
malalaman ninyong lubos.’’
Si Don Pedro ay humadlang:
‘‘Wala ka ring karapatan,
pagkat ako ang panganay,
nasa akin ang katwiran.’’
‘‘Kung gayon,’’anang dawalawa,
‘‘ikaw ang siyang mauna,
kami nama’y bahala nang
sa balita mo umasa.’’
Nang ihugos ay nagbiling
ang hawak ay pagbutihin,
at sa oras na tantangin,
sa ibabaw ay batakin.
Tatlumpong dipa lamang
ang nalusong ng panganay,
lubid agad nang tinantang,
nang umaho’y nananamlay.
Tanong agad ng dalawa:
‘‘Narating mo ba ang hangga?
Ano roon ang nakita’t
pamumutla mo’y ganyan na?’’
‘‘Hintay muna, hintay kayo’t
magpuputok ang dibdib ko...
makahingang makaikatlo’y
nagsalaysay ng ganito:
‘‘O, hindi ko natagalan
ang dilim na bumalabal
sa sindak at katakutan
para akong sinasakal!’’
Si Don Diego ay sumunod
nilakasan man ang loob,
nagbalik din at natakot
sa lalim na di matarok.
Sa amin ay ibinalita
kung tapos ang hiwaga
sumagot ding namumutla
ng:‘‘Ewan ko...Wala,wala.
‘‘Sa ilalim na walang hanggan
ang takot ko ay umiral
at kung doon ay nagtagal
mapapatid yaring buhay.’’
Sa ganitong pangyayari
itong bunso’y di makali,
paniwala ang sariling
walang hindi mangyayari.
Nagtali na niyong lubid
at sa bato’y napasilid,
ang baon sa puso’t dibdib
humanda sa masasapit.
Patuloy ang paghuhugos
si Don Jua’y walang takot,
maging noon mang masapot
ng dilim na parang kumot.
Malalim na ang narating
ang lubid ay hugos pa rin,
si Don Pedro’y naiiling!
si Don Diego’y naninimdim!
Naiiling si Don Pedro
sa kainipang totoo;
naninimdim si Don Diego’t
ang kapatid kung napano.
Samantala’y si Don Juan
sa sindak ay lumalaban,
pinipilit magkailaw
ang mata sa kadiliman.
Habang siya’y lumulubog
lalong ayaw na matakot
matibay sa kanyang loob
na ang lihim ay matalos.
Sa sarili’y nawiwikang;
“Ano’t akin pang ninasa
na tuklasin ang hiwaga
kung hindi rin magagawa?
“Anuman ang kasapitan
ito’y di ko uurungan,
ang malaking kabiguan
ay bunga ng karuwagan.
“Nasimulan nang gawain
ang marapat ay tapusin,
sa gawang pabimbin-bimbin
wala tayong mararating.”