XVI

21 3 2
                                    

November 22, 2021 (9 months ago)

"Dalian mo dahil naghihintay ang mga pinsan mo!"

"Saglit lang Nay!"

Nang makapagsuot ng damit ay mabilis na lumabas ng kanilang bahay si Serena.

Nasalubong niya ang inang may hawak na mga panggatong na kahoy na papasok sa loob. Kitang-kita naman ang pagtataka sa mukha nito habang nakatingin sa kaniya.

"Bakit Nay?" Nahihiyang tanong niya. Napalitan agad ng pandidilat ng mga mata ang mukha ng kaniyang ina.

"Anong bakit? Punasan mo muna 'yang buhok mo!"

Agad siyang hinigit sa braso ng kaniyang ina at pinilit na papasukin muli sa kanilang tahanan. Munting paghaling-haling at pagtutol naman ang namutawi sa babae. "Inay naman!"

"Basang-basa ang buhok mo!"

Nagtungo ang kaniyang ina sa kanilang nag-iisang kwarto. Mabilis itong nakabalik bitbit ang isang tuwalya. Inabot sa kaniya ito na agad niya ring kinuha.

Umaangal pa siya habang sinisimulang ipunas ang tela sa kaniyang ulo.

"Matutuyo rin naman 'to sa labas e!"

"Aba'y nakikita mo bang nagsisitulo ang mga 'yan sa damit mo. Tignan mo!"

Tinuro pa nito ang kaniyang damit na agad niya ring sinundan ng tingin. Tama nga naman. Kasusuot niya pa lamang nito ngunit nabasa na ang mga parteng balikat nito. Pero dahilan niyang muli, matutuyo rin naman din ito sa labas.

"Ayos na 'yan. Basta huwag kayong maghiwalay, kayong lahat magpinsan." Ibinigay niya ang tuwalya sa ina. Nagpaalam na siya rito at humalik bago lumabas ng kanilang tahanan. Nakangiti siyang nagtitinakbo patungo sa kolong-kolong kung nasaan naghihintay ang kaniyang mga pinsan.

Dahil siya na lamang ang inaantay ng mga ito, agad-agad ding lumarga ang sasakyan at binaybay ang kalsada patungo sa bayan.

Idinaraos ngayon ang pista sa kanilang barangay. Hindi gaya sa kalapit na lugar, sa kanila ay ginaganap ito ng isang linggo. Dahil sa selebrasyon na ito, bawat araw rin sunod-sunod ang mga programa sa kanila. Ngunit ang pakay nila ngayon ay puntahan ang peryang nakatayo ngayon sa bayan. Napagkasunduan nilang magpipinsan na sabay-sabay na lang silang magtungo rito.

"Grabe! Nahilo ako sa ferris wheel!"

"Ako rin!"

"Mas malala sa Octopus. Grabe talaga 'yong paikot-ikot!"

Samu't sari ang mga reaksyon nila matapos masubukan ang iba't ibang nasakyan nila sa perya. Kagaya sa sabay-sabay nilang pagtungo rito, sabay-sabay rin silang sumakay sa mga ride. Kung ano ang napag-usapan nilang sakyan, 'yon ang sinakyan nila. Magkakasama sila at walang naiiwan.

Nakalabas sila sa perya. Papunta na ang ilan sa kolong-kolong ngunit isa sa mga pinsan ni Serena ang biglan itinuro ang nagaganap na programa sa kabilang banda ng kalsada. May patimpalak sa court doon.

"Nood muna tayo ng contest. Maaga pa naman!"

May ilang sumang-ayon dito. Ngunit may ilan ding ayaw sumama kabilang na si Serena. Lumipas pa ang ilang minuto nang pagpipilitan ng magpipinsan. Sa huli ay pumayag na rin sila Serena.

"Basta saglit lang tayo!"

Nagsitawid sila ng kalsada. Nagkailangan pa silang pumasok dahil naisip nilang baka may bayad pa ata. Ngunit may nakapagsabi sa kanilang pwede nang pumasok kahit sino dahil nasa kalagitnaan na naman ang patimpalak. Tila isang swerte naman iyon sa kanila. Tuwang-tuwang silang pumasok sa loob ng gusali at pinagmasdan ang kaganapan sa loob.

LingidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon