Chapter Thirteen

410 19 0
                                    

KINAUMAGAHAN ay nakatanggap ng tawag si Susie mula kay Nicole at sinabihan siyang hindi na nito kakausapin ang kaibigan nito para bigyan siya ng libreng makeup lessons. Inakusahan rin siya nitong sinungaling dahil mag-asawa daw pala sila ni Jeric at siya pa raw ang naghahanap ng babae para paligayahin ang asawa niya dahil nasa open marriage daw sila nito.

Baboy daw siya at hindi raw ito makapaniwala na pinatulan siya ni Jeric. At sinabihan pa siya ng babae na maglalagay ito ng bad comments sa kanyang Facebook page para wala na daw kumuha sa serbisyo niya bilang makeup artist. Ang ending, she deactivated her Facebook account dahil pati ang dalawang babae na pinagbigyan niya ng impormasyon ni Jeric ay kung ano-ano rin ang inilagay sa kanyang page.

Ibinaba niya ang cell phone sa mesa matapos ang tawag na iyon at pinagdiskitahan niya ang kanyang kape saka nilapitan ang painting na may kabayong imahe.

Nalulungkot siya dahil pakiramdam niya, wala siyang mapaglagyan sa mundong ibabaw. Kagabi, noong mangyayari na ang pinakaaasam niya ulit ay bigla na namang naudlot. Siguro ay hindi na iyon mangyayari talaga dahil ramdam niyang si Elaine pa rin ang nasa puso ni Jeric.

"I'm starting to think that you really love that painting."

Muntik nang matapon ang kape sa mug niya dahil sa gulat. Nilingon niya si Jeric na tila galing sa garden. Hindi ito nag-morning run dahil bahagya pa ring umiika-ika dahil sa pagkakasalpok ng golf cart sa puno ng niyog. Dahil naka-shorts ito hanggang tuhod, nakita niya ang malaking pasa sa tuhod nito, kulay green at purple at gadangkal ang laki.

"'Morning," anito sabay tumabi sa kanya.

Sinulyapan niya si Jeric na hawak ang mug ng kape nito. But she couldn't just glance at him. Pinagsawa niya ang tingin dito habang ang mga mata nito ay nakatuon na sa painting. At habang pinagmamasdan niya ito, mas lalo lang siyang nahuhulog dito.

Kainis!

Ayaw niyang ipahalata iyon rito. Isa pa, hindi siya ang type ng hudyo. Oo at may mga pagkakataong para silang may relasyon nito kung umakto sa isa't isa pero walang ibig sabihin ang mga iyon. They were both adults. Makakatulong rin iyon para magtagumpay sila sa baby project nila. Ang lakas ng loob niyang magsabi na poprotektahan niya ang puso nito para hindi ito mapunta sa ibang babae tapos siya pala itong may inililihim na pagtingin dito? Nakakahiya!

Muli niyang tiningnan ang painting. Naiinis siya na hanggang ngayon, hindi pa rin nangyayari ang dapat na mangyari sa pagitan nila dahil masyadong okupado ng Elaine na iyon ang puso at isip nito!

"Mukhang maasim ang mukha mo, galit ka pa rin?" sita nito sa kanya at kinalabit siya sa balikat.

Umiwas siya rito. "Just a little frustrated." Pag-amin niya.

"Su, I'm really sorry about last-"

"Tinawagan ako ni Nicole," aniya, walang balak aminin dito na labis-labis ang pagdadalamhati niya at hindi niya naabot ang langit kagabi. Di bale nang ibahin na lang niya ang usapan maiwasan lang ang tungkol doon. "Sinabi mo pa lang mag-asawa tayo at ako itong naghahanap ng babae para paligayahin ka sa kama? Dahil ano kamo? What we have is an open marriage? Loko ka rin ano! Ako pa 'tong lumabas na sinungaling."

Tumawa ito. "I had no choice but to lie. Kaysa naman ipilit niya ang sarili niya sa 'kin 'di ba? It worked. Bigla na lang tumakbo pagkatapos akong sampalin, muntik pang makalimutan ang mga damit niya sa sahig."

Magsasalita sana siya ulit nang makitang papalapit si Pat. May hawak itong isang bungkos ng mangga.

"Ate, kain tayo mamaya ha?"

Nangasim siya bigla. "Maasim talaga 'yan?" paniniguro niya sa binatilyo.

"Oo, Ate, bagong pitas tingnan mo may mga dagta pa."

Love Me, Susie (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon