Naglabasan ang mga tanong sa utak ni Ana. Hindi niya mawari kung bakit may Last Will and Testament sa opisina ng kanyang ama. Sa ama niya ba ito mismo? Kung oo, bakit naman ito gagawa ng ganito gayong hindi pa naman ito katandaan. May tinatago bang karamdaman ang ama na hindi niya alam? Ang pagkakaalam niya kasi ay ang mga taong handa nang mamatay ang nagmamadaling gumawa ng mga ganitong papeles.
Napasilip siya sa gawi nina Oliver. Hawak-hawak pa rin nito ang kanyang ina habang nakatingin sa kanya. Ramdam niyang nababagot ito sa kabagalan niya, pero naguguluhan talaga siya. Ano ba talaga ang tinatago ng ama at bakit gayon na lang ang pag-ayaw ng ina na buksan ang nakatagong vault?
"Anong nasa envelope?" mariin nitong tanong. Iritable ng ang lalaki sa pagkakaalam niya sa tono ng tanong nito.
"Mga p-papeles lang naman," saad niya. Totoong mga papeles ang nasa vault, liban lang sa ma tseke at perang papel na nakita niya. Ngunit, may nag-uutos sa kanyang huwag sabihin kung anong klaseng papeles ang nasa envelope. Alam niyang nagsisinungaling pa rin siya, pero ano namang makukuha ni Oliver kung Last Will and Testament nga ito ng ama?
Nang humarap na siya rito ay sinimulan na niyang tingnan ang mga papeles na nailagay na niya kanila sa desk ng ama. Sisimulan na sana niyang basahin ang mga ito nang sumigaw bigla ang ina.
"Ana, 'wag!" sigaw nito, ngunit wala man lang sinabing dahilan. Umiling-iling pa ito pagkatapos.
Napakunot-noo na naman siya. Bakit ba siya pinipigilan ng ina gayong hostage sila ngayon ni Oliver?
Magsasalita pa sana siya, ngunit tinitigan siya ng mariin ng lalaki. "Tumahimik ka, tanda!" At muli ay tinadyakan na naman nito ang ina na kanina pang nakaratay sa sahig. "At ikaw, basahin mo na 'yang mga 'yan."
"Anak, makinig ka sa 'kin. Huwag mong siyang sundin," pagmamakaawa nito sa kanya.
Hindi niya alam ang gagawin. Kitang-kita sa mukha nito ang takot, ngunit hindi niya mawari kung para saan ang takot nito. Takot silang pareho sa lalaking may hawak ngayon ng baril, oo. Ngunit, ramdam niyang may mas kinakatakutan pa ang ina, hindi niya lang maipunto kung alin.
"Basahin mo sabi!" sigaw ng lalaki.
"Hindi pwede!" sigaw naman ng ina.
"Aba'y kanina ka pang matanda ka, ha!" Tinadyakan na nito ulit ang ina. "Gusto mong mamatay?!" sigaw nito nang iniharap ang mukha ni Martha at kinwelyuhan gamit ang kaliwang kamay.
"Huwag mong hawakan si mama!" hindi mapigilang sigaw ni Ana.
"Hawakan?! Sa puntong 'to dapat patay na siya!" Hindi pa rin nito binibitawan ang ina.
"Pakiusap anak, huwag mong basahin 'yan."
"Ano bang meron dito, Ma? Mga papeles lang naman 'to ni papa, 'di ba?" Hindi na niya mapigilan ang kanina pa niya nararamdamang pagkainis sa ina. Kanina pa siya nito pinipigilan at kanina pa nito ginagalit si Oliver. Wala yata itong pakialam na paulit-ulit itong sinasaktan ng lalaki habang siya'y wala man lang magawa para tulungan siya.
"Ano bang kinakatakot mo, tanda?" May saya sa mukha ng lalaki. Alam nitong may tinatago si Martha. Gusto niya itong suntukin dahil alam niyang nasisiyahan ito sa nangyayari sa kanilang mag-ina.
"Anak, para sa akin, huwag mo na lang siyang sundin." Patuloy pa rin nitong pakiusap kahit basang-basa na ang mukha nito ng pawis at luha. "Para sa ak—"
"Tumahimik ka!"
"Oliver, huwag!" Biglang nanikit ang kanyang dibdib. Buong-buo ang narinig niyang tunog ng baril. Sobrang sakit sa taenga. Sobrang sakit. At mas lalo pa nitong pinakurot ang kanyang puso nang marinig ang hinaing ng ina at makita ang mga dugong tumatagas mula sa kanang paa nito. "Ma," tanging nasabi niya at sa bawat pagtagas ng dugo ay siya ring paglabas ng kanyang mga luha.
BINABASA MO ANG
Pamilya Perfecto
Mystery / Thriller"Sa pagbabalik ni Ana sa kanilang mansyon, nagbalik din ang kanyang kinakapatid sa ama, ngunit hindi sa dahilang inaasahan niya..." Perpekto ang pamilya ni Ana Santiago. Maraming negosyo at ari-arian ang kanyang ama, at ang ina naman niya'y dating k...