"S-Salamat po." Matabang na ngumiti si Sarah matapos maibigay ang trenta pesos na bayad sa matandang may-ari ng sinakyan na motorsiklo. Nakangiting nagpasalamat din naman ang matanda sa dalaga na sinundan pa ng "Ingat ka Ineng," habang pinapadyakan at pinapaganang muli ang motorsiklo.

Tumalikod na si Sarah. Bagsak-balikat siyang naglakad papasok ng kanilang paaralan, ang Buencamino High.

Ang Buencamino Academy ay isang pribadong eskwelahan sa Laguna. Isa ito sa mga sikat na paaralan sa Calamba. Pinakakilala kasi ang Buencamino dahil sa iba't ibang scholarship programs na ibinibigay sa mga senior high students kapag tumuntong sila ng kolehiyo. Dahil dito, ang Buencamino ang madalas pagpilian ng mga junior high completers. Lalo na ng mga estudyanteng nag-aasam na makakuha ng scholarship. Kaya naman halo-halo ang mga mag-aaral sa senior high, may mga dating nanggaling sa pampubliko, at may mga dati nang nanggaling na sa pribado.

Kumpleto rin ang Buencamino, malawak ang sakop. Mula pre-school hanggang senior high ang hinahawakan nito. Nahahati sa dalawa ang akademya, ang main campus ang nagsisilbing lugar ng mga estudyante sa pre at grade school at ang pangalawang campus ay para naman sa mga nasa high school, na madalas tawaging Buencamino High para magkaroon ng bukod na pagkakakilanlan sa orihinal na kampus ng paaralan.

Habang naglalakad sa Buencamino High ay mas lalong bumigat ang nararamdaman ni Sarah. Kumpara kasi sa mga nagdaang araw, iba ang aura ngayon sa paaralan, at hindi niya inasahan na ganito magsisimula ang panibagong linggo rito. Pansin niya ang kakaibang pag-uusap ng mga estudyante sa paligid. Alam niyang mayroong kakaiba sa mga pinag-uusapan nila, kung paano sila magbulungan, kung paano pakinggan ng isa ang bawat salitang namumutawi sa bibig ng taong nagku-kwento sa kaniya, at kung paano tumigil ang mga ito at umiwas ng tingin kapag tinitignan niya. Sigurado siya, alam niya kung anong nangyayari.

Isang buntong hininga ang pinakawalan ni Sarah. Ang mga nakita sa paligid ang naging dahilan para mas bilisan niya ang paglalakad. Hindi niya na ginawang pansinin pang muli at bigyan ng tingin ang mga estudyanteng nadadaanan niya. Tila ang importante sa kaniya ngayon ay ang makarating sa kaniyang classroom, makalayo sa mga mata ng mga estudyanteng nasasalubong niya ngayon.

Nang marating niya ang STEM building ay agad siyang nagtungo sa dulong bahagi kung nasaan ang hagdan. Patakbo siyang umakyat. Sa malakas na pagtama sa bawat baitang ng dalawang takong na suot na sapatos ay naagaw ang atensyon ng mga taong nasasalubong. Kusa ang mga itong umiwas dahil sa dire-diretso at mabilis na pag-akyat ni Sarah. Hindi niya naman pinansin ang mga kapwa estudyante, kahit na sinundan siya ng mga ito ng tingin dahil sa ginawa.

Narating niya ang ikatlong palapag ng gusali at tila doon lang din siya nakaramdam ng pagod dahil napahinto na siya at nagsimulang maghabol ng hininga habang nakahawak sa railings ng hagdanan. Nang mukhang makabawi ay naglakad na siya habang may kinukuha sa bulsa ng kaniyang palda, isang panyo na sinimulan niyang ipunas sa mukha at leeg.

Pawisan siyang naglakad hanggang makarating sa gitna ng gusali. Nang makalapit sa kaniyang classroom ay papasok na sana siya nang may biglang lumabas sa nakabukas na pinto ng kwarto. Napagitla siya at nabitawan pa ang hawak na panyo at tila nagulat.

"Sarah..." Namilog pa ang mata ng babaeng lumabas nang makita siya.

Ngunit napalunok ito nang makitang nanatili pa rin si Sarah sa kaninang reaksyon nito nang magulat. Hindi ito gumalaw, nakabagsak lang ang mga braso at nakatitig lang sa kaniya, nanginginig. Hindi alam ang gagawin, nagpalipat-lipat ang tingin ng kaklaseng babae kay Sarah at sa paligid. Ngunit nahagip ng paningin nito ang panyo, ang panyo na nasa sahig.

Mabilis nitong kinuha ang malambot na tela sa sahig. Matapos ay kinuha rin nito ang isang kamay ni Sarah at inilapag dito ang panyo.

Parang awtomatikong bumalik sa ayos si Sarah dahil sa ginawa ng kaklase. Mabilis siyang napayuko nang bawiin ang panyong inilapag ng babae sa kaniyang kamay.

"U-umuwi ka kaya muna? Nanginginig ka..." Kung paano siya mabilis na yumuko ay gano'n din siyang mabilis na umiling sa sinabi ng kaklase.

"Ayos lang ako. Sa-salamat."

Pilit niyang nginitan ang kaklase at agad siyang pumasok sa kanilang classroom. Dahil sa likuran ang pintuan na kaniyang pinasok at nasa harapan ang inuupuan niya, ay naglakad pa siya sa gitna ng kwarto. Ngunit nang makarating dito ay napansin niya kung paano unti-unting tumahimik at nawala ang ingay sa buong kwarto. Alam niya. Alam niyang dahil sa kaniya 'yon.

Inilapag niya sa kaniyang upuan ang hinubad na bag at inayos ito. Matapos ay agad siyang umupo. Yumuko lang si Sarah, hindi alam ang susunod na gagawin. Nararamdaman man ang mga tingin ngayon ng mga kaklase ay hindi niya ito binigyan ng atensyon. Panay lang ang paglunok niya habang nakayuko.

Nang mahagip ng paningin niya ang kamay na nakapatong sa kaniyang palda ay agad niya itong ipinatong sa kaniyang desk, nagsimula siyang kutkutin ang sariling mga daliri kahit malinis naman ang mga ito. Biglang tumunog ang kampana ng paaralan. Habang umaalingawngaw ito ay nagsimulang umingay muli ang klase.

Napapikit na lang si Sarah at napahinga nang maluwag. Pumihit siya patalikod para buksan ang kaniyang bag. Kinuha niya ang isang notebook at inilapag niya sa kaniyang desk. Nang makaayos ng upo ay nagulat siya nang makita ang isa pang kaklaseng babae na nakatayo sa harap niya. Kilala niya ang babae, ito ang madalas makasama niya tuwing break time. Si Wendy. Nakasukbit pa ang bag nito na mukhang kakapasok lang din ng kwarto.

"May bagong bukas na coffee shop sa labas, gusto mo pumunta mamaya?" yaya ni Wendy habang nakangiti. Ngunit alam ni Sarah na pinilit lang ng kaibigan ang ngiting 'yon. Kitang-kita niya na hindi umabot sa mga mata nito ang ngiting ginawa.

At parehas sa ngiti nito ang gumuhit sa labi ni Sarah. Hindi siya nagsalita at tumango na lamang bilang sagot sa anyaya ng kaibigan.

Tahimik niyang pinagmasdan ang paglapag ng bag ng kaniyang kaibigan. Nang makaayos ng upo ay tumingin din ito sa kaniya. Nagulat muli siya nang kunin ni Wendy ang dalawa niyang kamay at hawakan ito.

"Kung kailangan mo ng kausap, nandito lang ako." Mahinang hinigit ng kaibigan ang mga kamay ni Sarah. Inilapit nito ang mukha sa kaniya.

"Mahahanap natin si Lian, makikita mo ulit ang kapatid mo," mariin na bulong nito.

Pinilit ipakita ni Sarah sa kaibigan ang pilit ding ngiti. Ngunit kasama rito ang nakakunot na noo at naluluhang mga mata. Kaya napayuko na lang ang dalaga nang hindi na mapigilan pa ang pagtulo ng mga ito. Agad naman niyang naramdaman ang pagyakap ng kaibigang si Wendy sa kaniya. Hanggang sa matagpuan niya na lang ang sariling umiiyak at sinisiksik ang mukha sa balikat ng kaibigan.

Mahigit isang linggo niya nang hindi nakikita si Lian, ang kaniyang kapatid. Huli niyang nakita ang kuya mag-uuwian noong nakaraan pang Huwebes, kinausap niya ito tungkol sa biglaang pag-alis nito sa kanilang bahay. Pinakiusapan niya itong bumalik at makipag-ayos na sa kanilang mga magulang ngunit hindi ito pumayag.

Maloko ang Kuya Lian niya, kahit na ito'y bente anyos na. Sa katunayan ay ilang beses na itong tumigil sa pag-aaral dahil ayon sa laging naririnig niyang dahilan dito, ayaw nitong mag-aral. Alam niyang mababaw na rason pero alam niyang may mas malalim pa roon. Ngunit ito na ang matagal nang pinagtatalunan ng kanilang pamilya. Ilang taon na siyang nagpaulit-ulit sa unang baitang ng senior high. Hanggang sa maabutan na siya ni Sarah. Ngayon pinilit pa rin ng mga magulang nila na magpatuloy ang kaniyang Kuya, at tila hindi na kinaya ng kapatid kaya ito lumayas ng kanilang bahay.

Hanggang sa mawala na nga ito, hanggang sa isang linggo na ang nakalipas. Hindi niya na alam kung nasaan ang kapatid niya. Wala siya ni ideya kung ano nang kalagayan nito. At kung bibigyan man siya ngayon mismo ng isang pagkakataon na humiling, iyon ay ang makabalik na ito.

Dahil kung mangyari man 'yon, tutulungan niya na ang kapatid sa kanilang mga magulang. Ibibigay niya ang makakaya para makumbinsi ang mga ito at mapag-ayos. Kahit ano ay gagawin niya para maibalik lang ang lahat sa dati.

Kaya tuparin sana ang hiling niyang 'yon, kahit ngayon lang.

LingidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon