Nang maramdaman kong lumalaki na ang mga patak ng ulan mula sa kaninang ambon lang ay agad akong nagmadali sa paglalakad. Kasabay ng mabilis na pagpatak nito ay ang malakas na hanging nanunuot sa aking katawan. Kung bakit ba naman kasi nakalimutan kong ipasok kanina sa aking backpack ang jacket na madalas kong bitbit, hindi na nga ako nagdadala ng payong, yung jacket kinalimutan ko pa. Alam ko namang madalas ang pag-ulan ngayon. Luminga-linga ako upang maghanap ng masisilungan dahil natatantiya kong lalakas pa ang buhos ng ulan. Nadako ang mga mata ko sa isang maliit na restaurant na may pangalang Chilis And Cream. Mula sa labas ay sinilip ko ang loob nito. Hindi gaanong marami ang tao. Nagdesisyon akong dito na makisilong at makapagkape.
Nang buksan ko ang pinto'y tumunog ang maliit na kalembang na nakasabit sa itaas ng pinto, inanunsiyo ang aking pagdating. Aroma ng kape ang agad na sumalubong sa aking pagpasok. Tila gusto kong mapapikit sa bangong dulot nito. Hindi ko napigilan ang mapangiti. Iniligid ko ang aking mata upang pagmasdan ang kabuuan ng restaurant, mas cozy ang hitsura ng loob nito kumpara ng silipin ko ito kanina sa labas. Marahil dulot ng basa kong damit, bahagya akong nilamig ng maramdaman ko ang buga ng aircon sa aking katawan. Agad akong naghanap ng mauupuan. Tamang-tama naman sa gilid malapit sa pintuan ay may bakanteng mesa pangdalawahan. Agad kong tinungo ito at naupo. \
"Good Afternoon sir." Nakangiting bati ng isang balingkinitang babae sa akin. Lucy. Ito ang pangalang naka-pin sa kanyang suot na uniporme.
"Good Afternoon." Nakangiti ko ring bati sa babae.
"Inabutan kayo ng ulan Sir?" Aniya may bakas ng pag-aalala.
"Oo nga eh." Nakangiti kong sagot. "Kaya kelangan ko ng kape, mainit na kape."
"Tamang-tama po. Masarap po ang kape namin dito." Pagmamalaki niya.
"Ano ba ang mairerekomenda mo, Lucy?" Tanong ko sa kanya.
Nangiti siya ng marinig niyang banggitin ko ang kanyang pangalan. Iniabot niya sa akin ang menu. "Caffé Latte or Caramel Macchiato po ang special namin dito."
"Sige bigyan mo ako ng caffé latte at strawberry shortcake."
"Sure sir. Anything else?"
"That's it."
"Caffé latte and strawberry shortcake coming up." Nakangiti niyang kumpirmasyon sabay talikod.
Palakad palayo na si Lucy ng muli ko siyang tawagin. Bigla kasing nagbago ang isip ko. "I'll have Caramel Macchiato instead."
"No problem sir, Caramel macchiato it is then." Nakangiti niyang pagbe-verify.
"Oo. Thank you." Nakangiti kong sagot. Muling tumalikod si Lucy at lumakad palayo. Hindi ko maikakailang maganda ang hubog ng kanyang likuran. Pinagmasdan ko siyang maglakad hanggang mawala siya sa aking paningin.
Ilang sandali pa ay dumating na siya dala ang inorder kong kape at cake. Nakangiti niyang inilapag ito sa aking harapan. Hindi ko naiwasang mamasdan ang mapupula niyang mga labi at ang maputi niyang mga ngipin. "Thank you."
"Enjoy sir." Ani Lucy. "Just call me if you need anything sir, I'll be just right there." Aniya sabay turo sa gilid.
Tumango ako pagkaraa'y nakita ko ng naglakad palayo si Lucy sa akin. Pinagmasdan ko muna ang kapeng inorder ko sabay angat upang langhapin ang aroma nito. At sa aromang iyon ay bigla kitang naalala Gail. Natatandaan kong Caramel Macchiato ang paborito mo.
Isang taon na rin pala ng magkahiwalay tayo. Ngunit hindi ko pa rin makalimutan ang araw na iyon. Tandang-tanda ko pa halos lahat ng mga sinabi mo. Ang hitsura mo at ang kulay ng damit na suot mo. Pati na rin ang huling paghawak mo sa aking kamay tila ramdam ko pa rin. At kahit lumipas na ang araw na yon ay ramdam ko pa rin ang sakit. Dahil siguro mahal na pa rin kita.
Ngunit di tulad nang sa ngayon. Tama nga ang sabi nila. Time heal all wounds. Maaaring naaalala ko pa rin ang iyong mga ngiti. Ang tunog ng tawa mo at ang pakiramdam ng pagyakap mo, pero ang pakiramdam ay hindi na tulad ng dati. Ngayon ay hindi na ako nasasaktan hindi tulad noon na pakiramdam ko'y hindi ko kayang mabuhay ng wala ka. Bigla akong natawa sa sarili sa isiping 'yon. Totoong hindi kita makakalimutan. Lagi kitang maaalala. Gail, you will always be my caramel macchiato, warm and beautiful. But I am okay now. At sinimulan kong higupin ang kape na siyang nagbigay init sa aking katawan.
Ilang minuto rin ang lumipas bago ko ito naubos. Pagkababa ko ng tasa ay muli kong tinawag si Lucy para sa bill. Agad naman itong lumapit sa akin. Saglit na nagtagpo ang aming mga mata bago siya nagsalita. Tila may kung ano sa kanyang mga titig na nagpaiba sa aking desisyon. At ang kanyang mga mata, maikukumpara ko sa ibang timpla ng kape. Itim at puro. "Masarap ba talaga ang inyong caffé latte."
"Highly recommended ko sir. Binabalik-balikan po yan ng mga customers namin."
"Ganon ba? Ibig sabihin mapapadalas ako dito dahil sa caffé latte?" Pabiro kong tanong.
"Opo sir." Nakangiti pa rin niyang sagot.
"Kung ganoon, wag mo na akong tawaging sir. Just call me Chad." Nakangiti kong sabi sabay abot ng aking kamay. Hindi naman ako napahiya dahil inabot niya ito. At muling nagtagpo ang aming mga mata. "Time for change." Nasabi ko sa aking sarili.