Kunot noong pinanonood ni Jenny sa kanyang harapan ang bandang nag-o-audition para sa Chili's & Sweet. "Ang tagal naman ng banda na inirekomenda mo. Sigurado ka bang pupunta ba sila rito. At tama ba yung address na ibinigay mo sa kanila?"
"Oo naman, imposibleng maligaw sila rito, nangako sa akin ang mga 'yon na pupunta. Na-traffic lang siguro ang mga 'yon." Depensa naman ni Vince sa sarili ngunit bakas sa mukha nito ang pag-aalala.
Kulang-kulang sampo ang bandang nag-audition sa Chili's & Cream pero isang banda pa lang ang pasado ang istilo sa panlasa nila. Ito yung tipo ng banda na kayang mag-adopt sa mga klase ng kostumer na tutugtugan, pero hindi pa ganoon ka-satisfied si Miss Anna sa husay ng banda na iyon.
"Sila na ba ang huling mago-audition?" tanong ni Miss Anna habang pinapanood niya ang huling banda sa kanyang harapan..
"Meron pa po ma'am, hintayin po ninyo, nag-text na po sila sa 'kin, paparating na raw po sila." Si Vince.
"Magaling ba talaga yung mga 'yon Vince? Baka naman nagsasayang lang tayo ng oras sa kahihintay sa mga 'yon, 'yun pala tulad rin ng iba." Ani Miss Anna na may kalahating oras ng naghihintay mula ng matapos ang pinaka-huling bandang nag-audion.
"Hindi po ma'am, sinisiguro ko pong magagaling po talaga sila. Lagi pong rekomendado sa mga party yung bandang 'yon kaya malaki po ang tiwala kong magugustuhan ninyo sila." Nakangiting sabi ni Vince.
"Malaki ang tiwala mo, malaki rin ang mga ulo. Alam naman nilang ala siyete ang simula ng audition, at medyo delay pa nga tayo ng isang oras pero hanggang ngayon hindi pa sila dumarating." Si Miss Anna.
Akmang sasagot pa sana si Vince ng makarinig sila ng harurot ng sasakyan sa may tapat ng restaurant.
"Iyan na po yata sila ma'am." Si Vince habang tinatanaw ang mga ito sa may bintana. "Iyan na nga sila."
"Saan ba galing ang mga 'yan." Ani Jenny ng makita ang hitsura ng mga ito habang bumababa ng sasakyan. Pakiramdam niya'y kapanahunan pia ng Kiss ang bandang iyon."
"Sila ba ang bandang tinutukoy mo Vince?" Si Miss Anna.
"Sila na nga po ma'am."
"Sigurado ka ba diyan Vince, mukhang mga alipores ni Ozzy Osbourne ang mga 'yan. Panahon na ng mga cute na frontman ngayon tulad ng Matchbox Twenty at The Calling." Ani Jenny na ibinida ang paborito niyang banda.
"Jenny, you have to listen to them first. Okay ang mga 'yan, ganyan lang talaga ang hitsura nila, pero mga bago naman ang tinutugtog ng mga 'yan." Pagtatanggol ni Vince at tsaka lumabas ng restaurant at kinawayan ang mga ito.
"Huli na ba kami?" bungad ng lalaking may kahabaaan ang kulot na buhok pagkapasok nito ng restaurant bitbit ang gitara.
"Si Nephets, lead vocalist ng banda." Pagpapakilala ni Vince.
Tanging tango lang ang isinagot ni Nephets sa pagpapakilalang iyon ni Vince. At pagkatapos ay hinithit ang sigarilyong nasa kaliwang kamay.
"At ito naman sina Jake, Boogie at Jay Ar." Pagpapakilala ni Vince sa ibang miyembro na tulad ng kanilang lead vocalist, tango lang rin ang isinagot ng mga ito.
"Pa'no, uumpisahan na ba naming?" Ani Boogie na ngumunguya pa ng chiclet habang nagsasalita.
"Oo, umpisahan na natin, sayang ang oras, inaantok na ako." Sang-ayon naman ni Jay Ar na tulad ni Nephets ay naninigarilyo rin.
Bakas sa mukha ni Miss Anna ang pagkairita sa mga miyembro ng banda. Bukod sa di kaaya-aya nitong mga hitsura ay nakakaramdam na siya ng 'attitude' sa mga ito. Kung hindi nga lang ito inerekomenda ni Vince ay malamang hindi na niya ito patutugtugin.
Ganoon na lamang ang pagkamangha ng lahat matapos marinig ang unang kantang tinugtog ng banda. 'You're Only Lonely' ang titulo ng kanta at dinedicate nila ito kay Miss Anna iyon na hindi naiwasang kiligin sa tinurang 'yon. Bagama't hindi pamilyar ang lahat ng nakikinig sa kanta, dama pa rin nila ang mensahe nito dahil sa husay ng pagtugtog at pag-areglo nito. Hindi rin nila maikakailang maganda ang boses ng medyo aroganteng bokalista. At sa mga sumunod na mga makabagong kantang tinugtog nito ay lalo pang napahanga ang dalawa. Katunayan ay hindi napigilan ni Jenny ang sumabay sa pagkanta sa bokalista nito. Napahinto lamang siya ng kindatan siya ni Nephets ng mapansin siya nito.
"Sabi ko sa inyo, magaling ang mga 'yan." Pagmamalaki ni Vince.
"I am impressed. And I think we have found the band that we are looking for." Ani Miss Anna.
"Oh right." Ani Nehpets sabay apir sa mga kasama.
"Magaling ang bandang inerekomenda mo, medyo may pagkaarogante lang." Ani Jenny sa kaibigan habang inililigpit ang mga props na ginamit sa audition kanina.
"Gano'n lang talaga ang mga 'yon, pero nakita mo naman hindi ako napahiya sa galling nilang tumugtog." Pagmamalaki ni Vince.
"Ang iniisip ko lang, sa galing nilang 'yon, bakit bakante sila sa gig? Hindi kaya dahil sa hindi sila nagtatagal sa mga bar o restaurant na pinagtatarabahuhan nila dahil may mga attitude problem sila."
"Masyado ka namang negative. Ang mabuti pa ay magpasalamat na lang tayo dahil kahit papaano ay mayroon ng bandang tutulong sa ating isalba ang naluluging restaurant na ito."
"Sabagay.
"Malay mo, this time magtagal sila dahil sa charm mo."
"Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ni Jenny.
"Kunwari ka pa. Nakita kong namula ka kanina ng kindatan ka ni Nehpets." Pang-aasar na sabi ni Vince.
"Pwede ba, hindi ko siya type."
"Ows? Bakit kanina, napapapikit ka pa noong kinakanta nila yung Iris ng Goo Goo Dolls.?"
"Napapikit ako dahil paborito ko yung kantang 'yon at gaya nga ng sinabi ko magaling sila kaya nadala ako." Depensa ni Jenny sa sarili.
"O siya sige, kung hindi mo siya type di hindi." Nangingiting sabi ni Vince.
"Hindi ko talaga siya type at 'yon ang totoo. Alam mo namang si Roy lang ang one and only true love ko." Ani Jenny na napapikit pa ng banggitin ang pangalang Roy.
"At narinig ko na naman ang pangalang Roy. Ang mabuti pa ay tigilan na natin ang usapan ito at kumanta na lang tayo. Marunong kabang tumutog kahit na isa lang sa mga instrumentong ito." Tanong ni Vince habang nakatayo sa gitna ng stage at pinagmamasdan ang mga instrumentong naroroon.
"Well, marunong akong tumugtog ng acoustic guitar."
"Hindi nga?"
"Seriously, I know how to play guitar."
"Sige nga, sample nga diyan." Ani Vince at iniabot nito kay Jenny ang acoustic guitar.
"Tutugtog ako basta ipangako mong hindi ka masyadong mai-elibs?"
"Wow! Sige ipinapangako kong hindi ako i-elibs." Sabay taas ng kanyang kanang kamay.
At nagsiula ng tumugtog ng gitara si Jenny. Ngunit ilang chords pa lang ang pinipitik niya ay hindi na naiwasang mamangha sa kanya ng kaibigang si Vince lalo pa ng magsimula na siyang kumanta.
"Bakit pa tayo nagpa-audition kanina eh nandiyan ka naman pala?"
"I know. Elibs na elibs ka sa akin no?"
"Bakit hindi na lang ikaw ang mag-gig?"
"Ano ka ba? Hindi ko kayang tumugtog sa maraming tao. May stage fright ako."
"Jen, madali lang i-overcome 'yan."
"Whatever!"