"Sigurado kang ayos ka na rito?" Tanong ng matandang babaeng nakasuot ng abito. Balot din ang ulo nito ng isang belo.

"Opo, Sister Pam. Salamat po sa paghatid sa'kin." Ani Gabriel. Nagmano at nagpaalam na siya sa madre. Nagtalo pa sila ni Sister Pam dahil gusto niyang maihatid sa tarangkahan ng Buencamino ang madre para sa pag-alis nito, ngunit hindi ito sumang-ayon. "Kaya ko na. At baka mahuli ka pa sa klase mo. Sige na, pagpalain ka nawa ng Panginoon."

"Salamat po." Yumuko pa si Gabriel para magbigay ng huling paggalang sa madre. Tumalikod na siya at naglakad palayo ng admission office.

Sa paglabas niya ng gusali ay hindi niya ulit maiwasang mamangha sa malawak na paaralan. Halos tainga ang ngiti ng binata nang makita ang mga kapwa niya estudyante. Hindi maipaliwanag pa ang saya sa mukha ni Gabriel nang tignan niya ang sariling uniporme. Ang itim na amerikana kung saan may nakasukbit na tsapa ng paaralan sa kaliwang dibdib nito. Nasa ilalim o napalolooban nito ang puting mahabang manggas na de-butones na damit, kasabay ng isang itim muling kurbata. Ang pang-ibaba naman ay ang simpleng itim pa rin na pantalon at sapatos.

Matapos ang paikot-ikot ng nagniningning mga mata ni Gabriel sa Buencamino High ay naisipan niyang lapitan ang isang babaeng masasalubong niya sana. Tinanong niya kung nasaan ang mga gusali ng strand ng HUMSS. Tinuro nito ang medyo dulong parte ng Buencamino. Agad siyang nagpasalamat at nagtungo nga sa parteng iyon ng eskwelahan. Nang makakita ng tatlong palapag na gusali, ay agad niya iyong pinasok. Lalo na nang makita ang 'HUMSS BUILDING 1' na nakaukit sa itaas nito.

HUMSS 11-E, HUMSS 11-F, HUMSS 11-G, umakyat siya ng ikalawang palapag nang madaanan ang tatlong seksyon sa ibaba. HUMSS 11-J, tikom na napangiwi na lang si Gabriel sa nakitang ukit sa labas ng unang kwartong nadatnan niya. Tinignan niya ang kadulu-duluhan ng pasilyo, dahil sigurado nang nasa dulo ang silid-aralan na hinahanap, nagpatuloy siya sa paglalakad.

"Salamat naman." Isang malalim na paghinga ang nagpagaan sa loob niya nang makita ang "HUMSS 11-H" sa itaas ng pintuan ng dulong kwarto. Inayos-ayos niya ang kurbatang nakakabit sa kaniyang leeg. At sunod niyang tinignan ang mga estudyante sa loob, wala ring guro sa loob. Ilang paghinga pa ang ginawa niya bago pasukin ang kwartong iyon.

Dahil sa likod siya pumasok, hindi naging agaw pansin ang kaniyang pagdating. Dagdag na rin marahil ang mga kaniya-kaniyang ginagawa ng mga tao sa loob - ng kaniyang mga kaklase.

Nanatili siya sa likod, tinignan ang mga upuan sa loob. Marami pang bakante. Hindi niya nga lang alam kung bakante nga ba talaga iyon dahil hindi pa nagsisimula ang klase. Hanggang sa isang babaeng nakayuko ang dire-diretsong naglakad papalapit sa kaniya. Nabigla si Gabriel. Nang halos magkabunggo na sila ay saka lang umangat ang tingin nito.

Tikom na napangiti agad si Gabriel sa babae. "Hi."

Umiwas agad ng tingin sa kaniya ang babae. "Sorry," paumanhin nito at nagmamadaling dumaan sa gilid niya. Nilingon niya pa saglit ang babae na mabilis namang lumabas sa pintong nasa likod. Nang tignan muli ang mga kwarto ay napagpasiyahan niyang maghanap na lang sa mga upuang nasa kaliwang banda, kung saan katabi ng bintanang malapit sa pasilyo sa labas. Dahil sa nakita niyang puro bakante ang lahat sa huling hilera, dito na siya lumapit hanggang makarating siya sa upuang nasa dulo na pinaka-katabi talaga ng bintana. Sinimulan niyang ipatong ang kaniyang mga gamit.

"Excuse me pero bawal umupo d'yan."

Napalingon agad siya sa kaharap na hilera. Nakita niya ang nagsalitang babae na nakaupo katabi rin ng bintana. Napalingon ang katabi nito hanggang sa isa-isa na rin siyang tignan ng mga malapit dito. Narinig niya pa ang isang boses na nagtanong kung bagong estudyante ba siya.

LingidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon