Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa aking isipan ng basahin ko ang nakasulat sa horoscope ng bitbit kong diyaryo isang umagang papasok ako ng trabaho dahil hindi naman talaga ako nagpapaniwala sa mga nakasulat roon.
Virgo - Makikilala mo ngayon ang taong magbibigay buhay sa nalulumbay mong puso. Lucky number 10, lucky color - light blue.
Napangiti ako sa nabasa ko. "Sana." Iyon na lang ang nasabi ko sa sarili.
----------
"Zac, nakita mo na ba yung bagong waitress ng Chili's & Cream?" Naitanong sa akin ng kababata at kaopisina kong si Khit ng magkasabay kami sa elevator papasok ng opisina.
Umiling ako.
"Naku, kartada diyes. Siya nata ang pinakamagandang waitress na nakita ko sa coffe shop na 'yon.
Sa umpisa ay binabalewala ko lang ang mga sinasabi ni Khit sa akin dahil alam ko naman kasi kung anong klase ng lalaki si Khit, na kahit anong klaseng babae basta mahaba ang buhok at may hubog ang katawa'y natitipuhan niya.
"Naku Zac, kapag nakita mo siya, imposibleng hindi mo siya magugustuhan. Kung wala lang akong asawa, naku, tiyak na naligawan ko na 'yon." Patuloy na sabi ni Khit.
"Maganda ba talaga?" hindi ko na rin napigilang umayon sa usapan, kawawa naman kasi ang loko kung hindi ko papansinin.
"Oo. Walang halong biro."
"Mas maganda pa kay Jenny?' Muli kong tanong tukoy ko ang isa pang waitress na nagtatrabaho sa coffee shop na iyon na minsan ko ring natipuhan. Ngalang sobra ang sungit nito at meron na itong ibang gusto.
Saglit na nahinto at halatang napag-isip si Khit sa aking pagkukumpara. "Oo naman." Halatang hindi siguradong sagot ni Khit. "Mas mabuti pang puntahan natin mamayang lunch. Ano?"
"Sige, tingnan natin." Sang-ayon ko.
At iyon nga ng dumating ang lunch-break ay para kaming mga lokong magkasabay na nagpaguwapo sa harap ng salamin sa banyo ng opisina bago nagtungo sa Chili's And Cream upang silayan lamang ang hitsura waitress na sinasabi ni Khit na kartada diyes.
----------
"Totoo nga," iyon ang nasabi ko sa aking sarili matapos makita ang babaeng inginuso ni Khit matapos naming makapwesto sa pandalawahang silya ng restaurant.
Nakangiting lumapit sa amin ang kaibigan naming waiter na si Vince na maraming beses na rin kaming pinagsilbihan. "Long time no see." natatawa nitong sabi. "Anong order natin?'
"Vince, can you do Us a favor?" Nakangiti kong sagot.
"Ano 'yon?"
"Pwede bang irequest na yung bago ninyong waitress ang mag-serve sa amin." Sabay pasimpleng nguso ko sa kinaroroonan ng magandang babae.
"Sinasabi ko na nga ba eh?" Nakataas ang isang kilay na sabi ni Vince.
"Please. Para naman mapawi ang pagod namin sa trabaho."
"Pawi talaga? Mambobola na naman kayo?" Si Vince.
"Hindi ko gawain 'yon. Ewan ko dito kay Khit?" Natatawa kong sabi sabay tingin sa kaibigan na lilinga-linga na kunwa'y walang narinig.
Bumuntong hininga si Vince at agad nilapitan ang magandang waitress na tinutukoy namin. May binulong si Vince rito na siyang nagpalingon dito sa aming kinaroroonan. Nakangiting naglakad ang waitress papalapit sa amin.
"Good morning, I am Aileen and I will be taking your orders." Nakangiti nitong sabi.
Tila wala akong narinig sa sinabi niya dahil nakatuon ang aking atensiyon sa kanyang magandang mukha. Totoo nga ang anghel, dahil mayroon nito ngayon sa aking harapan. "Salamat sa Diyos." Nasabi ko sa aking sarili.