Kabanata 2 - May 22, 2021

210 9 0
                                    

"Kuya?" nakangising tanong ng lalaki. Papalapit pa rin ito sa kanyang inang may busal sa bibig at may tali sa mga kamay at paa. Diretso pa ring nakatutok ang baril nito sa ginang.

"B-bakit? P-paanong?" Hindi maipunto ni Ana ang gusto niyang sabihin. Nalilito siya, ngunit takot ang mas gumagambala sa kanya ngayon. Sobrang pagkatakot. Bakit narito siya? Paanong narito pa siya? Ang sabi ni papa—

"Mukhang aatakihin ka yata." Nakangisi pa itong umupo sa tabi ng kanyang ina, pagkatapos ay niyakap ang ginang sa baywang at itinutok ang baril leeg nito sa ulo nito. Mas lalong nanlumo si Ana. Nakangisi ito. Parang demonyo.

"H-huwag!" akmang maglalakad pa siya ngunit natatakot siyang baka barilin nga nito ang kanyang ina kapag mas lumapit pa siya sa mga ito. "P-pakiusap, huwag mong i-ituloy ang—"

"Bakit? Natatakot ka ba, Ana?"

Wala pa ring eksaktong masabi si Ana. Alam niyang kitang-kita nito ang kanyang mukhang puno ng takot. Pinaglalaruan ba talaga siya nito?

"Upo ka muna. Mukhang nakakita ka ng multo." Nakangisi pa rin itong nakatingin sa kanya habang ang baril ay diretso pa ring nakatutok sa kanyang ina.

"Demonyo ka!" sa isip-isip niya habang tinitingnan ang kawawang ina. Puting-puti na ang mukha nito dahil sa takot. May nangingilid ding mga luha mula sa mapupula na nitong mga mata. Nasisigurado niyang umiiyak ito kanina pa.

"P-pakiusap, p-pag-usapan natin 'to, k-kuya," pagmamakaawa n'ya.

"Nakakatawa ka naman, bunso." Hindi pa rin ito natitinag at diretso pa ring nakatuon ang baril sa kanyang ina. "Ngayon, tinatawag mo akong kuya habang noo—"

"P-pakiusap, O-oliver," simula niya habang pinapakalma ang kanyang sarili, "i-ibaba mo 'yan, pakiusap."

Doon na naglabasan ang mga luha sa kanyang mata. Punong-puno na siya ng takot at pangamba sa kanyang ina dahilan para mapaluhod na siya. "P-pakiusap, ako na lang."

Hindi niya man makita ang mukha ng lalaki pero ramdam n'yang nakatitig ito sa kanya. Nang maitaas niya ang kanyang mukha ay doon niya nakita ang ngiti nitong sobrang lapad na kanina pa niyang nakikita. Hindi man lamang ito nagbago kahit ilang taon na silang hindi nagkita. Kahit ang mga piklat nito sa mukha at sa braso ay nandoon pa rin. "Pakiusap, pakawalan mo na si mama."

"Ayaw ko nga."

"H-ha?" kunot noo'y tanong ng dalaga. Gusto niya na itong suntukin. Alam niya ang ginagawa nito. Pinaglalaruan siya nito kanina pa lang.

"Ang sabi ko ayaw ko nga." Diretso pa rin itong nakatitig sa kanya. Ngunit ang kaibahan nga lang ay nakangiti ito at siya, hindi.

"P-pero— P-please kuya, a-ako na lang. Huwag na si mama."

Tiningnan nito ang kanyang ina at pagkatapos ay siya. "Ano 'to Christmas party? Exchange gift?! Bakit ko naman pipiliing pumili ng isa kung pwede namang dalawa."

"P-please—," magmamakaawa pa sana siya, ngunit hindi niya mapigilang magalit, "Ano ba talagang gusto mo?!" sigaw niya na ikinawala ng ngiti nito sa mukha. Papatayin mo ba kami, ha?!

Bigla siyang kinabahan. Sa mga pagkakataong ito katulad ng mga nababasa niya sa libro, dapat hindi niya ito ginagalit. Dapat hindi niya ginagalit ang may dala ng baril, na sa pagkakataong ito ay ang kanyang kinakapatid.

"Ang ganda kasing tingnan na natatakot ka, Ana. Tapos ako, eto, nandito lang. Naglalaro."

"Laro?" sa isip ng dalaga. Anong laro ang pinagsasabi nito? "Pakiusap, Oliver. Tama na."

"Tama na?" tanong nito habang nakataas ang kaliwang kilay. "Hindi pa nga tayo nagsisimula."

"A-ano ba kasing gusto mo?" nagmamakaawang tanong niya. Ayaw na niyang galitin pa ito.

"Ikaw," ngumiti pa ito at idinako ang tingin sa kanyang ina, "Siya," at ibinalik ulit ang titig sa kanya. "Ang matanda. At si Ford."

"A-anong ibig m-mong sabihin?" tanging naitanong niya, ngunit may pumuporma ng imahe sa kanyang utak at kahindik-hindik iyon na mas lalong nagpalabas ng kanyang mga luha. Bakit Oliver? Bakit mo ito ginagawa?

"May gusto akong ipahanap sa 'yo, Ana."

"H-ha?"

"May ninakaw kayo sa 'kin. Gusto kong hanapin mo 'yon."

Napakunot-noo ang dalaga. Anong ninakaw? Ano ba talagang pinagsasabi nito? Tatanungin pa sana niya ang mga tanong na ito, ngunit may mas gusto siyang itanong sa lalaki. "Kung gagawin ko ba ang g-gusto mo, p-papalayain mo na kami ni mama?"

"Depende," walang anu-ano'y sagot nito.

Gusto niyang sumigaw ulit dito. Nagugustuhan ng lalaki ang buong pangyayari at kinagagalit niya ito. "A-anong—" May gusto pa sana siyang sabihin pero sa sitwasyon nila ngayon, pinili n'yang huwag itong galitin ulit. "S-sorry."

"Ganyan, bunso, magpakabait ka. Huwag kang mag-alala, patas naman akong maglaro." Nakangisi pa ito habang nagsasalita. "At saka, wala rin naman akong gagawin kay Ford."

"A-anong ibig mong sabihin?!" Dahil sa takot sa kung anong mangyayari sa ina'y nakalimutan na niyang itanong kuna nasaan ang kapatid. "Nasaan si Ford?! Anong ginawa mo sa kanya?!"

"Kalma lang, hindi naman ako mamamatay-tao."

Nang marinig nito'y susugurin na sana niya ang lalaki pero napatigil siya nang makita ang mukha ng ina. Hindi man ito nagsasalita ay kita niya ang pakikiusap sa mga mata nito. Huwag mo siyang galitin, anak.

Ikinuyom na lang ng dalaga ang mga kamay. "P-pinatay mo ba si F-ford?"

"Hindi naman ako gano'n kasama, bunso."

"Pwes, sabihin mo kung nasa'n siya," maluha-luha niyang utos. "Pakiusap, Oliver, sabihin mo kung nasaan si bunso."

"Depende."

Nang marinig ito'y gusto niya itong sampalin, tadyakan, at suntukin. Bakit nito naaatim na gawin ito sa sarili nitong kadugo? Bakit?

"Oliver, pakiusap, bata lang siya." Nakakuyom pa rin ang kanyang dalawang mga kamay. Pinapakita nito ang nagagalit niya ngayong puso. Ngunit, para sa kapatid ay pinipilit niyang pigilan ang sarili.

"Alam ko," direktang saad nito. Kita pa rin ang ngisi sa mukha, ngunit may nakapintang ibang emosyon sa mukha nito na hindi niya mawari kung ano. "Kaya nga dapat sumunod ka kung hindi—"

"Kung hindi ano?" pagputol niya sa sasabihin nito. Narinig na niya ang mga salitang 'to noon, sa mga pilekula at nobela, at alam niyang ang susunod nito'y kung hindi pagpatay ay pagpapakamatay. At sa mga nangyayari ngayon, alin man sa dalawa, ay hindi niya hahayaang mangyari... lalong-lalo na sa kanyang bunso.

"Alam mo na ang kasunod bunso," tanging sagot nito.

Ilang segundo silang nagkatinginan ng diretso. Nakangisi ang lalaki habang siya'y nakakuyom ang mga kamay. Nanggagalaiti na siya sag alit. Gusto na niya itong sunggaban, ngunit natatakot siya sa mangyayari sa kanila.

"P-please, kuya—"magmamakaawa pa sana siyang pakawalan na lamang sila, ngunit biglang tumunog ang telepono na nasa sala.

Nagkatinginan si Ana at si Oliver at biglang nawala ang ngisi nito sa mukha.

Pamilya PerfectoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon