"Hindi ko alam na marunong ka talagang gumuhit... at magpinta."

Mula sa likod ay nilingon siya ni Wesley, maangas na ngiti ang gumuhit sa labi nito bago tignan muli ang pinipinta, nagpatuloy ito sa paggalaw at pagkaskas ng paintbrush sa canvas.

Kanina pa hindi makapaniwala si CJ. Hindi niya akalaing nagsasabi pala ito ng totoo noong nakaraang nagyaya itong sumali sa poster-making sa kanilang paaralan. Bagaman pinta ang ginagawa nito ngayon, na siyang napili nilang gawin para sa kanilang proyekto, na mas lalong hindi niya rin inasahang kayang gawin din ng binata.

Aminado si CJ na hindi siya magaling pagdating sa sining at mga disenyo, at nahirapan silang mag-isip ng gagawin noong nasa paaralan sila kanina. Ngunit nagsuhestiyon si Wesley na bakit hindi na lang drawing ang gawin nila, kung ayos lang din sa kaniya. Dahil inakalang mang-aasar lang ang kapares ay binara niya ito, ngunit sinabi nga nitong marunong talaga siyang gumuhit. Anito ay pinasok daw siya ng kaniyang mga magulang sa art school noong elementary pa lamang, at pinakita rin nito ang mga litrato ng mga gawa. Hindi tuloy alam ni CJ ang sasabihin dito, dahil sa pagkakakilala niya sa kaibigan, nahati na ang naisip niya sa sinasabi nito. Nang yayain siya nitong sa bahay nila gawin ang proyekto dahil may mga materyales daw roon ay pumayag siya, para malaman ang totoo.

At sa hindi niya inasahan, tama nga si Welsey, hindi ito nagbibiro. Nakita niyang may sariling art room pa ang binata. Ngunit ang napag-usapang guhit lamang, ay nauwi sa kasunduang pinta na lamang ang gawin. Ito'y matapos makita't malaman niyang nagpipinta rin ang kaibigan.

"Ngayong alam mo na, hindi mo na 'ko panliliitan pa."

Dumipensa agad si CJ, "hindi kita minamaliit. Puro ka kasi kalokohan kaya... akala ko nagbibiro ka lang. But I'm really sorry kung naramdaman mo' yon."

Hindi naman siya nilingon ni Wesley ngunit rinig niya ang mga tiwtiw nito at pang-aasar. Tinignan niya lang ang kaibigang magpinta pero maya-maya ay naisipan niyang kunin ang telepono, pinunta niya ito sa camera mode at kinuhanan ng bidyo si Wesley.

At ilang saglit pa bago mapansin nito ang kaniyang ginagawa. Nagtataka itong lumingon muna sa telepono bago sa kaniya, "what are you doing?"

"Video." Inosenteng sagot ni CJ, "for proof. B-b-baka isipin nila sa school na nag-hire tayo ng artists, para malaman nilang ginawa natin 'yong painting," tinuro-turo pa ng kamay niya ang tinutukoy.

"See? Ayan ba 'yong hindi nangmamaliit? At ako ang gumawa nito CJ, ako ang bahalang magpaliwanag sa kanila at ako, ako ang may karapatan mag-decide kung sasama kita o hindi."

Gulat na gulat naman si CJ sa sinabi nito, "subukan mo lang at hindi ka na ulit makakakopya sa'kin." Sabay nagtawanan ang dalawa at maya-maya pa ay narinig nila ang mga katok sa pinto.

"Ako na." Si CJ na ang nagpresinta para buksan ito. Ang kasambahay pala sa bahay ng kaibigan, may bitbit itong tray kung saan may nakalagay na maliit na pitsel ng juice, dalawang baso, at pinggang may laman na apat na hati ng hawaiian pizza. Matapos magpasalamat ay sinarado na niya ang pinto at nilapag ang pagkain sa lamesa, ngunit malayo naman sa mga materyales nila.

Pinanuod lang ni CJ si Wesley sa pagpinta habang kumakain. Nang may biglang maalala sa pagdating niya sa bahay ng kaklase ay nagsalita siya. "Ginagamit mo pa kotse mo?"

Agad na napalingon sa kaniya ang kaklase, ngunit natagalan bago ito makasagot, "hindi na," sabay balik ng atensyon nito sa ginagawa.

Oo, may sariling kotse ang binatang si Wesley. Ang kwento nito sa kaniya, niregalo ito ng ama noong mag-dise otso anyos ito. CEO ang ama niya sa isang oil refining company, kaya hindi naging mahirap para sa pamilya nila ang pagkakaroon ng isa sa malaking bahay sa lugar at tatlong pagmamay-aring lupang nakatayo naman sa labas ng Laguna. Sa madaling salita, mayaman ang pamilya ni Wesley. At alam ito halos ng lahat ng tao, mapalabas man ng Calamba o hindi.

LingidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon