Napabalikwas sa kama si Jenny matapos makita ang oras sa katabing alarm clock. Tumayo siyang hindi alam kung anong unang gagawin. Malakas ang buhos ng ulan kaya napasarap siya ng tulog. At dahil doon ay papasok na naman siyang late sa trabaho.
"You're 30 minutes late." Bungad ni Miss Anna ng makita si Jenny.
"Pasiyensiya na po Ma'am Anna Malakas po ang ulan at wala pong gaanong masakyang tricyle." Pagdadahilan niya rito.
"Hay naku Jen, sanay na ako sa'yo. Walang araw sa isang linggong hindi ka puwedeng ma-late. Next time, if you're going to be late, please inform me." Napapailing na sabi ng babaeng manager.
"Yes 'ma'am." Ani Jenny at pagkatapos ay agad itong dumiretso ng kusina at hinanap ang kaibigang si Vince.
"Di nasermonan ka? Ikaw naman kasi, late ka na nga hindi ka pa marunong mag-text." si Vince.
"Huwag ka ng dumagdag. Ang mabuti pa ay pautangin mo na lang ako ng One hundred, bibili lang ako ng prepaid card." Ani Jenny sa kaibigan.
"Haay Jen, pang-text sa trabaho wala ka pero sa textmates meron."
"Ang sama naman nito. Sige na Vince maawa ka, dalawang araw pa kasi bago ang suweldo."
Hindi rin natanggihan si Jenny na pautangin ng kaibigang si Vince kaya naman ng break-time na ay dali-daling siyang lumabas upang bumili ng prepaid card. At saktong pagbalik niya'y sinalubong siya ni Vince.
"Guess what? May customer ka sa table six." Aniya.
Agad namang tinungo ni Jenny ang table six. At parang gusto niyang tumalikod at bumalik ng kusina matapos makitang kung sino ang kostumer niya. Si Leo na abot-tenga ang ngiti ng makita siya.
"What's your order sir?" tanong niya rito.
"Wala man lang ba munang Good Morning?" tanong nito sa kanya.
"Good Morning Sir. Can I take your order?" ani Jenny kasabay ng ngiting tila nang-aasar nito kay Leo
"Ano bang masarap na mairerekomenda mo?" tanong nito sa kanya.
"Lahat po ng pagkain namin dito sir, masarap." Sagot niya.
"Paano kung hindi masarap sa panlasa ko?" nangingiting sabi nito.
"Eh, ano po ba ang panlasa ninyo ngayon, Sir?" nakangiti ngunit iritableng tanong ni Jenny.
"Gusto ko ng medyo matamis ngayon."
"Meron po kaming'Sweet Section" sa menu."
Agad namang tiningnan ni Leo ang Sweet Section ng menu at doon nagkaroon ito ng idea kung anong gustong kainin. "Sige bigyan mo ako nitong Special Blueberry Pie, pati coffee."
"Iyon lang po sir?"
"Oo. Teka, gaano ba ka special yung Special Blueberry Pie ninyo?" tanong nito sa kanya.
"Naku sir, verrrry special po." Iyon na lang ang nasabi ni Jenny na noo'y nabubuwisit na.
"Okay. Special Blueberry Pie and coffee please."
Tumalikod na si Jenny at akmang lalakad papalayo ng muli niyang marinig na tinawag ang pangalan niya ni Leo. "Yes sir?"
"Nagbago kasi ang isip ko, parang mas gusto ko itong Special Apple Pie ninyo, mas mukha kasing masarap tingnan."
"Okay. Sigurado na po ba kayo?" Ani Jenny na lalong nakaramdam ng irita sa kausap.
"Oo, sigurado na. Special Apple pie na." Ani Leo sabay ngiti.