XX

17 3 6
                                    

Nagising si Sarah sa malakas na tunog ng alarm sa kaniyang telepono. Pinatay niya agad ito at bumalik sa pagkakabagsak ng ulo niya sa unan. Ngunit maya-maya lang din ay muli niyang tinignan ang telepono. Ngayon lang siya natauhan na Lunes nga pala ngayon. Ngunit sumunod namang pumasok sa kaniya ang nangyari nitong mga nakaraang araw.

Naalala niya na lahat.

At sa oras na makumpleto ang mga iyon sa isip ay naiinis niyang binitawan agad ang telepono at binagsak muli ang sarili sa higaan. Hindi niya pinansin kahit narinig niyang bumagsak sa sahig ang bagay na 'yon.

Lunes nga ngayon. Ngunit wala pala silang pasok dahil isinabay na ng Buencamino ang araw na ito para sa paparating na Araw ng Patay bukas.

Ganoon na lamang din ang inis ni Sarah dahil nakalimutan niya palang tanggalin ang alarm sa telepono. Kulang na kulang na siya sa tulog. Nahirapan siyang patulugin ang sarili nitong mga nakaraan. Tapos ngayon ay mukhang hindi pa ito nagtapos dahil naistorbo naman siya.

Hindi naging madali ang mga nakalipas na araw para sa kaniya. Simula nang kumalat ang balitang iyon ay tila bumalik na naman sa dati ang lahat. Hindi na naman napakali ang kaniyang pamilya. Parang binisita ulit sila ng takot. Lalo na sa kaniya. Mukhang napabayaan niya pa nga ata ang sarili. Ilang araw rin siyang halos nasa kwarto lamang niya.

Una nilang nabalitaan 'yong kumalat sa facebook noong Miyerkules ng gabi. Nagtaka pa sila dahil nakita nilang kasama ang kapatid ng kaniyang ama sa mga usap-usapan na 'yon. Nakatanggap agad sila ng tawag sa kakilala nitong pulis, 'yong chief na tumulong sa kanila makita 'yong lalaking nalunod sa ilog dati. Nalaman nilang totoo na may nakitang bangkay sa palayan, parehas sa lugar na sinabi sa mga kumakalat sa internet. Pero sinabi na agad nito sa kaniyang Daddy na hindi ito si Lian. May pamilya na raw na umako sa bangkay. At imposibleng ito raw ang kaniyang kuya dahil may pagkakakilanlan pa rin daw iyon, at siguradong kamag-anak iyon ng pamilyang umako rito.

Gaya ng gabing iyon sa hospital, nakahinga nang maluwag si Sarah. Buti ay nakumpirma agad ito ng kakilala ng kaniyang magulang. Bago pa kasi iyon ay nag-panic na naman ang kaniyang Mommy gaya ng dati. Ngunit nagpapasalamat siya dahil nalaman agad nila ang katotohanan kaya hindi nagtagal ang pagwawala nito. Dahil kung hindi ay baka may mas malala pang mangyari sa kaniyang magulang.

Dumating din sa kanilang tahanan ang kaniyang tiya, o ang kapatid ng kaniyang amang kasama sa mga kumakalat na balita. Sinabi nitong wala siyang alam sa nangyari. Fake news daw ito. Hindi siya kailanman nag-post ng tungkol doon. At sigurado raw itong edited ang kumakalat na larawan kung saan makikita ang post niya. Hindi rin daw nito alam ang tungkol sa nangyari sa palayan. Dahil sa mga nalaman nila ay nagkaroon pa ng imbestigasyon para sa mga maling balitang kumakalat. At nitong Sabado rin ay nahuli ang gumawa nito at sinampahan na agad ng kaso ng kaniyang mga magulang at tita. Nagkaroon naman sila ng pagkakataon na malinaw ang tunay na nangyari, nang magbigay ng pahayag at panayam ang kaniyang ama sa local media nila sa Calamba.

Ngunit kahit maliwanag na ang nangyari ay walang kinalaman ang kaniyang Kuya, hindi pa rin nawala kay Sarah pangamba. Ang mga paghihinala niya. Sa isang iglap lang kasi ay bumalik na naman ang mga ganitong pag-iisip ng babae. At ito ang mga hindi nagpapatulog sa kaniya. Ang dahilan kung bakit madalas siyang nasa kwarto lamang at nag-iisa.

"Sarah."

Bumalik sa kamalayan nang tawagin. Napatingin agad siya sa inang nasa kabilang bahagi ng mesa at katapat niya.

"Eat your breakfast."

Dahan-dahan ay binaba niya ang tingin sa pagkaing nakahain. Narinig niya muli ang pagkalansing ng mga kubyertos na ginagamit ng kaniyang ina. Sumabay muli ito sa kaniyang dad na nakaupo sa dulo ng mesa.

LingidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon