Malalim ang tingin ni CJ na binabasa ang nasa pahina ng kaniyang kwaderno.

"CJ?" Tawag sa kaniya ng katabi na si Julius. Ngunit nanatili ang titig nito sa notebook na hawak. Ganito lang din ang naging tugon ng kaklase habang kinakausap niya ito kanina pa. Napakunot na lang si Julius, nagtataka sa pagiging seryoso nito. Para kasi itong estatwa, hindi man lang ito kumikibo, at ni pikit-mata lang ay hindi nito ginagawa. Hindi niya rin mawari kung totoong binabasa nga ba nito ang kanilang naging paksa kahapon sa Mathematics dahil hindi umaalis ang tingin nito sa itaas na kaliwang bahagi ng kaliwa ring pahina.

Ngunit isang nakakalokong ngiti ang gumuhit kay Julius.

Marahan niyang nilapit ang bibig sa tainga ng walang kakibo-kibo na si CJ. Nagtagal pa ang posisyon na iyon dahil natatawa pa ang binata sa kung anong balak nitong gawin. Nang mapigilan ang sarili at maka-bwelo ay dahan-dahan nitong binuka ang bibig, mula sa nanggaling hangin sa lalamunan ay maiyag siyang umungol sa tainga ng kaklase.

Mabilis namang napaatras si CJ. Bumalik ang presensya nito sa biglaang narinig. Ilang segundo niyang tinignan ang katabi, tila nagulat at nagtaka dahil sa ginawa nito na ngayo'y humahagalpak na ng tawa.

"Tangina mo naman!" Mariing mura ni CJ habang inilalapag sa kaniyang desk ang kaninang hawak na kwaderno. Mukhang hindi nito nagawang makipagsabayan sa nagawang biro ng kaklase. Unti-unti namang humina ang pagtawa ni Julius at pinilit nitong magsalita habang nakangiti at nagpipigil ng tawa, "kanina pa kasi kita kinakausap pero nakatitig ka lang ata sa notebook mo." Sabay hagalpak muli pagkatapos ng ilang saglit na pagpigil-tawa nito.

"Nagre-review ako!" Hinawakan ni CJ ang kwaderno at inilapit sa mukha nito. "Nakikita mo naman siguro?"

Hindi na nakatawa pang muli si Julius nang marinig ang bulyaw ni CJ. Mukhang napikon ito sa kaniyang ginawa. Nasiguro niya lang nang bigla itong tumayo bitbit ang notebook at bag at mabilis na naglakad palabas ng kwarto.

"First time atang mapikon ng presidente natin."

Napalingon bigla si Julius sa kaliwang katabi niya nang marinig itong magsalita. Kunot noo niyang tinignan ang kaklase niyang 'mukhang nakita at narinig ang nangyari kanina'.

"Katabi lang kita, at katabi mo si CJ." Maikling paliwanag ni Kristine. Tumango lang si Julius na mukhang hindi na rin pinansin pa ang paliwanag nito. "Kinausap ko siya pero hindi niya ako kinikibo. Parang hindi naman siya nagre-review dahil nakatitig lang siya sa notebook niya simula pa kanina."

"Siguro may problema lang. Baka hindi sinagot ng nililigawan niya." Napailing na lang si Julius sa naging tugon ng kaklase. Alam niyang biro lang ito, pero hindi siya natawa rito.

Mula sa unang linya ng mga upuan sa kanang gilid ng kwarto, nilingon ni Julius ang kaliwang dulong bahagi sa loob. Malapit sa pintong nasa likuran, ang dulong linya ng mga upuan kung saan may isang bakanteng nasa tabi ng bintana. Nagsimula siyang magsalita para ibahin ang kanilang paksa, "totoo kayang nawawala si Lian?" Ito rin ang kanina niyang ilang beses na tinanong kay CJ nang subukan niyang kausapin ito.

"Ewan." Tinignan ni Julius si Kristine. "Bakit ewan?"

"Bulakbol na tao si Lian. Kasisimula palang ng school year natin pero kung ano-ano nang katarantaduhan ang ginawa niya. Kaya sa tingin ko, naglayas lang siya." Hindi nakatugon si Julius. Nanatili lang siyang titig kahit natapos nang magsalita si Kristine. Nang mapansin naman nito ay muli itong nagsalita, "mukhang seryoso ka ata tungkol sa kaniya? Bakit? Sa tingin mo may nangyari talaga kay Lian?"

"Ewan, ewan ko rin." Sabay lingon niya kay Kristine. "Ang weird lang kasi isipin na may nawawalang tao rito ngayon sa section natin. Alam mo 'yon?" Mahinang tawa lang ang narinig niya kay Kristine pagkatapos magpaliwanag. Ngunit pagkatapos nito ay nagulat siya nang marinig na bumulong ito.

LingidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon