August 2005
Araw ng Lunes, at gaya ng inaasahan ay punong-puno na naman ng mga tao na karamihan ay mga estudyante ang Chilis & Sweets, isang maliit na restaurant kung saan nagtatrabaho si Jenny.
"Guys, may I request for a 15-minute overtime, please?" Pakiusap ni Ms. Anna na manager ng restaurant ng magpaalam sina Jenny at Vince.
"Pero, ma'am.." hindi na naituloy pa ni Jenny ang sasabihin dahil agad na siyang tinalikuran ng aligagang manager.
"Don't worry Jen, may isang oras pa tayo. Pero mukhang magpapalit na lang ako ng damit at didiretso na sa school." Ani Vince na bukod sa katrabaho ay kaklase rin niya sa Unibersidad na pinapasukan.
Natawa si Jenny sa sinabi ng kaibigan. Siya man ay hindi pa naliligo ngunit hindi niya ugali ang pumasok ng Unibersidad ng hindi naliligo, kaya kahit anong mangyari ay sasaglit siya sa tinutuluyang boarding house para maligo at magpalit.
Sa dami ng trabaho ang 15 minute na overtime request ni Miss Anna ay umabot ng halos kalahating oras, at kahit hindi pa humuhupa ang dami ng kostumer ay hinubad na ng dalawa ang suot na apron at nagmamadaling lumabas at tig-isang tinawag ang nakahintong tricycle sa tapat ng restaurant.
"Hinihingal ka Jen!" ani Fanny, kasamahan niya sa boarding house ng makita siya nitong hinahabol ang paghinga.
"Mahuhuli na 'ko sa klase." Sagot niya rito.
"Overtime?"
Oo." Sagot niya rito habang papasok ng banyo upang maligo. At makalipas ang ilang sandali ay handa na siyang pumasok sa Unibersidad.
"You still have 13 minutes." Paalala ni Fanny sa kanya.
"Pressure? O siya, Fan, pasok muna ako, usap tayo mamaya." Ani Jenny at humalik na sa kaibigan upang magpaalam.
"Okay, see yah! Bye!'" Si Fanny.
----------
Ngunit ganun nga talaga kapag naghahabol ka sa oras, mas malaki ang posibilidad na hindi ka makahabol. Kahit ano pang pagmamadali niya, katunayan ay sumakay pa nga siya ng tricycle kahit ilang bloke lang naman ang layo ng Unibersidad sa boarding house ay late pa rin siya sa klase.
"Naku! N na." Ani Jenny sa sarili na ang tinutukoy ay ang unang letra ng apelyido na binanggit ng kanilang Professor sa Political Theories habang nagchi-check ito ng attendance. Nilapitan niya si Vincent at umupo sa tabi nito.
"And you are late. Sabi ko naman kasi sa'yo huwag ka nang umuwi, magpalit ka na lang ng damit, tutal tatlong oras lang naman 'tong klase natin." Pailing-iling na sabi ni Vince sa kaibigan.
"Alam mo namang hindi ko kayang umaalingasaw ang amoy ko sa loob ng tatlong oras, napaka-uncomfortable" Bulong niya rito.
"O sige, piliin mo yang comfortable feeling na yan." Nangingiting sabi ni Vince.
"Okay Miss Apostol, since you're late at ikaw ang huling dumating sa klase, my first question is for you." Ani Atty. Ibarra.
May halong kabang tumayo si Jenny. Alam niyang wala siyang maisasagot. Sa sobrang busy niya noong weekends ay hindi na niya nakuha pang magbasa ng assignment.
"Could you explain Rosseau's Social Compact?"
"Sir?!" mahinang sabi ni Jenny.
"I said, explain the Social Compact of Rosseau?" ulit ng estriktong propesor.
Napasimangot si Jenny. Hindi siya makasagot, Pinilit niyang mag-isip at alalahanin kung may natatandaan siya about sa Social Compact. Kahit ano basta may masabi lang siya. Ngunit bigo siyang napailing.